Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na nababali at nababaluktot ang mga panuntunang gumagabay sa sistema ng halalan sa Pilipinas. Lantaran man o palihim, hindi maikakailang may mga estratehiya ang mga politiko upang mangalampag at gumawa ng ingay sa ngalan ng pangangampanya.
Sa pinalawig na Batas Pambansa Blg. 881 o Omnibus Election Code ng 1985, bahagi nito ang Section 77 na nagbibigay ng karapatang palitan ang kandidato ng isang partido sa iba’t ibang dahilan, tulad ng kamatayan, diskwalipikasyon, at pag-atras ng orihinal na kandidato. Sa pangwakas na parirala ng naturang seksyon, pinahihintulutan din ang kusang pag-atras ng isang kandidato o voluntary substitution. Gayunpaman, mayroon lamang limitadong panahon ang mga kandidato na umatras at maghain ng kanilang kapalit. Batay sa Resolution 10717 ng Commission on Elections, nakatakdang magtapos ang paghahain ng voluntary substitution sa Nobyembre 15 para sa mga nais kumandidato sa Halalan 2022.
Sa papalapit na eleksyon, inaabangan ng lahat ang pagbabagong kaakibat ng pagkakaroon ng kalayaang palitan ang mga orihinal na naghain ng kandidatura. Nakatutok ang mga matang nangingilatis sa maaaring pagkawatak-watak at muling pag-ulit sa nakalipas—ang pagwawagi ng isang pasistang bunga ng substitution.
Batas na mapanlinlang
Bagamat nagtapos lamang nitong Oktubre 8 ang paghahain ng kandidatura, may posibilidad pa ring kumandidato ang mga nais tumakbo sa halalan na hindi nakaabot sa deadline sa pamamagitan ng substitution by withdrawal ng orihinal na nagpasa ng kandidatura. Isang tanyag na halimbawa nito ang pagiging kapalit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa orihinal na kandidato para sa pagkapangulo noong 2016 na si Martino Diño.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Anthony Borja, political analyst at propesor sa Pamantasang De La Salle-Maynila, ipinaliwanag niyang ginagamit ang substitution sa pagkakataong mayroong pag-aalinlangan sa kakayahan ng isang kandidato na tumakbo sa nais niyang posisyon. Aniya, isinisiwalat ng patuloy na implementasyon ng substitution ang mahinang sistema ng political partylist sa bansa at ang kawalan nito ng pagkakaisa.
Binigyang-diin ni Borja na maaari ding magkaroon ng mga pangkat sa loob ng isang partido na magkaiba ang nais na kandidatong patatakbuhin. Inihalimbawa niya ang dalawang posibilidad na nakikita niya sa pagtakbo ni Senador Bato Dela Rosa sa pagkapangulo sa Halalan 2022.
“Una, hindi pa tapos ang negosasyon kung sino ang tumakbo mismo sa loob ng partido nila [Dela Rosa]. Ikalawa, mayroong mga faction sa loob ng partido na maaaring gusto si Dela Rosa na lang ang tumakbo parang lang mayroon silang maharap. Hindi rin siguro sigurado kung [gustong] tumakbo ni Sara Duterte. . . [ginagamit ang substitution] para lang may iharap ngayon, para may masabi na may tatakbo sa partido nila. . . parang may pambato lang [o] placeholder status,” paliwanag ni Borja.
Bunsod ng umiinit na klima ng politika sa bansa, iginiit ni Borja na maaaring maging mapanlinlang na estratehiya ang pagsasagawa ng substitution. Aniya, hindi agad nalalaman ng ibang partido kung magiging opisyal nilang kalaban ang kandidatong naghain ng Certificate of Candidacy dahil maaari siyang palitan ng ibang kandidato. “Wala ng saysay maging kinatawan [ng isang partido] kung may substitution,” pagdidiin ni Borja. Bukod dito, nagdudulot ng labis na pagkabahala at kalituhan sa mga botante ang patuloy na pagbabago sa listahan ng mga nais tumakbo sa halalan. Dagdag ni Borja, hindi umano magugustuhan ng mga botante ang paiba-ibang listahan ng mga kandidato dahil nagmimistulang laro o palabas na lamang ang dapat sineseryosong paghahain ng kandidatura.
Gayunpaman, may ilang mga Kongresistang naglalayong maglatag ng mas mahigpit na panuntunan sa paraan ng implementasyon ng substitution. Sa pananaw ni Borja, ikabubuti kung makapagtatatag ang bansa nang mas matibay na mga partido at ipagbabawal ang substitution by withdrawal maliban na lamang kung mayroong legal na dahilan ang isang kumakandidato.
Nagkakaisang hangaring pagsusog
Tunay na nakababahala ang usapin ukol sa voluntary substitution maging sa mga mambabatas at ilang kandidato para sa nalalapit na halalan. Bunsod nito, tahasang kinokondena ni House Deputy Speaker Rufus B. Rodriguez ang voluntary substitution sapagkat naniniwala siyang maituturing na uri ng manipulasyon at pambabastos sa demokrasya ang gawaing ito. Kasalukuyang isinusulong ni Rodriguez ang House Bill 10380 na may layuning pahintulutan ang involuntary substitution sa dahilan ng kamatayan at diskwalipikasyon.
“Parties should get real candidates to file on the deadline of the filing . . . Not the case [where] you may be a candidate. We’ll file somebody to be a placeholder. Somebody muna diyan proxy and then substitute na afterwards,” diin ni Rodriguez sa panayam ni Rambo Talabong ng Rappler.
Sinang-ayunan din ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, kasalukuyang tumatakbo sa pagkapangulo, ang panukalang isinusulong ni Rodriguez sapagkat naniniwala siyang hindi patas ang paghahain ng kandidatura ng mga taong walang intensyong tumakbo at dumaan sa proseso ng pangangampanya.
Sa kabila ng mga alingawngaw at posibilidad ng kaniyang pag-atras, pumanig din si Dela Rosa, kandidato ng PDP-Laban sa pagkapangulo, sa pagsusog ng batas ukol sa substitution. Aniya, kinakailangan ang striktong batas sa substitution upang maging mas maayos ang proseso ng halalan at maiwasang magamit ito ng mga partido upang makapanlinlang.
“Dapat talaga tanggalin ito [substitution], ako talaga I am for it kasi nagagamit ito na strategy sa mga partido . . . Wala akong problema diyan kung ikakabuti ng ating electoral process ‘yung pag-amend ng batas na ‘yan then I will go for it, I will support it,“ pagbibigay-diin ni Dela Rosa sa panayam ng ABS-CBN News.
Gayunpaman, taliwas ito sa mga nakaraan niyang pahayag dahil ibinahagi ni Dela Rosa sa CNN Philippines nitong Oktubre 12 na handa siyang magbitiw sa kaniyang pagtakbo sa pagkapangulo upang mabigyang-daan si Davao City Mayor Sara Duterte upang tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Kasiguraduhan sa panahon ng agam-agam
Mahalaga ang ginagampanang trabaho ng mga opisyal ng gobyerno—mababa man o mataas na posisyon. Sila dapat ang tagapagtanggol ng mga Pilipino na nasisiil at nasasadlak sa kahirapan at paghihirap—mga opisyal at pinunong hindi maninikluhod sa sariling interes, sa halip magsusulong para sa magandang kinabukasan ng sambayanang Pilipino at ng Pilipinas.
Malaki ang ginagampanan ng halalan sa pagtataguyod ng mas maayos na sistema sa pamahalaan at kinakailangan nito ng mga kandidatong buo ang loob na mamuno lalo na sa panahong patong-patong ang suliranin ng bansa. Sa pamamagitan nito, mabibigyan ang botanteng Pilipino ng pagkakataong makilatis lahat ng kandidatong may magandang pundasyon sa edukasyon at pamamahala. Sa huli, kinakailangang taglayin ng mga handang tumakbo sa mataas na posisyon sa gobyerno ang kahandaan at kakayahang magdala ng kaayusan sa bansa.
Sa pagtitiis ng mamamayang Pilipino sa mahabang pila upang makapagrehistro, nararapat lamang na masuklian iyon ng mga kandidatong may malinis na intensyong mamuno. Bagamat nananatili ang posibilidad ng pang-aabuso sa implementasyon ng substitution, nakasalalay sa wastong pagboto ng mamamayang Pilipino ang kasiguraduhan ng pagbangon ng bansang Pilipinas.