INILANTAD ng mga kilalang tagapagtaguyod mula sa hanay ng mga Moro at natibo ang kanilang mga hinaing ukol sa kulang na karapatang tinatamasa ng mga katutubo at ang laganap na pang-aalipusta ng gobyerno, sa talakayang pinamunuan ng KATRIBU-UP Diliman Chapter na pinamagatang “SIBOL: Binhi ng Paglaban, Punla ng Paglaya,” Oktubre 16.
Bilang paggunita sa pambansang buwan ng mga katutubo, pinangunahan ni Gabie Martin, tagapangulo ng Sibol, ang pagtatalakay sa layunin ng programa sa kampanyang anti-plunder sa teritoryo ng pambansang minorya. Giit niya, nag-uugat sa lupang pagmamay-ari ng mga katutubo ang kanilang inspirasyon na patuloy na ipaglaban ang kanilang kultura at pagkakakilanlan.
Inilahad ni Martin na nilalayon ng programang paigtingin ang panawagan para sa pagtugon sa karapatan ng mga katutubong minorya. “Punla ng pakikibakang ito [ay] para sa ganap na kalayaan at demokrasya sa lahat ng batayang sektor sa lipunang Pilipino,” ani Martin.
Sandigan ng pakikibaka
Inilatag nina Joanna Cariño, kasapi ng konsehong tagapagpayo ng Cordillera People’s Alliance, tagapangulo ng SELDA Northern Luzon, at kawaksing tagapangulo ng Sandugo Alliance of Moro and Indigenous People for Self-Determination, at Eufemia “Ka Femia” C. Cullamat, kinatawan ng Bayan Muna Partylist at unang babaeng miyembro ng Kongreso mula sa hanay ng mga katutubong Lumad, ang pakikibaka ng mga katutubong Pilipino sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Isiniwalat ni Cariño na bahagi ng pakikibaka ng pambansang minorya ang pagkalinga sa mga lupa ng mga ninuno laban sa estado at kanilang hindi makatarungang proyekto, malalaking korporasyon, at mga naghaharing-uri. Bukod dito, inilatag din niya ang mga proyektong ipinatupad na hindi sinang-ayunan at dinipensahan ng katutubong Pilipino, katulad ng Kaliwa Dam Project, Jalaur Dam sa Panay, ang apat na Apayao Dams, at ang New Clark City sa Pampanga.
“Ngayong period ng pandemic kung saan dapat na mas inaasikaso ay ang kalusugan ng mamamayan at kung paano maibibigay ‘yung pangangailangang ayuda, hospitalization, vaccination, etc., ito pa ‘yung inaatupag—pagbubukas ng mga malalaking minahan,” sambit ni Cariño hinggil sa muling pagbubukas ng Oceana Gold at pagpapagawa ng mga mapanirang dams.
Ibinahagi rin ni Cullamat na naging mabangis ang kapulisan at mga militar sa ilalim ng administrasyong Duterte. Pagdidiin niya, “. . .ang salita niya ay nagiging pagdurusa naming mga katutubo.”
Inilahad din ni Callumat ang patuloy na pagpaparatang sa mga katutubo bilang bahagi ng New People’s Army. Kaakibat ng pamumuno ng rehimeng Duterte ang pagpapasara sa mga paaralan ng Lumad na inakusahang hinihimok ang mga estudyante na humawak ng armas at mag-aklas laban sa gobyerno. Isiniwalat din niya na patuloy na tumitindi ang panganib sa buhay ng mga Lumad dahil sa pangkalusugang krisis na kinahaharap ng bansa. Kasabay ng dalawang taong pagharap dulot ng pandemya ang pagtitiis ng mga Lumad mula sa mga militar sa Surigao del Sur na nagbabantay sa kanilang bawat galaw.
Gayunpaman, hindi lamang kilos ang kanilang binantayan sapagkat hawak din ng mga militar ang kanilang buhay matapos magresulta ang pagmamasid sa walang-awang pagpatay sa tatlong Lumad, kasama na rito si Angel Rivas, labing-dalawang taong gulang na inakusahang nanlaban at pinaratangang child warrior.
Katapatan sa lupang sinilangan
Sa pakikibakang ito, naninindigan si Cariño laban sa National Commision on Indigenous People ukol sa kawalan ng kalayaan ng mga katutubong Pilipino na gamitin at isabuhay ang kanilang napiling pagkakakilanlan.
“. . .‘yung pagtatanggol o depensa sa lupang ninuno na isinasagawa ng ating mga katutubo ay ang pagigiit mismo ng sariling pagpapasya . . .Maaaring ito ay depensa para sa lupang ninuno, ngunit ito rin ay isang pagpapakita ng pansariling pagpapasya at pagkilala,” pagsasalaysay ni Cariño.
Bilang pagtatapos, ibinahagi ni Cariño ang kaniyang pagmumuni-muni ukol sa pansariling pagpapasya at pagkakakilanlan. Aniya, “Kaakibat ng kabawasan sa paghihirap ng pambansang minorya sa pansariling pagpapasya ang suporta ng mas malawakang populasyon sa loob at labas ng bansa.”
Tinalakay naman ni Samira Gutoc, dating kinatawan ng Bangsamoro Legislative Assembly at kasalukuyang tagapangulo ng Ako Bakwit Inc., ang bisa ng ‘right to self-determination’ sa reyalidad na kinahaharap ng mga katutubo. Ibinunyag niyang halos 40 taon nang nakikibaka ang bansa sa sariling pagpapasya at patuloy pa ring iniimbestigahan ang mga paksyong bumabagabag sa Moro Front.
Pagsasalaysay ni Gutoc, kabilang sa mga salik na nagpa-walang bisa sa kontrol sa mga lupain ng katutubo ang pagkabigo ng gobyernong isalin ang mga panukala ng mga nakaraang administrasyon na may kaugnayan sa isyu ng Marawi Rehabilitation, Moro Islamic Liberation Front, at Bangsamoro Government. Dagdag pa niya, walang kasiguraduhan ang ilang residente sa kanilang muling pagbabalik sa mga nasabing lupain dahil sa kakulangan ng mga dokumento.
Binigyang-tuon din ni Gutoc na malaking bahagi ng hidwaan sa Mindanao ang mga isyung bumabalot sa aspekto ng politika at lupa. Aniya, isa sa mga pangunahing isyu ang pamamahala para sa mga katutubo, lalo na sa usaping pormalisasyon ng estruktura dahil sa kakulangan ng mga pormal na batas upang maipagpatuloy ang mga proyektong inilaan ng Bangsamoro. Sa pagkakataong muling maisalin ang mga pambansang panukalang itinatag para sa land reforms sa Mindanao, ibinahagi ni Gutoc na maaaring gamitin ng gobyerno ng Bangsamoro ang oportunidad na ito upang itaguyod ang kanilang karapatan na mapasailalim ang mga lupaing ito sa kanilang pamamahala.
“Being that principle that you have to fight for your land, religion, and faith, political struggle is as much also as spiritual [and] religious struggles,” paalala ni Gutoc.
Pagharap sa banta ng tiraniya
Ipinagpatuloy naman ni Kakay Tolentino, nasyunal na tagapag-ugnay at tagapagsalita ng BAI’s Indigenous Women’s Network,ang talakayan ukol sa mga hamong kinahaharap ng mga katutubo at ang patuloy na laban para sa pagsusulong ng karapatan ng pambansang minorya sa bansa. Binanggit niya na malawak ang platapormang sakop ng nalalapit na eleksyon dahil maraming alyansa ang nabubuo, kabilang na rito ang mga alyansang kumakatig sa kasalukuyang administrasyon at ang oposisyon. Naniniwala si Tolentino na mapanganib ang kaisipang maaari nitong maibahagi dahil sa konsepto ng pagbabaluktot at pagrerebisa ng kasaysayan.
Ayon kay Tolentino, mahalagang kilalanin ang kalagayan ng mga minorya at mamamayang Moro sa gitna ng patuloy na militarisasyon, red-tagging, diskriminasyon, at pagpapabaya sa serbisyong panlipunan. Aniya, mayroong kagyat na tungkulin ang mga mamamayan kontra sa panunulisan sa likas na yaman at lupang ninuno ng mga katutubo. “Sinisikap nating palawakin ang ating lakas at puwersa para labanan ‘yung tiraniya at pandarambong ng rehimeng Duterte,” saad ni Tolentino.
Bunsod nito, nanawagan si Tolentino na patuloy na isulong ang pakikibaka at pakikipaglaban sa iba’t ibang anyo ng pangungulimbat at dahas ng kasalukuyang rehimen. Naniniwala siyang ang sama-samang pagkilos ng pambansang minorya at katutubong Moro sa Kalakhang Maynila ang magsisilbing inspirasyon ng pagkakaisa sa komunidad.
Sa hidwaang kinahaharap ng katutubong Pilipino, nagsisilbing isang malaking bahagi ang demokratikong pagpili ng mga mamamayang Pilipino ng karapat-dapat na pinuno. Nararapat lamang na isantabi ang personal na interes upang mapayabong ang kamalayan sa katotohanang danas ng pambansang minorya. Magsisilbing armas at kalasag ng sambayanan ang matatag na kaalaman at matibay na paninindigan upang harapin ang hudyat ng mapagsamantalang hurisdiksyon ng mga nasa kapangyarihan.