BUMALIKWAS ang Magnolia Hotshots Pambansang Manok mula sa back-to-back loss matapos selyuhan ang TNT Tropang Giga sa kanilang ikatlong engkwentro, 106-98, sa best-of-seven Finals ng 2021 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Oktubre 24, sa Don Honorio Ventura State University Gymnasium, Bacolor, Pampanga.
Nagsilbing alas ng Hotshots si Paul Lee matapos magpaulan ng 21 puntos. Naghatid naman ng suporta si Ian Sangalang nang tuluyan niyang pinaangat ang talaan ng Hotshots matapos pumukol ng 20 puntos, pitong rebound, at limang assist. Malaking ambag rin ang nailista nina Calvin Abueva at Mark Barroca matapos umukit ng pinagsamang 30 puntos.
Nagpatuloy naman si ka-Tropang Mikey Williams sa pagpapakitang-gilas nang magpakawala ang super rookie ng tumataginting na 39 na puntos, 30 mula sa kaniyang umaalab na three-point line. Dagdag pa rito, double-double performance naman ang ipinamalas ni John Paul Erram matapos maglista ng 10 puntos at 11 rebound. Tumamlay naman mula sa huling laro si Jayson “The Blur” Castro nang malimitahan siya sa siyam na puntos at anim na rebound.
Nag-iinit na mga kamay ang ipinamalas nina Lee at Jio Jalalon nang buksan ang unang yugto ng sagupaan sa isang 7-0 run. Tatlong sunod-sunod na tres naman ang pinakawalan nina Brian Heruela, Roger Pogoy, at Mikey Williams mula Tropang Giga upang maitabla ang laro, 9-all. Nagpasiklaban naman sina Sangalang ng Magnolia at Pogoy ng TNT sa pagpapaulan ng puntos sa pagpapatuloy ng bakbakan, 12-15.
Nagpatuloy sa pagdomina ang koponan ng TNT sa pangunguna ni Heruela at Pogoy upang palobohin ang kalamangan, 14-20. Tila naparalisa naman ang TNT sa pagpapatuloy ng laban nang ilabas si Heruela at Pogoy. Sinulit ng koponan ng Hotshots ang pagkakataong ito na makaahon at rumagasa ng isang 12-0 run, sapat upang isarado ang unang yugto, 26-20.
Maliksing sumalubong sina Hotshots Abueva at Corpuz sa ikawalang pagbubukas ng laro matapos ang dalawang magkasunod na layup, 30-20. Back-to-back fadeaway shots naman ang ginawang sagot ng TNT nang matapos ni Corpuz ang kaniyang three-point play, 33-24. Nagising ang natutulog na diwa ng TNT nang magpakawala ang tambalang M. Williams at K. Williams ng isang 8-0 run upang idikit ang tunggalian, 35-32.
Tuluyang naitabla ng TNT ang laban nang muling maglista ng tres si M. Williams at maipasok ni Heruela ang dalawang charity points, 37-all. Hindi naman nagpahuli ang koponan ng Magnolia nang pangunahan ng “Angas ng Tondo” na si Lee ang pagtatarak ng 11-2 run kontra TNT, 48-39. Nagpalitan na lamang ang dalawang magkatunggali sa nalalabing dalawang minuto ng first half, dahilan upang matapos ito sa talang 52-46.
Hindi naman nagpakampante ang koponan ng Magnolia nang maagang kumana si Sangalang ng dos mula sa jump shot, dahilan upang madagdagan ang lamang ng kanilang kartada, 54-46. Sinubukan mang magpakitang-gilas ni M. Williams ng Tropang Giga, wala itong binatbat sa “Angas ng Tondo” na si Lee matapos niyang magbato ng 2-point step back jump shot at 3-point jump shot mula sa labas ng arko, 69-56.
Nang ilabas si Lee, ipinagpatuloy ng kaniyang kapwa Hotshots ang sinimulan niyang palabas nang umukit ito ng magkasunod na apat na puntos sa loob ng perimeter, 75-61. Gayunpaman, pinipilit pa ring isuka ng Tropang Giga ang kalamangang ipinapakain sa kanila ng kabilang koponan nang gitgitin nila ito sa iskor na 77-74. Gayunpaman, nabigo pa ring busalan ni Sangalang at Barroca ang kanilang kartada sa pagtatapos ng ikatlong kwarter, 82-77.
Walang-awang kumasa ng 5-0 run ang Hotshots Prince na si Barroca laban sa naghihingalong kalaban, 95-77. Sa kabila nito, hindi kaagad humimlay ang Tropang Giga sa inilatag na kapalaran ng Hotshots nang matikas nilang habulin ang nasa kartada ng kabilang koponan, 95-86.
Nang mahanapan ng panibagong butas ng Tropang Giga ang kalaban, ginamit nila ang pagkakataong ito upang paliitin ang bentahe ng Magnolia Hotshots sa tatlong puntos, 98-95. Sa kasamaang palad, naging mas ganid sa kampeonato ngayong gabi ang Hotshots nang pumitik sina Rome Dela Rosa at Sangalang sa free throw lane, daan upang maiuwi nila ang tagumpay sa Game 3 ng Finals kontra TNT, 106-98.
Abangan ang susunod na sagupaan ng Magnolia Hotshots at TNT Tropang Giga sa darating na Miyerkules, Oktubre 27. Susubukan ng Hotshots na maitabla ang talaan habang pipilitin naman ng TNT na tuluyang mapalapit sa inaasam na kampeonato.