NASUNGKIT MULI ng TNT Tropang Giga ang panalo kontra Magnolia Hotshots Pambansang Manok, 105-93, para sa ikalawang laban sa Finals ng 2021 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Oktubre 22, sa Don Honorio Ventura State University (DHVSU) Gymnasium, Bacolor, Pampanga.
Bumida para sa Tropang Giga ang kanilang super rookie na si Mikey Williams matapos kumamada ng 28 puntos, siyam na rebound, at anim na assist. Bukod pa rito, tumulong din ang “Best Point Guard in Asia” na si Jayson Castro matapos pumukol ng 16 na puntos at limang rebound. Nagsilbing defensive machine naman si Poy Erram ng Tropang Giga matapos umukit ng anim na puntos kasama ang kaniyang 12 board at apat na blocks.
Bumida para sa Hotshots ang isa sa mga miyembro ng “Pinatubo Trio” na si Ian Sangalang matapos umukit ng 25 puntos at walong rebound habang gumawa ng double-double performance si “The Beast” Calvin Abueva matapos umukit ng 11 puntos at makakuha ng 11 board. Tila naging malamig naman ang mga kamay ni Paul Lee dahil nakapag-ambag lamang siya ng 12 puntos sa buong laro.
Sa pagsisimula ng unang yugto ng laro, maagang namukadkad ang binansagang “Angas ng Tondo” na si Lee para simulan ang pagratsada ng mga nakaputi, 2-0, ngunit itinabla naman ito ni Troy Rosario, 2-all. Kaagad namang uminit ang mga kamay ni Williams at Cebuano Guard Brian Heruela matapos magpakawala ng apat na magkakasunod na three-point shots upang ibulsa para sa kanilang koponan ang kalamangan, 14-6.
Nagpatuloy pa ang mainit na pagratsada ng Tropang Giga sa rainbow country sa tulong ng mga beteranong guard nito na sina Castro at Ryan Reyes para maiangat sa 14 ang kalamangan ng TNT, 38-24. Hindi naman nagpatinag ang Hotshots nang magpakawala ng isang malaking three-point shot ang dating Adamson gunner na si Jerrick Ahanmisi para maibaba ang kalamangan ng TNT sa 11, 38-27. Tinapos naman ni M. Williams ang kaniyang mainit na pagratsada nang magdagdag siya ng isang layup para makaukit ng 11 puntos kalakip ang dalawang assist sa pagtatapos ng unang yugto, 40-27.
Mababagsik na atake ng Tropang Giga—ganito nagsimula ang ikalawang yugto ng laban. Pinangunahan ito ni Rosario nang umani siya ng dalawang puntos na sinundan ng pag-atake ni Castro, 44-29. Hindi rin nagpahuli si Erram nang makamit niya ang unang field goal ng laro, 48-29. Maiinit na atake naman ang naging sagot ni Hotshots Lee sa nabubuong momentum ng TNT, 51-36. Sa kabila nito, sunod-sunod ang pagbasag ng TNT sa mailap na depensa ng Magnolia na pinangunahan ni Williams, 54-36. Bunsod nito, nagtamo ng technical foul si Jio Jalalon ng Hotshots nang subukan niyang dumepensa kontra M. Williams.
Patuloy na umarangkada ang Magnolia sa pag-asang makabawi ng puntos. Bigong dumepensa ang TNT laban sa mababagsik na atake ni Abueva, 57-38. Nagtamo naman muli si Jalalon ng isang holding foul—ang pangatlong foul niya sa laro. Ipinakita naman ni Castro ang kaniyang liksi nang lumusot siya sa mataas na depensa ng Hotshots, 63-44. Sa natitirang isang minuto ng laro, hinarap ni Erram ang isang flagrant foul, dahilan ng kaniyang pag-sit out sa sagupaan. Bunga ng kanilang mainit na momentum at matibay na depensa, nangibabaw ang TNT sa pagtatapos ng ikalawang yugto, 66-50.
Itinuloy ni Williams ang kaniyang maiinit na tirada at dinagdagan pa ito ng dating FEU Tamaraw Guard na si Roger Pogoy para makaukit ng 18 point lead sa pagsisimula ng ikatlong bahagi ng laro, 70-52. Sa kabila nito, hindi nagpatinag ang Magnolia Hotshots sa katauhan ni Sangalang matapos niyang gumawa ng apat na magkakasunod na puntos, 73-56. Bilang karagdagan, hindi pa rin nagpatinag ang 2nd pick noong 2013 PBA draft nang pangunahan niya ang isang 12-1 run para maibaba ang kalamangan ng mga naka-itim, 79-72.
Agad namang itinigil ni Erram ang matinding comeback ni Sangalang nang humulma siya ng isang matinik na tira mula sa rainbow country, 86-76. Sa kabila nito, agad na nagpakawala ng isang matinding buzzer beater shot ang binansagang “The Bus Driver” na si Jalalon para maibaba sa pito ang lamang ng Tropang Giga pagkatapos ng tatlong yugto ng laro, 86-79.
Sumugod ang TNT kontra Magnolia sa ikaapat na yugto nang makapukol sila ng ilang puntos sa magkakasunod na free throws, 90-81. Bigong mapigilan ng Tropang Giga ang bilis ng arangkada ni Abueva, 90-83. Matapos ang palitan ng puntos ng dalawang koponan, nangibabaw si Williams ng TNT nang lumipad siya para sa three-point shot, 100-89.
Nakapukol naman agad si Castro ng puntos para sa TNT bunga ng kaniyang jump shot, 102-89. Nagtagumpay naman ang Magnolia nang subukan nilang bumangon sa sunod-sunod na puntos ng TNT. Ipinamalas ni Sangalang na hindi magpapatalo ang Hotshots, 104-93. Matapos ang ilang palitan ng puntos ng mga koponan, sinemento ng Tropang Giga ang kanilang panalo sa ikahuling yugto ng bakbakan, 105-93.
Abangan ang muling paghaharap ng Magnolia Hotshots at TNT Tropang Giga sa darating na Linggo, Oktubre 24, sa ganap na ika-4:35 ng hapon. Susubukan ng Tropang Giga na ipagpatuloy ang kanilang win streak habang umaasa ang Magnolia na makabawi sa Game 3 ng Finals.