INAPULA ng TNT Tropang Giga ang naglalagablab na katatagan at kumpiyansa ng Magnolia Hotshots Pambansang Manok, 88-70, matapos ang kanilang unang sagupaan sa Finals ng 2021 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Oktubre 20, sa Don Honorio Ventura State University Gym, Bacolor, Pampanga.
Nagliyab ang mga palad ni ka-Tropang Mikey Williams matapos niyang magpakawala ng double-double tangan ang 21 points, sampung rebounds, at limang assist na nagpatahimik sa tilaok ng Magnolia Hotshots. Kahanga-hanga rin ang suportang ibinigay nina Poy Erram, Kelley Williams, at Kib Montalbo sa player of the game ng kompetisyon matapos tumikada ng double-digit points.
Sinubukan namang sugpuin ni Jack Corpuz ang matimtimang pag-angat ng puntos ng Tropang Giga matapos makapagtala ng 12 puntos para sa Magnolia Hotshots. Hindi rin naging sapat ang pinagsamang tirada nina Calvin Abueva, Paul Lee, at Rome dela Rosa na nakapagtala ng 30 puntos matapos subukang wasakin ang mahigpit na depensa ng nagwaging koponan.
Maagang nagpakawala ng tatlong puntos si point guard Kib Montalbo sa pagsisimula ng unang yugto ng bakbakan, 3-0. Sa unang anim na minuto ng bakbakan, tuluyang sinalanta ng Tropang Giga ang Magnolia Hotshots nang magkamit ang koponan ng 13 puntos na kalamangan kontra sa kabilang kampo. Umabot naman sa 18 ang kalamangan ng TNT dulot ng kanilang solidong depensa at mataas na field goal percentage. Gayunpaman, mistulang naputol ang sumpa ng Magnolia matapos ang mga easy layup ng tambalang Jio Jalalon at Corpuz.
Hindi rin nagpadaig ang nag-uumapaw na angas ni The Beast Abueva sa kaniyang matagumpay na 3-point play. Subalit, naging mapait ang kapalaran ng Magnolia matapos magpakawala ng apat na mintis mula free throws at mababang shooting percentage. Nanatili namang puno ang pag-asa ni Abueva sa huling dalawang minuto ng unang yugto matapos pangunahan ang kaniyang koponan, 24-12.
Nagpakitang-gilas muli ang Magnolia sa ikalawang yugto ng laban matapos tawagan ng foul si Jalalon. Matulin naman ang naging palitan ng puntos ng magkabilang koponan na parehas na sumindak ng nakamamanghang offensive prowess. Sa kabilang banda, agaw-atensyon din ang pamamayagpag ni M. Williams sa shooting at rebounds upang palobohin muli ang kalamangan ng koponan sa 17 puntos.
Nagpasikat naman sa kalagitnaan ng laro si K. Williams mula sa kaniyang suwabeng 3-point shot kontra sa nag-iinit na depensa ng kabilang panig. Kasunod nito, nagparamdam naman si Glenn Khobuntin matapos umarangkada mula sa 3-point field. Sa huling limang minuto, nabuhayan ang Hotshots sa pag-abante ni Lee matapos ipahiya ang naghihingalong opensa ni Dave Mancelo, mula sa mintis na easy 2-point. Namayagpag naman muli si Abueva matapos itudla ang kaniyang layup. Bigo mang magpasikat sa huling segundo ng naturang yugto, nagawa namang selyuhan ni Roger Pogoy ang Magnolia Hotshots matapos magpasiklab ng 19 na kalamangan para sa TNT.
Umabot naman sa ikatlong yugto na walang naipasok na kahit isang tirada ang Magnolia, mula sa mga mintis ni Lee. Bunsod nito, napagpasyahan na lamang ng koponan na sumugod pailalim upang pumirmi sa kanilang mga 2-point shot. Gayunpaman, agad namang kinuha ni Lee ang pagkakataon na tumira mula sa downtown nang napansin niya ang puwang sa depensa ng Tropang Giga.
Inakala naman ng Magnolia Hotshots na tuloy-tuloy na silang makapipitas ng puntos sa yugtong ito ngunit patuloy pa rin silang sinindak ng malapader na depensa ng Tropang Giga. Bunsod ng magkakasunod na pagpapaulan ng tres ni M. Williams, natamo ng mga ka-Tropa ang pinakamataas nilang lead sa buong serye ng sagupaan na 32, sa huling apat na minuto ng ikatlong yugto. Bilang katas ng kanilang pagpupumiglas, solidong tinambakan ng Tropang Giga ang napapaos na kampanya ng katunggali sa ikatlong yugto, 74-48.
Nanlamig naman ang mga tuhod ni Abueva sa pagsisimula ng huling yugto ng laban matapos buhatin ang kaniyang koponan sa half time. Bunsod nito, pinagpahinga na lamang sa bangko si The Beast. Matapos nito, pinaupo na rin ng coaching staff ng Magnolia Hotshots ang kanilang starting players sa huling sampung minuto ng laban.
Hindi na nakabangon at nakaporma muli ang Magnolia sa hagupit ng TNT at tuluyang humupa ang kanilang pagpapalagay na mapasakamay ang una sana nilang pagkapanalo sa finals ng PBA. Gayunpaman, hindi nagpatinag si Corpuz ng Magnolia at pinilit pa ring tugisin at patagin ang matayog na agwat ng kanilang puntos mula sa kaniyang mga mailap na layup. Sa kabilang banda, tahasang nilampaso at hindi pinagbigyan na makadikit ng Tropang Giga ang Magnolia sa pagtatapos ng buena manong pasiklaban ng dalawang koponan sa Game 1 ng Finals, 88-70.
Inihayag naman ni Chot Reyes na matagumpay na naisakatuparan ng TNT Tropang Giga ang kanilang game plan para makamit ang unang panalo sa Finals. “Our plan is to execute the game plan both offensively and defensively. . . And to match the efforts of Magnolia,” pahayag ng head coach sa kaniyang postgame interview.
Waging pangalagaan ng TNT Tropang Giga ang lantarang dominasyon bunsod ng kanilang maagap at agresibong porma laban sa nangangapang Magnolia Hotshots Pambansang Manok. Mababakas ang malambot na depensa ng Magnolia na nagsilbing daan sa 28 turnover ng naturang koponan at naging tulay sa pagkamtan ng 13 steal ng TNT.
Tunghayan muli ang nakasasabik na tapatan ng dalawang bigatin at tinitingalang koponan sa darating na Biyernes, Oktubre 22, sa ganap na ika-6 ng gabi. Ipagpapatuloy ng TNT Tropang Giga ang kanilang pagpupunyagi na pangibabawan ang tusong katunggali, habang pagsisikapan naman ng Magnolia Hotshots Pambansang Manok na bumawi at pigilan ang nagbabadyang balakid sa kanilang pakikipagsapalaran na makamit ang kampeonato sa torneong ito.