PINANGUNAHAN ng NCPAG-Umalohokan, opisyal na publikasyong pangmag-aaral ng University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG), ang pagtalakay sa mga konsepto ng pamamahayag, tulad ng pagsulat ng balita at lathalain, paglalapat, at aktibismo, sa pamamagitan ng dalawang araw na workshop na pinamagatang “sUMAma: Basic Journalism Workshop 2021,” Oktubre 2 at 3.
Sinimulan ni Ace Armada, punong patnugot ng NCPAG-Umalohokan, ang workshop at inilahad na isyu sa pondo, kakulangan sa tauhan, at suliranin sa pisikal at mental na kalusugan ng bawat miyembro ang ilan sa mga kinahaharap na balakid ng mga publikasyon sa kasalukuyan.
Gayunpaman, sa kabila ng mga pagsubok na inilahad ni Armada, hindi natinag ang mga publikasyon na magpatuloy at buong-pusong maghatid ng katotohanan sa lipunan. “Ang mga publikasyon ay nakararanas ng pare-parehong struggles. . . pero andito tayo lahat eh. We’re still here, continuing our operations, tuloy-tuloy pa rin,” ani Armada.
Tinalakay rin ni Armada ang paglaban para sa malayang pamamahayag. Aniya, kaagapay ng laban para sa malayang pamamahayag ang pagsulong sa karapatang pantao ng bawat mamamayang Pilipino. “Gamit ang pluma, tayo ang lumalarawan at umaalingawngaw ng katotohanan. Tayo ang lumalaban kasama ang madla at nagsasalita para sa mga ‘di pinapakinggan,” pagwawakas ni Armada.
Aktibismo sa lente ng pamamahayag
Mas pinaigting ang pagtalakay sa konsepto ng pamamahayag nang talakayin ni Danilo Arao, Associate Professor ng UP College of Mass Communication at patnugot ng Media Asia, ang pamamahayag bilang isang uri ng aktibismo. Aniya, kinakailangang maunawaan ang iba’t ibang perspektibang nakaangkla sa pamamahayag at pakikibaka.
Binigyang-diin din ni Arao ang likas na pagtuon sa kasalukuyang kalagayan ng bansa at mga kinahaharap na problema nito. Bagamat nakabatay ito sa kasalukuyang pangyayari, ipinaliwanag niya na mahalaga ang pagkilatis sa mga ibinabalita sapagkat tungkulin ng bawat mamamahayag na suriin ang impormasyon upang masigurong purong katotohanan ang balitang mailathala. “You analyze what they say and try to make sense of what they do not say,” giit ni Arao.
Bukod dito, binigyang-linaw ni Arao na hindi nag-uugat ang aktibismo mula sa maka-Kaliwang ideya, sa halip isa itong aktibong pakikibahagi sa lipunan. Kaugnay ng mga natalakay na aspekto, inilahad niya ang kahalagahan ng pakikiisa at pakikisalamuha sa kapwang nakikibaka. “There is strength in numbers,” paniniwala ni Arao.
Humantong sa mapagnilay na tono ang talakayan nang pag-usapan ang papel ng pamamahayag sa krisis sa lipunan na dulot ng kultura ng pang-aapi. Sa gitna ng pagtutunggali ng mga nang-aapi at inaapi, kapit-bisig ang pamamahayag at aktibismo sa paglalarawan ng tunay na estado ng lipunan. Hinimok ni Arao ang mga tagapakinig na maging mulat sa mga kinahaharap na suliranin ng mga mamamahayag, katulad ng work-related killings, red-tagging, online harassments, at pagkalat ng fake news.
Samantala, pinamunuan naman ni Daniel Sebastienne Daiz, manunulat mula sa Philippine Collegian, ang pagtalakay sa kahalagahan ng pagbabalita lalo na sa panahon ng krisis pangkalusugan. Dahil nilimitahan ng pandemya ang galaw ng mamamayan na nakaapekto sa paghahatid ng balita, nanaig ang pagsasalaysay ng pamamahayag sa teknolohiya at sa mundo ng online. Giit niya, binago ng remote work ang karaniwang pamamahayag dahil kinakailangan ng mga mamamahayag na nakaayon sa tawag ng panahon kahit nasa kaniya-kaniyang tahanan.
Bukod sa pagtalakay sa aspekto ng pagsulat ng balita, binigyang-diin din ni Daiz ang kakayahan ng mga dibuho at iba pang uri ng sining na makapukaw at mapanatili ang atensyon ng madla. Aniya, isa sa malaking dagok na kinahaharap sa online na pamamahayag ang limitadong atensyon ng mga mambabasa, kaya sa pamamagitan ng paggamit ng graphics, mas pinaikling mga talata, at iba pang uri ng visual aids, mas nauunawaan ng publiko ang nais iparating ng balita.
Inilahad din ni Daiz ang kahalagahan ng pagkilatis sa mga nakalap na datos at masusing paghahanap ng ibang pagbabatayan upang mapalalim ang pagpapahayag. Isa ang paggamit ng mga opisyal na dokumento, tulad ng annual audit at budget report upang mapatibay ang nilalaman ng balita.
“Ito ang interesting part ng news gathering . . . you are really delving yourself into investigative work . . . [Hence] numbers, numbers,” saad ni Daiz.
Epektibong paglalathala at pagdidisenyo
Sinimulan naman ni Rome Rex Medina, dating tagapamahalang patnugot ng The Communicator, ang ikalawang araw ng workshop sa pamamagitan ng malalim na pagtalakay sa pagsulat ng mga lathalain. Ayon kay Medina, layunin ng lathalain ang pagpapaliwanag at pagsisiyasat sa mga balita, pagtatampok sa isang tao, mga uso o trend, at paglikha ng mga gabay para sa mga mambabasa. Hindi ito sumusunod sa estruktura ng mga artikulong pambalita dahil nagtatapos ito sa pagbibigay ng kaalaman sa mga mambabasa.
Bukod dito, ibinahagi ni Medina na may kakayahan ang mga lathalain na pumukaw ng interes ng mga mambabasa. “. . . doon natin ipapasok ang puso pero as journalists, kailangan pa rin natin maging kritikal sa nilalagay nating information sa feature writing,” wika ni Medina.
Sa pagtatapos ng kaniyang diskusyon, ipinaalala ni Medina na sa pagsusulat ng lathalain, isaalang-alang ang lalim at kahalagahan ng mga paksang nais talakayin. Taliwas sa blogs na nakikita sa internet, layunin ng mga mamamahayag na kumiling lamang sa katotohanan at panatilihin ang pagiging kritikal sa paghahatid ng impormasyon.
Binigyang-pansin naman ni John Reczon Calay, dating tagapamahalang patnugot ng Philippine Collegian, ang kahalagahan ng paglalapat at pagdidisenyo. Giit niya, ang pagkakaroon ng kaalaman sa mga elemento ng disenyo, tulad ng kulay, value, texture, linya, hugis, espasyo, at anyo, ang nagbibigay-buhay sa mga disenyong nililikha ng isang graphic designer.
Sa aspekto ng pagdidisenyo at paglalapat sa mga brand at logo, ipinaalala ni Calay na pagtuunan ang layunin at bisyon ng isang pahayagan, ang komunidad ng paaralang kinabibilangan, at ang boses ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin ni Calay na hindi nagkakaiba ang plagiarism sa akademya at plagiarism sa visual design. Ayon sa kaniya, mahalaga ang paglalagay ng mga angkop na sanggunian bilang respeto at pagkilala sa mga disenyo na pagmamay-ari ng iba.
Sa pagtatapos ng kaniyang diskusyon, nag-iwan si Calay ng ilang mga payo para sa mga graphic designer at ipinaalala ang kahalagahan ng tungkuling ginagampanan ng mga graphic designer sa pamamahayag. Aniya, kinakailangang magkaroon ng sariling estilo sa pagdidisenyo at sanayin ang sarili na kumonsulta sa mga kasamahan at propesor.
“You are not just a graphic designer, you are a multimedia journalist. You are part of the news process,” giit ni Calay.
Panawagan sa mga estudyanteng mamamahayag
Higit sa pagpapayabong sa teknikal at malikhaing kaalaman ng mga mamamahayag ang inihatid ng workshop. Isiniwalat din nito ang reyalidad na patuloy ang tahasang paglaganap ng kasinungalingan at pagpipikit-mata ng mamamayan. Gayunpaman, pinatunayan ng mga tagapagsalita na nangingibabaw pa rin ang adhikaing ihatid ang katotohanan at himukin ang taumbayan na makisangkot sa mga nangyayari sa lipunan.
Hangga’t patuloy ang mga pahayagan ng mga pamantasan sa pagsusulat at pangangalampag para sa katotohanan na walang kinikilingan, patuloy na isisilang ang mga mamamahayag na may layuning maghatid ng katotohanan sa lipunang pilit na binubulag ng sistemang gahaman. Pagsisiyasat ng katotohanan ang gigising sa mga nahihimbing sa mapanlinlang na kalagayan at magbabangon mula sa mga nasa laylayan ng lipunan.