TINASA ng mga tanyag na mamamahayag mula sa iba’t ibang panig ng Asya kabilang ang 2021 Nobel Peace Prize Laureate-Maria Ressa, ang mga kasalukuyang hamon ng midya sa talakayang pinangunahan ng Active Vista na pinamagatang “Press in Distress: Will Independent Journalism Survive in Southeast Asia?”, Oktubre 8.
Pagbagtas sa katotohanan
Pinangunahan ni Maria Ressa, CEO ng Rappler Philippines, ang talakayan sa pagbibigay-diin sa patuloy na pang-aabuso sa algoritmo ng social media upang magpakalat ng maling impormasyon. Iginiit niyang ang mapanlinlang na pagbibihis sa kasinungalingan bilang katotohanan ang nag-uugat sa pagkawala ng tiwala ng taumbayan sa mga may kapangyarihan.
Aniya, “If you don’t have facts, you can’t have truth. If you don’t have truth, you can’t have trust.” Kung magbabalik-tanaw, tila hindi gagap ng mga tradisyunal na politiko ang kapangyarihang taglay ng social media sa kasalukuyan. Subalit noong 2016, nagsimulang gamitin ng mga may kapangyarihan ang social media upang manipulahin ang impormasyon at magpakalat ng kasinungalingan partikular sa mga usaping pampulitikal at pangkasaysayan.
Sa kabilang banda, ikinumpara naman ni Steven Gan, co-founder ng Malaysiakini, ang kaniyang karanasan hinggil sa pananakot ng mga makapangyarihan sa kanilang bansa sa sitwasyong kinahaharap ng Pilipinas. Ipinaliwanag niyang sumisidhi ang paglaban sa maling impormasyon sapagkat mismong algoritmo ang ugat ng paglaganap nito.
Bagamat iba’t ibang porma ang suliraning kinahaharap ng mga Asyanong mamamahayag, nakaugat ang lahat ng ito sa mga banta laban sa malayang pamamahayag. Ipinaliwanag ni Arif Zulkifli, CEO ng Tempo sa Indonesia, na dumaraan sa press council ang mga artikulong inilalathala bago ito mailimbag sa iba’t ibang plataporma. Sa kabila nito, nakatatanggap pa rin ng mga pag-atake ang mga mamamahayag mula sa pamahalaan dahil sa kritikal na paglalahad ng katotohanan.
Bunsod nito, iminungkahi nina Ressa at Gan na karapatdapat na mapaghandaan ang mga direktang banta sa mga mamamahayag. Anila, makatutulong ang pagbabalik-tanaw sa layunin ng pagiging isang mamamahayag, pakikianib sa mga may kaparehas na layunin, at mahigpit na paghawak sa gampanin ng isang mamamahayag—ang tagapaghatid ng katotohanan.
Pagbaklas sa tanikala ng malayang midya
Sa kabila ng pagsusumikap ng tech companies sa larangan ng pamamahayag, mayroon pa ring iilang nangunguna sa pagpapalaganap ng maling impormasyon sa mga elektronikong daluyan. Ayon kay Gan, malaking bahagi ng kita ng mga tech company ang nagmumula sa pagpapalaganap ng maling impormasyon sa internet. Isinaad naman ni Ressa na nakasalalay sa disenyo ng social media ang nabubuong interaksyon ng mga tao at kinakailangan ng sistematikong solusyon at epektibong mga lehislasyon upang pigilan ang paglaganap ng maling impormasyon.
Sa aspekto ng business model, bagamat sinang-ayunan ni Ressa ang konsepto ng network subscription mode inamin niya ring maaaring hindi maabot ng pakpak ng balita ang mga pamayanan na higit na nangangailangan dito. Aniya, nararapat na patuloy paunlarin ang teknolohiya sa mga komunidad upang mas makasabay sa pagbabago ng panahon. Dagdag pa niya, pinagsisikapan ng Rappler na maghanap ng bagong teknolohiya upang mapigilan ang paggamit sa mga platapormang nagpapakalat ng maling impormasyon.
Ibinahagi rin ni Ressa na inilalathala ang mga artikulo ng Rappler sa social media upang mas madaling makarating sa malapad na hanay ng masa. Gayunpaman, kaakibat ng kanilang kritikal na pamamahayag ang pagharap sa mga pagbabanta hinggil sa kanilang pagturol sa mga aspektong nararapat paghusayin ng pamahalaan.
Pag-aklas sa ngalan ng malayang pamamahayag
Hinimok ni Gan ang mga tagapakinig na hindi lamang suporta sa pagpuksa ng maling impormasyon ang kinakailangan kundi mahalaga rin ang pagpapatagos sa mga layunin nito upang mas maatim ang isang inklusibong lipunan. Argumento pa ni Gan na kung hindi sasalungatin ang mga taong nagpapalaganap ng maling impormasyon, nabibigyan lamang sila ng kapangyarihang sakupin ang salaysay ng mamamayan at angkinin para sa kanilang pansariling interes.
Sa kabilang banda, pinalawig naman ni Zulkifli na mayroong internal na kontradiksyon mismo sa malayang midya na kinakailangang masinsinang pag-usapan. Sa oras na gumuho ang pundasyon ng malayang pamamahayag, kinakailangang magkaisa ng bawat bansa at kolektibong harapin ang mga suliraning ito.
Dagdag din ni Ressa, mapananatili ang pagkakaroon ng malayang pamamahayag kung patuloy na makalilikha ng mga makabuluhang teknolohiya, magbubuklod-buklod ang mga pamayanan, at pangangalagaan ng bawat isa ang kanilang ipinaglalabang kalayaan. Giit niya, “We cannot be monsters to fight monsters because we are fighting monsters . . . South East Asian countries emphasize differences, but I realized that we are more the same and share a lot in common. Make journalism more inclusive!”
Kalakip ng pagtugis sa katotohanan ang masikhay na pananaliksik at buong-tapang na pakikialam sa mga usaping pinauunlad ng mga karanasan ng tao. Hangga’t mayroong umiiral na sistemang pinananatili ang kalawang ng baling katotohanan, mayroong mga kritikal na taong tutunggali rito. Lagi’t laging mayroong mga mamamahayag na mangangahas na maghatid ng katotohanan upang maimulat ang sambayanang sinasakal sa tanikala ng kasinungalingan.