NAGTAGISAN ng galing ang mga pangkolehiyong koponan sa Pilipinas sa larong Valorant sa University Alliance Cup (UAC) Valorant Season 3 nitong Agosto 20 hanggang Oktubre 3. Nagwagi ang pambato ng Pamantasang De La Salle (DLSU) na Viridis Arcus Esports (VA) sa torneo. Gayunpaman, hindi naging madali ang pagpunyagi ng koponan bunsod ng malalakas na katunggali na University of Santo Tomas (UST) Teletigers, De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB) Romancon Gaming, Ateneo de Manila University (ADMU) LG Esports, Far Eastern University-Institute of Technology (FIT) iTamaraws, New Era University (NEU) Paradigm Vanguards, Technological University of the Philippines (TUP) Gearhawks Esports, Malayan Colleges Laguna Warlocks, Mapua University-Makati Mapua Gaming Society Clubs, Far Eastern University Tams FX, Holy Angel University (HAU) Valiant ESports, at University of San Carlos Portal Warriors.
Pinangunahan naman ng kapitan ng VA na si xavi8k ang pagragasa ng DLSU sa UAC Valorant Season 3. Nakapagtala ang panibagong miyembro ng BrenEsports ng 99 na kills at 18 assists sa grand finals. Bunsod nito, itinanghal bilang Most Valuable Player ng torneo si xavi8k. Sa kabilang banda, hindi naman maisasantabi ang nakamamanghang kontribusyon ng ibang miyembro ng Viridis Arcus na sina grosso, vintage, guelson, w1lly, yao, at acervus sa pagkamit ng three-peat ng koponan.
Masilakbong kasaysayan sa UAC Valorant
Naibulsa ng VA ang iskolarship mula sa mga namamahala ng UAC na AcadArena. Nagsimula ang programa noong nakaraang taon upang matulungan ang mga natatanging Esports student-athletes sa pamamagitan nang pagbawas ng 25% hanggang 100% sa kanilang matrikula. Kabilang ang DLSU sa 13 unibersidad mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas na hinirang ng AcadArena na makatatanggap ng Alliance Program o iskolarship nito.
Sa unang season pa lamang ng UAC Valorant, nangibabaw na ang VA matapos hiranging top seed ng Group B nang matamo nila ang rekord na 4-1. Patuloy ring umarangkada ang Taft-based squad nang makamit nila ang tatlong sunod-sunod na panalo kontra LG Esports, dahilan para mapasakamay ang kampeonato sa buong torneo.
Nanaig din ang VA sa ikalawang season ng torneo. Sa tulong ng mga pagbagsak ng 40-bomb ni xavi8k noong overtime ng unang yugto at malalakas na pop-offs ni susej, nakamit ng VA ang kanilang ikalawang panalo, 3-0, kontra sa ADMU LG Esports. Bunsod nito, nakuha nila ang papremyo ng UAC Valorant Season 2 na Php120,000.
Panimulang sagupaan sa UAC Valorant Season 3
Para sa mekaniks ng UAC Valorant, hinati ang 12 kalahok na collegiate team sa bansa sa dalawang grupo—ang Group A at Group B. Kaakibat nito, napabilang ang DLSU VA sa Group A. Para sa unang yugto ng torneo, nagpasiklaban ang mga koponan sa single round robin. Kinakailangang makakuha lamang ng isang panalo ang koponan upang makatungtong sa playoffs. Tumagal ang yugtong ito nang limang araw na ginanap nitong Agosto 21, 22, 29 at Setyembre 9 at 12.
Lumaban ang DLSU VA sa mga koponang kabilang sa Group A para sa single round robin na binuo ng limang rounds. Nakalaban ng VA ang iba’t ibang koponan na DLS-CSB Romancon Gaming, FIT iTamaraws, UST Teletigers, TUP Gearhawks Esports, at NEU Paradigm Vanguards. Tangan ang angking husay at determinasyon, nangibabaw ang VA kontra Teletigers, Gearhawks Esports, at Paradigm Vanguards.
Tamis ng tagumpay
Nakamit ng VA ang ikalawang puwesto sa Group A upang umusad patungo sa quarterfinals ng ikatlong season ng torneo. Madaling nilampaso ng Taft-based squad ang koponan ng ADMU LG Esports sa best-of-three series, 2-0. Matapos nito, nakaharap naman ng VA ang HAU Valiant Esports sa semifinals na wala pang talo simula noong single round robin at quarterfinals. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang VA kontra sa Valiant Esports matapos pabagsakin ang kanilang puwersa, 2-0.
Matapos magwagi sa semifinals, lumarga patungo sa grand finals ang VA bitbit ang hangaring makamit ang tropeo sa ikatlong pagkakataon. Dala ang kusot ng tanging talo nila sa torneo, hindi pumayag ang VA na maisahan muli sila ng FIT iTamaraws sa kanilang rematch. Nakuha ng DLSU ang unang yugto ng laban ngunit nalusutan sila ng FIT iTamaraws sa ikalawang yugto matapos lumamang ng limang puntos, 1-all.
Walang mantsa and ikatlong yugto para sa VA matapos selyuhan ang 2-1 lead sa iskor na 13-1. Sa ikaapat na yugto, nagmistulang alanganin ang VA matapos makalamang ang FIT iTamaraws, 2-4. Gayunpaman, hindi pumayag si xavi8k na umabot sa ikalimang round ang serye. Matapos ang kaniyang ace play patungo sa pagtatapos ng ikaapat na yugto, nasungkit ng DLSU ang inaasam-asam na kampeonato, 3-1.
Bunsod nito, napasakamay ng VA ang tropeo ng UAC Valorant at titulong kampeonato sa buong tatlong season ng torneo. Nakatanggap din ang VA ng premyo na nagkakahalagang Php30,000. Dagdag pa rito, naibulsa nila ang Php10,000 scholarship grant kalakip ang mga gintong medalya na nagpapakita ng kanilang tagumpay sa UAC Valorant Season 3.