TINULDUKAN ng TNT Tropang Giga ang natitirang pag-asa ng Magnolia Hotshots Pambansang Manok na makabawi sa kanilang ikalimang harapan, 94-79, sa Finals ng 2021 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Oktubre 29, sa Don Honorio Ventura State University Gymnasium, Bacolor, Pampanga.
Walang habag na nilamon ng Finals MVP na si Mikey Williams ang mga nag-aatubiling manok matapos itarak ang tumataginting na 24 na puntos, apat na rebound, at apat na assist. Mainam namang inalalayan nina RR Pogoy, Ryan Reyes, at Jayson Castro ang super rookie matapos kumamada ng pinagsamang 38 puntos kalakip ang kanilang katalinuhan sa pagpasa ng bola at pagbasa sa depensa ng napatumbang katunggali.
Nagkumahog namang umahon sa pagkapariwara si Ian Sangalang matapos magsalansan ng nakayayanig na 18 puntos, siyam na rebound, at dalawang block para sa Magnolia Hotshots. Nabigo man sa pagtatangkang sagpangin ang matinding puwersa ng nagwaging koponan, naging kaagapay naman niya sina Jerrick Ahanmisi at Calvin Abueva hanggang sa kahuli-hulihang dagok tangan ang kanilang pinagsamang iskor na 25 puntos.
Nagmamadaling inunahan ng TNT Tropang Giga ang Magnolia Hotshots sa unang yugto ng laro kaya maagang nagpakitang-tikas ang mga palad ni Pogoy matapos magtala ng unang puntos. Sa kabila nito, sinubukang tutulan ni Rafi Raevis ang pagsalakay ni Pogoy matapos tumikada ng magkasunod na swabeng layup, 4-all. Kapansin-pansin namang isinaalang-alang ng parehong koponan ang kanilang defensive play habang hindi umaasa sa mga quick shot.
Hindi nagtagal ang 5-point lead ng Magnolia Hotshots, 10-5, matapos manumbalik ang sigla ni Troy Rosario nang lukubin ang lumalaki at nagbabadyang agwat ng kanilang puntos. Kahit na pinipilit ng katunggali na pabagalin ang tiyempo ng laro, hindi hinayaan ng TNT na manaig ang pagbabanta ng Magnolia Hotshots sa unang yugto matapos pumukol ng pitong puntos, 21-14.
Nagpatuloy ang buwelta ng TNT sa ikalawang yugto kasunod ng kanilang 11-2 run sa pagtatapos ng unang yugto. Nanatiling matinik ang depensa ng mga ka-Tropa matapos makalikom ng anim na turnover sa unang limang minuto ng yugto. Ginawang pangunahing sandata ng TNT ang karayom ng perimeter defense na nagresulta sa mga libreng fastbreak point para sa koponan. Gayunpaman, hindi nakalayo ang TNT dahil sa pagiging aktibo sa offensive glass ng Magnolia, 26-18.
Tuluyang natanggal ang Tropang Giga sa lansa ng Pambansang Manok sa pagpasok ni M. Williams. Nagpakawala ng sampung puntos ang naturang 4th overall pick na nagtulak sa 12-2 run ng kaniyang koponan, 38-20. Nagpatuloy ang pamamayagpag ng ka-Tropa sa pamamagitan ng transition threes na nagpalamang sa pangkat ng 23 puntos. Bahagya namang naibsan ng Magnolia ang paghahari ng TNT sa pagtatala ng walong sunod-sunod na puntos ni Ahanmisi sa huling dalawang minuto ng ikalawang yugto, 47-33.
Nanatili naman ang matatag na depensa ng Tropang Giga na lubhang nagpahirap sa Magnolia Hotshots na makapuntos sa ikalawang yugto. Gayunpaman, sumandal ang Magnolia Hotshots sa magagandang pasa sa loob ng paint na labis na nakatulong sa opensa nina Abueva at Mark Barroca, 50-35. Umariba naman si dating Green Archer Kib Montalbo para sa Tropang Giga matapos umukit ng layup, 52-35.
Sa kabila ng 18-point lead ng Tropang Giga sa huling apat na minuto, humirit pa si Aris Dionesio sa pamamagitan ng jumpshot, 63-47. Agad namang sinagot ito ni Glenn Khobuntin matapos magpakawala ng tres, 66-47. Sinarado ni Jio “The Cyclone” Jalalon ang ikatlong kwarter sa pamamagitan ng kaniyang mga freethrow, 72-53.
Nagsimula ang huling yugto mula sa dalawang matagumpay na freethrow ni Khobuntin, 72-55. Inalalayan din ni Reyes ang kanilang kalamangan sa buong takbo ng laro sa pamamagitan ng tres, 76-59. Tinrabaho naman ng Magnolia Hotshots ang kanilang opensa sa pangunguna ng layup mula kay Sangalang, 73-59. Gayunpaman, hindi napigilang magliyab ang mga kamay nina Reyes at M. Williams sa labas ng arko, 81-61. Bunga ng 19-point lead sa huling dalawang minuto ng laro, tuluyan nang pinatahimik ng Tropang Giga ang Magnolia Hotshots sa iskor na 94-75.
Nagsilbing pinakamahalagang armas ng Tropang Giga ang kanilang hindi matinag na depensa sa pagkamit ng kampeonato. Sinalamin nito ang 15 fastbreak points ng TNT habang nakulong sa 16% three-point field goal ang kanilang katunggali. Naging agresibo rin ang Tropang Giga sa opensa matapos sumubok ng 23 beses na charity stripe.
Makalipas ang anim na taon, napasakamay muli ng TNT Tropang Giga ang tropeo ng PBA Philippine Cup, 4-1. Naging makasaysayan ang torneo dahil ito ang ikaanim na kampeonato ng koponan sa All-Filipino Conference at unang kampeonato ni Coach Chot Reyes sa PBA mula sa kaniyang pansamantalang pag-alis noong 2012.