PINANGUNAHAN ng AcadArena, isang organisasyong namamahala ng collegiate Esports tournaments sa Pilipinas, ang ikatlong season ng National Campus Open (NCO) League of Legends (LoL) na nagsimula nitong Setyembre 10. Kaakibat nito, naghandog ang organisasyon ng oportunidad para sa mga estudyanteng manlalaro na makalahok sa NCO LoL kasama ang iba’t ibang pangkolehiyong koponan, tulad ng Pamantasang De La Salle (DLSU), Ateneo De Manila University (ADMU), Adamson University (ADU), Pamantasang Lungsod ng Maynila (PLM), at Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Sumabak ang 48 koponan mula sa iba’t ibang Pamantasan sa torneo upang makapasok sa open qualifiers ng NCO LoL na nag-umpisa nitong Setyembre 3. Mula rito, nadagit ng DLSU Viridis Arcus, PLM Exos Haribons, at ADU Game ang tatlong puwestong nakalaan para sa naturang yugto ng torneo. Bukod pa rito, napabilang ang mga koponan mula sa alliance schools na PUP Ypsilos, ADMU LG Hydra, at Mapua Gaming Society (MGS) Mages sa alliance qualifiers matapos talunin ang 27 koponan na lumahok sa torneo nitong Setyembre 4.
Matapos makapasok sa yugtong open qualifiers at alliance qualifiers, umarangkada ang anim na koponan patungo sa playoffs ng NCO LoL Season 3. Lumahok din sa torneo ang mga NCO LoL Season 2 defending champion na DLSU Asian Baby Boys at University of San Agustin Sage Code: 001 upang punan ang natitirang dalawang puwesto sa quarterfinals. Para sa pambato ng DLSU, kabilang sa koponang Asian Baby Boys sina Baby Egø, Relevancez, Ciaran, Leomarc, at Usagi.
Kasaysayan ng Asian Baby Boys sa NCO LoL
Sa bawat season ng NCO LoL, hindi nawawala ang Asian Baby Boys sa Metro Division o liga na sinasalihan ng mga manlalaro mula Maynila. Kaakibat nito, nakatutunggali ng pambatong koponan ng DLSU ang tatlo pang collegiate team na PLM Exos Haribons, UST Teletigers B String 2, at UPD Oblation Esport – Corgi. Mula una hanggang ikalawang season ng NCO LoL, matagumpay na nakapasok sa open qualifiers ang Asian Baby Boys.
Bilang defending champion sa torneo, palaging napasasakamay ng Asian Baby Boys ang panalo mula semifinals hanggang grand finals. Para sa ikalawang season ng NCO LoL, nagwagi ang Asian Baby Boys kontra MGS Mages sa semifinals sa iskor na 2-1. Sunod namang pinayuko ng Taft-based squad ang mga koponang ADMU LG Hydra sa winners finals at MGS Mages sa winners grand finals. Bunsod nito, nakilala ang Asian Baby Boys bilang hari ng Metro ng NCO LoL Season 2 matapos mapagtagumpayan ang matinding bakbakan kontra MGS Mages na umabot hanggang limang round na may iskor na 3-2.
Mabagsik na karera sa ikatlong season
Nagsimulang magtagisan ng gilas ang DLSU Asian Baby Boys laban sa Adamson University The Adamson University Guild of Animation Makers and Esports (AdU-GAME) sa unang araw ng quarterfinals ng NCO LoL. Agad na tinalo ng Asian Baby Boys ang AdU-GAME sa unang round ng laban gamit ang kanilang mga counterattack. Bukod dito, nahirapang lusubin ng AdU-GAME ang defending champion dahil sa estratehiya nitong magsama-sama sa clash para sugurin ang mga hero ng katunggali. Madali ring sinira ng Asian Baby Boys ang mga tower at base ng ADU bunsod ng mahinang depensa ng kalaban, 1-0.
Para sa ikalawang yugto ng laban, muling napaluhod ang AdU-GAME sa mga estratehiya ng kalalakihan ng Asian Baby Boys. Tuluyang sinira ng Taft-main squad ang unang turret ng ADU para dominahin ang sagupaan. Sa huli, hindi pinagbigyan ng Asian Baby Boys ang AdU-GAME para makabawi kaya nahirapan itong gumalaw nang malaya sa mapa ng laro. Bunsod nito, nagwagi ang Asian Baby Boys sa unang araw ng quarterfinals, 2-0.
Bunsod ng pagkapanalo sa quarterfinals, humantong sa semifinals ang pambatong koponan ng DLSU. Nakalaban naman ng Asian Baby Boys ang PUP Ypsilos sa semifinals dala ang kanilang momentum mula sa quarterfinals. Nagsimulang lumakas ang kumpiyansa ng Ypsilos matapos gipitin si Baby Ciaran sa mid lane. Gayunpaman, hindi naging sapat ang pagharang ng Ypsilos sa Asian Baby Boys. Bunsod nito, malakuryenteng sinugod ng DLSU ang bot lane kaya nakuha nila ang first blood laban sa PUP. Sa kabila nito, lumipat ang bentahe sa Ypsilos sa kalagitnaan ng unang yugto ng laban dahil sa mga inilagay nilang ward sa lugar ng Asian Baby Boys. Bagamat nagmukhang mapupunta na sa Ypsilos ang panalo, hindi nagpatinag ang Taft-main squad sa pag-atake sa base ng kalabang koponan, 1-0.
Sa ikalawang yugto ng semifinals, dinomina pa rin ng Asian Baby Boys ang tunggalian. Sinugod ng PUP ang mga tower sa mid lane para gipitin ang DLSU sa kanilang estratehiya. Gayunpaman, diniskartehan ito ng Asian Baby Boys matapos wasakin ang mga tower ng kalaban na nakatulong sa pagsira ng base ng Ypsilos, 2-0. Nakamit ni Baby Ciaran ang Player of the Game sa laban na ito.
Matayog na pagtatapos
Tumuntong sa grand finals ang magkaribal na koponan na Asian Baby Boys at LG Hydra matapos makamit ang 2-0 sweep sa semifinals. Gayunpaman, bigong makamit ng defending champions ang kampeonato sa ikatlong season ng NCO LoL matapos matalo sa loob ng limang round kontra LG Hydra. Nagsilbing bentahe sa LG Hydra ang makalat na opensa ng Asian Baby Boys sa umpisa ng laro.
Sinubukang protektahan ng DLSU ang kanilang titulo bilang defending champion sa pamamagitan ng kanilang mga diskarte at offensive prowess. Gayunpaman, naging mahina ang depensa ng DLSU at nautakan ng LG Hydra ang diskarte nito sa huling round. Bunsod ng kanilang naghihingalong depensa, sinamantala ng LG Hydra ang kanilang pagkakataong wasakin ang base ng Asian Baby Boys matapos sirain ang kanilang turrets. Kaakibat nito, nakamit ng LG Hydra ang kanilang kaunaunahang tropeo sa NCO: LoL Season 3. Nabigo mang mapasakamay ang panalo, naibulsa naman ng pambato ng DLSU ang premyong nagkakahalagang Php20,000 at 4,000 na riot points.