KUMPLETONG DOMINASYON ang ipinamalas ng TNT Tropang Giga kontra Magnolia Hotshots Pambansang Manok, 106-89, para sa ikaapat na laban sa Finals ng 2021 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Oktubre 27, sa Don Honorio Ventura State University Gymnasium, Bacolor, Pampanga.
Maangas na kumamada ng patalim ang TNT mula sa katauhan ni Mikey Williams matapos magsalaksak ng 26 na puntos. Matatandaang nagpasabog ng umaatikabong career-high ang dekalibreng atleta noong Game 3 ng Finals, tangan ang 39 na puntos. Nagsilbing kasangga naman ni M. Williams si Jayson Castro na pumundar ng 12 puntos.
Sa kabilang banda, nagsilbing tinik para sa nagwaging koponan ang pambato ng Hotshots na si “The Beast” Calvin Abueva matapos kumana ng 28 puntos, anim na rebound, at dalawang steal. Inalalayan naman ng nagbagagang opensa nina Ian Sangalang at Paul Lee ang pag-araro ng puntos ng Best Player of the Conference matapos humakot ng pinagsamang 32 puntos.
Para sa nagwaging koponan noong Game 3, ibinunyag ng Magnolia ang kanilang kagila-gilalas na starters sa unang yugto sa katauhan nina Jio Jalalon, Lee, Rome Dela Rosa, Ian Sangalang, at Rafi Reavis. Sa kabilang panig, nanguna para sa TNT sina Brian Heruela, Kelly Williams, M. Williams, at Roger Pogoy. Kabilang din sa starters ang ka-Tropang si Troy Rosario sa kabila ng kaniyang dinadalang sakit bunsod ng dislocating finger at spinal shock. Gayunpaman, hangad ng mga alas ng Tropang Giga na selyuhan ang kanilang ikatlong panalo sa Finals upang mapalapit sa inaasam-asam na kampeonato, titulong bigong makamkam sa loob ng anim na taon.
Maagang namukadkad at tumikada ng nagraragasang tirada ang Tropang Giga matapos nilang kumamada ng sandata sa katauhan ni M. Williams. Dulot nito, nag-ambag ng umaatikabong pitong magkakasunod na puntos ang basketbolista, 12-8, sa pagsisimula ng bakbakan. Sa kabila nito, masigasig na winakasan ni The Beast Albueva ang momentum ng TNT matapos kumana ng dalawang tres, 24-19, mula sa labas ng arko. Malakuryente naman ang pag-alsa ni ka-Tropang Castro kontra Magnolia sa unang kwarter bitbit ang kaniyang nakamamanghang 5-0 run, 24-all.
Agaw-pansin namang tumambad sa pagbubukas ng ikalawang kwarter ang umaapaw na lakas at angas ng dating King Archer na si Kib Montalbo. Pinangunahan ng dekalibreng atleta ang 7-3 run ng Tropang Giga, 36-29, mula sa pagpiglas sa pagkakatali ng pantay na talaang 26-all. Tangan ang ragasa ng mga layup ng tambalang Castro-Heruela, tuluyang tinambakan ng TNT ang naghihingalong talaan ng Magnolia, 57-39, sa pagtatapos ng unang kalahati ng laban.
Pagdaong sa ikatlong kwarter, nagpakawala ng maangas na tres mula pull up jump shot si M. Williams na nagbigay-daan sa masilakbong pag-usad ng Tropang Giga sa 25 kalamangan, 68-43. Kapit-bisig namang ginantihan ng tambalang Albueva at Sangalang ang momentum ng Tropang Giga matapos kalusin ang kanilang matayog na kalamangan, 78-63. Sa kabila nito, sinarado ng Tropang Giga ang ikatlong salpukan tangan ang higanteng 15 kalamangan, 82-67.
Matulin na binagtas ni ka-Tropang Pogoy ang ikaapat na kwarter matapos pumukol ng isang driving layup, 84-67. Mabagsik namang nagpalitan ng puntos ang Best Player of the Conference Albueva at scoring machine K. Williams, 88-71. Sinundan naman ni ka-Tropang Heruela ang kamandag ni K. Williams matapos pumukol ng magkakasunod na tres mula jump shots, 97-79. Sinubukan mang pagdikitin ni Albueva ang sagupaan, nagwakas ang ikaapat na kwarter ng laban para sa kampeonato sa iskor na 106-89, pabor sa TNT.
Tunghayan ang muling pagtutuos ng TNT Tropang Giga at Magnolia Hotshots Pambansang Manok sa darating na Biyernes, Oktubre 29, sa ganap na ika-6 ng gabi. Susubukan ng Tropang Giga na tuldukan ang kanilang karera bilang kampeonato ng PBA 2021 habang umaasa ang Magnolia Hotshots na makabawi sa kanilang ikalimang laban sa Finals.