MAAGANG NAMUKADKAD ang ONIC Philippines upang mapasakamay ang unang puwesto sa Grand Finals ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Season 8 (MPL S8). Sa kabilang banda, makalalaban ng koponan ang Blacklist International (BLCK) matapos magpunyagi sa Lower Bracket Finals. Mula rito, nakamit ng dalawang koponan ang pribilehiyong maging kinatawan ng Pilipinas sa Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) M3 World Championship na pinangunahan ng Bren Esports matapos mamayagpag noong ikalawang season ng torneo.
Matira-matibay sa eliminasyon
Opisyal na nagsimula ang mga laro ng MPL S8 noong Agosto 29. Sumalang sa elimination round ang walong matatapang na koponan. Bahagi ng torneong ito ang defending champion at kasalukuyang nasa unang puwesto ng standing na BLCK, 13-1. Sinundan naman ito ng unang koponang nakapasok sa grand finals na nasa ikalawang puwesto ng standings na ONIC PH, 9-5.
Humataw sa paglalaro at galing sa balasa ng mga hero ang BLCK sa elimination round upang simutin ang karamihan ng katunggali sa torneo. Bunsod nito, nakamit ng naturang koponan ang unang puwesto noong yugtong eliminasyon na may 13 panalo. Kapansin-pansin naman ang isang talo ng BLCK kontra sa ONIC PH na isa sa inaabangang koponan sa torneong ito. Lumapag sa ikalawang puwesto ang ONIC PH sa pagtatapos ng elimination, na may siyam na panalo at limang talo.
Kasunod nito, nakamit naman ng Nexplay EVOS (NXPE) ang posisyon sa playoffs matapos maudlot ang kanilang karera sa eliminations noong MPL Season 7. Buhat nito, nakahakot ng kabuuang pitong panalo at pitong talo ang koponan na nagbunsod sa pagkalapag sa ikatlong puwesto ng standings. Samantala, nakamit naman ng RSG Philippines ang ikaapat na puwesto sa standings na may parehas na panalo-talo kartada, 7-7. Kabilang din sa elimination round ang Smart Omega (OMG), ECHO, Bren Esports, at TNC Pro Team ML—mga koponang nagpahirap at tumalo sa kasalukuyang finalists.
Dikdikang sagupaan sa playoffs
Maagang namaalam ang RSG Philippines sa karera nang dominahin ng NXPE ang kanilang koponan sa unang araw ng playoffs. Sinorpresa ni rookie Hesa ang RSG matapos nakawin nang dalawang beses ang lord sa ikatlong yugto. Sinubukan ding samantalahin ng RSG ang pag-araro ng kills ni Iy4knu gamit ang marksman na si Brody upang unang kompletuhin ang mga objective sa laro. Kaakibat nito, tinuldukan ng NXPE ang bakbakan sa pamamagitan ng isang teamfight malapit sa lord.
Nagpatuloy naman ang biyahe ng OMG tungo sa hinahangad na playoffs slot matapos tuldukan ang karera ng naghihingalong ECHO. Mariing ibinuwag ng OMG ang depensa ng kalaban matapos makalikom ng 4,000 gintong kalamangan sa unang anim na minuto na nagdulot upang mapasakamay ng koponan ang unang yugto. Hindi naman nagpatinag ang ECHO at agresibong bumawi gamit ang pamatay na damage at lord steal sa ikalawang yugto. Sa huling bahagi ng laban, hindi na nadepensahan ng ECHO ang kanilang base matapos gamitin ni captain E2MAX ang diversion ni Luo Yi, kasabay ang setup ng Mathilda ni Ch4knu.
Umabante naman ang ONIC sa upper bracket finals matapos lampasuhin ang koponan ng NXPE. Matagumpay na dinala ng tandem nina Beemo at Baloyskie ang kanilang koponan sa abot-kamay na grand finals slot matapos makapaglista ng pinagsamang 25 assist. Hinirang naman na Most Valuable Player (MVP) si Kairi gamit ang assassin na si Ling na nakapagtala ng limang kill at tatlong assist sa ikatlong yugto ng bakbakan.
Pagsapit ng ikaapat na yugto ng laro, ipinamalas ng OMG ang kanilang husay upang pabagsakin ang BLCK. Dagliang pinatikim ng BLCK ang kanilang dominasyon sa game 1 sa pangunguna ni Hadji gamit si Claude na nagtala ng 4/2/3 KDA para selyuhan ang panalo. Sa kabila nito, nagbalik ang bangis ng OMG upang kalusin ang puwersa ng BLCK. Bunsod nito, nakamit ng defending champion ang upset loss at pagkalapag sa lower bracket finals mula sa mga kamay ng OMG.
Tinahak naman ng BLCK at NXPE ang lower bracket finals. Sa pangunguna ni OHEB, desididong pinabagsak ng BLCK ang NXPE gamit ang kaniyang Harith, 4/1/1 KDA, para sa unang tapatan ng laro. Kinilala namang MVP si Hadji sa ikalawang laban ng lower bracket finals kalakip ang kaniyang 100% kill participation. Sinubukan man ng NXPE na tapusin ang laro, nanaig pa rin ang taktika ng BLCK at tuluyang nagwagi sa kabila ng kanilang mas mababang kills kaysa sa katunggali, 3-0.
Matapos ang kanilang upset loss, matagumpay na nakabawi ang Blacklist International kontra Smart Omega sa lower bracket finals. Maagang binakuran ng defending champion ang matayog na opensa ng OMG sa una at ikalawang yugto ng laro. Sa kabila nito, nagpakitang-gilas naman ng nakamamanghang burst damage ang young gun ng OMG na si Kelra gamit ang kaniyang mage hero na si Alice, 2-1. Sa dikitang salpukan ng ikaapat na yugto ng laro, pumiglas ang BLCK sa pagkakatali sa malaking kalamangan ng OMG matapos kuhanin ang lord na nagsilbing tulay sa matagumpay nilang pag-push, 3-1.
Abangan ang kapana-panabik na sagupaan sa pagitan ng mga gutom na ONIC PH at defending champion Blacklist International mamaya, Oktubre 24, sa ganap na ika-6 ng gabi. Kaakibat nito, magtatapatan ang dalawang koponan sa unang pagkakataon bilang kinatawan ng Pilipinas sa MLBB M3 World Championship.