DUGO AT PAWIS ang inialay ng mga alas ng koponang TNT Tropang Giga at dark horse na Magnolia Hotshots Pambansang Manok sa Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup 2021 upang makaalpas patungong Finals. Kaakibat nito, walang awang winakasan ng dalawang finalist ang karera ng mga koponang Terrafirma Dyip, Phoenix Fuel Masters, Alaska, Blackwater Elite, Rain or Shine Elastopainters, Meralco Bolts, at San Miguel Beermen sa naturang torneo. Kabilang din sa kanilang pinaamong katunggali ang kasalukuyang defending champion na Barangay Ginebra San Miguel.
Dulot ng pandemya, opisyal na binuksan ang bawat laban sa PBA 2021 sa ligtas na entabladong bubble. Bunsod nito, nag-umpisang idinaos ang liga sa Ynares Arena, Pasig City nitong Hulyo 16 na tumagal hanggang Agosto 1. Matapos ang pansamantalang pagkansela ng PBA, nagbukas muli ang tunggalian nitong Setyembre 1 na naganap sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.
Pagguhit ng kasaysayan sa PBA
Kagila-gilalas na mga koponan at paglitaw ng mga baguhang atletang uhaw sa karangalan—ganito pinaghandaan ng lahat ng bumuo ng PBA Philippine Cup 2020 ang kanilang mga programa sa kabila ng restriksyon ng pandemya. Buhat nito, nakapukaw ng atensyon ang rookie team na TNT Tropang Giga sa naturang torneo matapos dominahin ang kanilang mga laban kontra veteran teams sa yugtong eliminations.
Matapos matalo sa Philippine Cup 2019 quarterfinals, pinatunayan ng Tropang Giga na handa silang bumawi upang makaabot hanggang semifinals round ng PBA 2020. Tangan ang hangaring makamit ang kampeonato, pinatunayan ng koponan na kaya nilang magpunyagi sa naturang yugto matapos patumbahin ang powerhouse team na Phoenix.
Sa kabila nito, yumuko ang Tropang Giga sa lakas at angas ng Barangay Ginebra San Miguel sa loob ng limang laro ng best-of-seven match ng PBA 2020 finals, 1-4. Gayunpaman, napasakamay naman ng Tropang Giga ang pilak na medalya kasama ang championship match experience na hindi nila natamasa noong Philippine Cup 2019.
Nagpakilala rin ang kasalukuyang finalist na Magnolia Hotshots sa PBA 2020 matapos lumapag sa ikaanim na puwesto ng elimination round. Bunsod nito, nakapasok ang koponan sa quarterfinals. Gayunpaman, katulad ng isa pang kasalukuyang finalist na Tropang Giga, pinadapa rin ng defending champion na Barangay Ginebra ang Magnolia Hotshots sa quarterfinals ng Philippine Cup 2020, 1-2.
Simula ng kampanya sa PBA Philippine Cup 2021
Opisyal na sinimulan ang PBA Philippine Cup 2021 sa pamamagitan ng triple header game nitong Hulyo 16 sa Ynares Sports Arena, Pasig City. Mula sa nakalipas na Philippine Cup, sinunod ng mga koponan ang sistemang single round-robin tournament upang matukoy ang walong koponan na aabante sa quarterfinals. Kaakibat nito, nanguna ang Tropang Giga sa standings hawak ang 10-1 panalo-talo kartada habang tumuntong ang Magnolia Hotshots sa ikatlong puwesto ng eliminations bitbit ang talaan na 8-3.
Impresibong simula ang ipinakita ng Tropang Giga sa kanilang kampanya sa PBA nang bumida sa laro ang apat na ka-Tropa na sina Jayson Castro, Poy Erram, Troy Rosario, at RR Pogoy na nakapagtala ng double digits sa kanilang unang laban kontra Terrafirma Dyip, Hulyo 17. Sa pangunguna ng machine guns Kelly Williams at Rosario, pinaigting ng Tropang Giga ang kanilang opensa nang makaharap nito ang defensive team na Elasto Painters. Gayunpaman, nahirapang buwagin ng Tropang Giga ang depensa ng dating five-time Philippine Cup champions na Beermen at tuluyang nadungisan ang kanilang malinis na kartada sa torneo.
Niregaluhan naman ni Calvin “The Beast” Abueva ng unang panalo ang kaniyang bagong koponan na Magnolia Hotshots kontra sa kaniyang dating koponan na Phoenix Fuel Masters matapos makapagtala ng double-double, 26 point at 10 rebound, Hulyo 17. Magandang simula rin ang sumalubong para sa Hotshots sa torneo matapos ang kanilang apat na magkakasunod na panalo sa elimination round. Subalit, huminto ang kanilang maagang pamumukadkad matapos nilang yumuko kontra Meralco Bolts. Gayunpaman, nagsilbing susi ang balanseng opensa at depensa nina Marc Barroca, Ian Sangalang, at Paul Lee sa buong torneo kaya lumapag sa ikatlong puwesto ng eliminations ang Magnolia Hotshots.
Proseso ng Quarterfinals
Matapos ang eliminations, walong koponan na lamang ang natira para sa quarterfinals. Bunsod ng nabuong liderato mula eliminations, napasakamay ng mga koponang Tropang Giga at Meralco Bolts ang twice-to-beat advantage sa naturang yugto. Kaakibat nito, kinakailangan lamang ng dalawang koponan na makakuha ng isang panalo para makatungtong sa puwesto ng semifinals.
Tangan ang nasabing bentahe, agad na ibinulsa ng Tropang Giga ang semifinals spot kontra Barangay Ginebra sa iskor na 1-0. Dumaan naman sa butas ng karayom ang Meralco Bolts matapos nitong matalo kontra NLEX sa kanilang unang laban sa quarterfinals. Sa kabila nito, nakabawi ang Meralco sa Road Warriors matapos mamayagpag sa kanilang ikalawang pagtutuos, 1-1, daan upang makamit ang tiket patungong semifinals.
Sa mga koponang walang twice-to-beat advantage, nakipaglaban ang San Miguel kontra North Port para sa best-of-three quarterfinals match. Sa kabilang banda, hinamon naman ng Magnolia Hotshots ang Rain or Shine sa naturang yugto ng torneo. Bunsod nito, kinakailangan ng apat na koponan na manalo nang dalawang beses upang makaabot papuntang semifinals.
Malinis na tinuldukan ng San Miguel ang karera ng North Port sa quarterfinals matapos mamayagpag sa loob ng dalawang laban, 2-0. Sa kabilang banda, parehas na kapalaran ang sinapit ng mga gutom na Magnolia Hotshots matapos ang kanilang back-to-back win kontra Rain or Shine sa PBA Philippine Cup 2021, 2-0.
Pag-alpas ng mga alas patungong Finals
Nagharapan ang mga koponang Tropang Giga, Magnolia Hotshots, San Miguel Beermen, at Meralco Bolts para sa semifinals ng PBA 2021 na mayroong sistemang best-of-seven match. Bunsod nito, kinakailangan ng mga koponan na manalo nang apat na beses upang makaalpas patungong finals.
Nakipaggitgitan ang Tropang Giga, na nasa unang puwesto ng standings, kontra sa koponang nasa ikaapat na puwesto na San Miguel Beermen. Bagamat namayagpag noong eliminations, nahirapan ang Tropang Giga na pulbusin ang puwersa ng katunggali matapos magkaroon ng suspected cheekbone fracture ang kanilang scoring machine na si Poy Erram. Nagpamalas din ng matinding opensa ang Beermen upang pahirapan ang finalist na masungkit ang panalo. Sa kabila nito, natakasan ng Tropang Giga ang puwersa ng katunggali matapos ang kanilang do-or-die match, 4-3.
Sa kabilang banda, naglaban naman ang isa pang finalist na Magnolia Hotshots kontra sa nasa ikalawang puwesto ng standings at mismong nagpadapa sa kanila noong eliminations na Meralco Bolts. Natalo man sa ikalawa at ikalimang laban, pinatunayan ng Magnolia Hotshots na kaya nilang makapasok muli sa finals ng kompetisyon matapos ang limang taong sunod-sunod na pagkabigo sa semifinals ng PBA. Kaakibat nito, pinataob ng Magnolia Hotshots ang Meralco Bolts sa loob ng anim na laban, 4-2.
Abangan ang kapana-panabik na bakbakan sa pagitan ng mga gutom na koponang dating silver medalist na TNT Tropang Giga kontra sa nakamamanghang underdog na Magnolia Hotshots Pambansang Manok. Magtatagisan ng puso, lakas, at dedikasyon ang dalawang koponan sa Game 1 ng Finals bukas, Oktubre 20 sa ganap na ika-6 ng gabi.