Tiyak na mamamangha ka sa tuwing ipinagmamarangya niya ang kaniyang maluwalhating tindig sa karimlan ng kalangitan. Higit na nagluningning sa himpapawid ang ating buwan na handang tumanglaw sa ating mga nababalisang isipan at mapaghinaing na damdamin. Hindi malabong sa bawat oras na nilalaan natin sa pagmamanman sa kaniyang angking kariktan, mas nahuhumaling tayong pahalagahan ang mga sandaling nakararamdam tayo ng pambihirang pagtulak o paghila sa mga ligalig ng buhay.
Upang samahan tayong gawing mas makabuluhan ang ating gabi, malugod tayong babatiin at sasalubungin ng University of the Philippines Astronomical Society (UP AstroSoc) sa pagdalo sa kanilang taunang selebrasyon ng International Observe the Moon Night (InOMN). Gaganapin ang pagdiriwang sa darating na Sabado, Oktubre 16, mula ika-6 ng gabi hanggang hatinggabi. Halina’t sulyapan at mamangha sa liwanag na bigay ng buwan mula sa kalangitan.
Pagsalat sa karayagan ng bagong buwan
Saksi ang buwan sa bawat aspekto ng ating buhay—nagsisilbing ilaw sa madilim na gabi at nagbibigay ng kagandahang aakit sa mga matang nagniningning. Upang matunghayan ng madla ang hiwagang dala ng buwan, naghanda muli ang UP AstroSoc ng isang programa para sa InOMN, ang internasyunal na araw ng buwan, na naglalayong ibahagi ang kanilang adhikain ukol sa astronomiya.
Simula noong 2010, taon-taon itong ipinagdiriwang alinsunod sa National Aeronautics and Space Administration (NASA) na may layuning hikayatin ang lahat na higit na maunawaan at mapalalim ang kaalaman tungkol sa buwan. Isa itong pagdiriwang na nais bigyang-kaalaman ang lahat lalong-lalo na ang mga nasa laylayan upang higit na mabatid ang saysay ng pagsisiyasat sa buwan. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kina Alyssa Mae Escolano, Executive Secretary, at Lerissah Lim, Overall Coordinator, ng UP AstroSoc, kanilang ibinahagi na pakay rin ng programang matulungan at mabigyang-pagkakataon ang madla upang malapitang makita ang buwan at ang liwanag na dala nito.
Hinamon man ng biglaang pagbabago ng sitwasyon, hindi nito napigil ang UP AstroSoc na ipagdiwang ang mahalagang okasyong ito. “We shifted to a virtual event whilst preserving the spirit and mood of the celebration. This year, our InOMN celebration is free of charge. Donation drives are instead open throughout the event to encourage our viewers to donate to our chosen beneficiaries,” pagbabahagi nila.
Matutunghayan ang tanawin ng buwan mula sa perspektiba ng teleskopiko sa Zoom at Facebook Live kasama ang mga inimbitahang banda, soloista, at spoken word artist na siguradong magpapapintig sa ating mga puso at pupukaw sa ating mga tainga. Bagamat matutunghayang muli ang paparating na selebrasyon sa modang online, sumailalim sa masinsinang pagpapabuti at pagsasaayos ang kabuuang programa upang mas maiangkop sa kasalukuyang sitwasyon ang mga binabalak na aktibidad—mayroong mga raffle, larong pagsusulit, at balita tungkol sa ating buwan—na lubusang ikalilibang ng mga tagapanood.
Higit sa lahat, nakabukas ang pagdaraos sa lahat ng mga naghahangad na manood at hindi rin kinakailangang magbayad upang masaksihan ang mga inihandang pagtatanghal. Sa halip, hinihimok ang lahat na maghandog ng salapi bilang tulong sa napiling mga benepisyaryo ng organisasyon. Inaasahan ng organisasyon na sa masugid na suporta at pakikisama ng lahat sa kalimi-liming selebrasyon na ito, maipapairal ang higit na tunguhin at diwa ng buong programa—ang pagbuklurin ang mga Pilipino habang hinihikayat na pagmasdan, pahalagahan, at pag-aralan ang umiinog na buwan.
Dunong na dulot ng liwanag ng buwan
Nalimitahan ang kakayahan ng lahat dulot ng kasalukuyang sitwasyon—tila nakakulong sa mga tahanan habang sinusulyapan ang umaaninag na mga bituin at buwan sa kalangitan tuwing sumasapit ang gabi. Layunin ng UP AstroSoc na sa selebrasyon ng InOMN, mas makikilala at pahahalagahan pa ng madla ang kaalaman patungkol sa astronomiya, tulad ng ating pag-unawa sa buwan. “We are still hoping that this event would circle back to what it means to us—a celebration of unity as we look up at the moon and admire it in all of its glory,” paglalahad nila.
Hindi man natin magawang sulyapan ang kalangitan sa pamamagitan ng pisikal na teleskopiko dahil sa pandemyang kinahaharap, patuloy pa rin nawang sumalok at magsaliksik ukol sa hiwagang dulot ng mapang-akit na liwanag sa kalangitan. Sa tulong ng ganitong programa, lumiliwanag ang landas tungo sa paglalim ng karunungan sa misteryong hatid ng buwan. Kaya’t tara na, sabay-sabay tayong marahuyo sa kagandahan ng buwan!