MASUSING PINAGHANDAAN ng Council of Student Organizations ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang pagsalubong sa ID 121 sa The Frosh-lympic Games – Frosh Welcoming 2021. Magkakaroon ng samu’t saring aktibidad at palaro sa naturang proyekto na isasagawa simula Oktubre 18 hanggang Nobyembre 4 upang ipagdiwang ang pagdating ng mga Frosh.
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel, ibinahagi ni Riane Go, tagapamahala ng proyekto, ang rason sa likod ng kanilang napiling tema. Iniugnay nila ito sa makasaysayang pagkamit ng bansa ng mga medalya sa nagdaang Tokyo Olympics. “[It] was the perfect theme. . . that encourages the Frosh to interact. . . or work together in a way that would promote friendly competition and teamwork and hopefully help them gain. . . confidence in their capabilities,” wika niya.
Pagsasakatuparan ng programa
Ayon kay Go, binalikan ng mga tagapamahala ng proyekto ang kani-kanilang karanasan bilang mga freshman upang mapaghandaan at matukoy ang mga salik na dapat isaalang-alang sa pagpili ng mga paksa at aktibidad sa nasabing proyekto. “We all experienced being a frosh in the online setup [so] we thought. . . about what parts went well and about what we wished we could have experienced or understood better,” pagbabahagi niya.
Mula rito, natukoy nila bilang problema ng mga frosh ang hamon ng pagpapanatili ng motibasyon at proseso ng pakikipagkaibigan sa online na plataporma. Dagdag pa rito, mayroon ding kakulangan sa pagpapakilala ng mga opisina at organisasyon sa DLSU. Dahil dito, ipinahayag ni Go na nais nilang makapaglunsad ng mga aktibidad na makahihikayat sa mga ID 121 na makipag-ugnayan sa isa’t isa.
Bukod pa rito, inilarawan din ni Go ang kaibahan ng Frosh-lympics sa isinagawang frosh welcoming noong nakaraang taon. Paglalahad niya, binigyang-tuon ng mga nakaraang Frosh Welcoming ang pagtatampok sa DLSU at buhay-kolehiyo. Wika niya, “We wanted to incorporate both of these but aside from that, we wanted to help the Frosh be comfortable with their new environment in DLSU.”
Binanggit din ni Go na nais nilang mabigyan ng oportunidad na makipag-ugnayan ang mga ID 121 sa kapwa Frosh. Bunsod nito, tatlong pangunahing programa ang napili nilang itampok: Frosh Con na magtitipon sa mga freshman mula sa iisang kolehiyo na mayroong similar na interes, Org Marathon na magpapakilala sa mga organisasyon ng DLSU, at Frosh Awards na kikilala sa mga aktibong indibidwal na lumahok sa mga palaro at pagtatanghal ng mga natatanging talento ng mga Lasalyano.
Hamon sa pag-oorganisa
Inilahad ni Go na isa sa mga hamong kinaharap ng kanilang komite ang moratorium o pagbabawal sa pagkontak ng mga external partner para sa Frosh Welcoming 2021. Kalaunan, pinahintulutan na rin ng Office of Student Life ang pakikipag-ugnayan sa mga external partner subalit mayroong mga karagdagang pag-iingat bago ito gawin.
Bukod pa rito, ibinahagi rin ni Go na inaalala rin ng mga tagapamahala ng proyekto ang recruitment para sa kanilang mga komite. Nagawan naman nila ito ng paraan at sa ngayon, patuloy silang nakikipag-usap sa kani-kanilang mga komite upang makasiguro na maayos nilang maisasakatuparan ang programang sasalubong sa ID 121.
Binanggit din ni Go na nakipag-ugnayan sila sa mga mamamahala ng Annual Recruitment Week at Lasallian Ambassadors upang matiyak na maiiwasan ang anomang problema sa kanilang calendar of activities.
Naniniwala si Go na matutulungan ng kanilang mga inihandang aktibidad ang mga Frosh sa pagsisimula ng kanilang buhay-kolehiyo. Wika niya, “Our events were created with the idea of helping the Frosh through the online setup we have right now in DLSU and we are constantly looking for ways to make our events go well and scrap any ideas that could cause any problems for our event. “