Madalas na sinisimulan ng estranghero ang kaniyang araw sa isang buntong-hininga. Ramdam sa malalim na paghingang ito ang pagod at siphayo mula sa hirap ng buhay na dala ng mundong nangangailangan ng pagbabago. Araw-araw niyang bitbit ang bigat ng pangarap na gumising sa isang bukas na hinulma ng mabubuting tao. Ngunit sa kaniyang pagsalubong sa hamon ng araw-araw, napagtatanto niyang tila isa siyang bahid ng gabok sa napakalaking mundong kaniyang ginagalawan.
Paano nga ba natin malalaman na may maiiwan tayong bakas sa mundo? Araw-araw tayong bumabangon na may bitbit na pag-asa para sa bagong araw na haharapin. Kalakip ng pag-asang ito ang hangaring maging makabuluhan ang bawat kilos upang makapag-iwan ng markang maaalala ng sambayanan. Subalit, katumbas ng paglaki ng mundong ginagalawan ang pagliit ng nararamdaman ng mga taong may pinanghahawakang pag-asa para sa isang maaliwalas na kinabukasan.
Parangal na may bitbit na pagbabago
Bilang kabataan, lagi’t lagi nating pilit na tinatanaw ang dulo ng landas na ating tinatahak— nasasabik na makita ang ating mga sarili na gumagawa at nagiging sanhi ng mga pagbabagong nais nating masilayan. Minsan, sumasagi sa isipang suntok sa buwan ang pagkamit sa pangarap na ito, sapagkat ano nga ba ang magagawa ng kabataang unti-unti pa lamang namumukadkad ang hangaring lumaban para sa bayan? Ngunit para kay Emmanuel Mirus Ponon, hindi hadlang ang edad upang sumama’t kumilos tungo sa pagkamit ng pagbabago.
Inihayag ni Ponon na wala sa kaniyang plano na itatag ang ASEAN Youth Advocates Network (AYAN), ngunit nagsimulang mamukadkad ang ideya noong nahalal siya bilang Philippine Officer ng ASEAN University Student Council Union. Aniya, “The organization was never made because it was a want, but it was a need.” Hindi man kasama sa kaniyang paunang disenyo, ngunit tulad ng isang larawan, tila naging mas makulay ang kaniyang obra noong isinama niya ang kaniyang sarili sa proseso. “Whenever I would be tired, what motivates me is the saying ‘na kung walang magbabago, sino?” pagbabahagi niya.
Lingid sa kaalaman ni Ponon, mamumunga ng pagkilala ang kaniyang pagkilos hindi lamang sa Pilipinas, bagkus pati na rin sa iba’t ibang bansa. Noong Setyembre 26, hinirang siya ng Youth Empowerment Facilitation (YEF) Global bilang isa sa mga nagawaran ng Youth Global Changemakers Award 2021. Napili siya bilang isa sa mga 17 pinagkalooban ng parangal mula sa 14 na bansa—tila nasuklian ang kanilang paghihirap at pagsusumikap. “Humbling . . .To be acknowledged this year through numerous national and international awards, making this the fifth validates our work, and is a testament to each and every one of the organization’s valuable efforts as volunteers,” paglalahad niya.
Liwanag sa bawat yabag
Hindi man naging hadlang ang kaniyang edad sa kaniyang pagpupursigi para sa kaniyang adbokasiya, kaniya namang nababatid na maraming balakid at hadlang sa pag-abot ng pangarap ng kabataan. Tila nagsilbing layunin ng organisasyong kaniyang nirerepresenta na basagin ang mga balakid at hadlang na ito upang makamit ang pagbabagong kinakailangan at kaniyang ninanais. Binibigyang-pagkakataon din ng organisasyon ang kabataang maging kalahok sa paghahatid ng pagbabago. Inilarawan niya ang kanilang organisasyon bilang isang ligtas na espasyo at bilang isang plataporma para maging mas aktibong mamamayan ang kabataan.
Ginamit din ni Ponon ang kaniyang mga personal na karanasan bilang pundasyon sa pagsisimula ng organisasyon. Gamit ang kaniyang mga mulat na mata, nakita niya ang mga balakid na pumipigil sa kabataang makalayo sa karera ng buhay. “My journey started from growing up in an environment surrounded by people of poverty in Paco, Manila that led me to begin volunteering at nine—that is my first ‘why’,” pagsasalaysay niya.
Inilahad din ni Ponon na noong nasa elementarya pa lamang siya, namulat na siya sa mga hamong sanhi ng pagiging eksklusibo ng mga oportunidad—hindi matamasa ng mga batang hindi kasing galing o kasing pribilehiyo ng iba ang pagiging kalahok sa iba’t ibang pagsasanay at iba pang oportunidad para mas pagbutihin ang sarili. Ibinahagi niya na nagsimula sa dalawang rason na ito ang pagyabong ng kaniyang hangaring makapaglingkod sa kapwa kabataan. Binigyang-diin niyang naging pundasyon niya ang dalawang rason na kaniyang nabanggit upang maging katalis ng pagbabago.
Bagamat nakatatamasa ng tagumpay sa kasalukuyan, hindi maiiwasang makaranas ng problema sa landas tungo sa pagbabago. Ibinahagi ni Ponon na isa rin ang pandemya sa mga naging problemang kinaharap ng kaniyang organisasyon. “The pandemic happened and there was a timeframe where we were on the verge to quit, but we did not and our expansion to Southeast Asia happened during the pandemic,” paglalahad niya. Nagpatuloy ang kanilang organisasyon sa kanilang operasyon—hindi sila nagpatinag sa banta sa kalusugang bitbit ng pandemya patuloy pa rin silang nagpursigi upang makamit ang kanilang minimithi. Hindi man kasing pulido ang daang tinahak, hinulma pa rin sila ng mga hamong ito upang maging mas mabuting mamamayan para sa kinabukasan.
Abot-kamay na kinabukasan
Bilang kabataan, mahirap gumawa ng pagbabago sapagkat laging ibinabalin ang usapan sa ating mga edad. Subalit, hindi ito sapat na rason upang mapanghinaan tayo ng loob dahil may kapangyarihan tayong gumawa ng pagbabagong magbibigay sa atin ng kinabukasang karapat-dapat para sa atin—katulad na lamang ng pagboto sa mga kandidatong makatao at para sa tao sa paparating na halalan. Hindi man malaki at engrande, ngunit makagagawa tayo ng pagbabago sa maliit na aksyong ito. “Our power is amplified once unified, and that is why our organization extends to anyone, anywhere, anytime to the youth to be the voice of change,” paalala ni Ponon.
Mahirap man maramdamang may nagagawang pagbabago ang ating mga aksyon, ating isaisip na sa maliliit na hakbang nagsisimula ang karera tungo sa pagbabago. Hindi nakukulong ang pagbabago sa iisang tao lamang sapagkat manggagaling ito mula sa sarili at mula sa masa. Hindi kailanman maituturing na pagkakasala ang humingi at magsimula ng pagbabago, hindi dapat nagiging hadlang ang edad upang gumawa at mag-iwan ng bakas sa mundo sapagkat may responsibilidad ang bawat isa na siguraduhing may kinabukasan pang haharapin—kinabukasang puno ng pag-asa para sa masa.