PINAGTUUNANG-PANSIN ng Committee on National Issues and Concerns (CoNIC) ng Pamantasang De La Salle (DLSU), katuwang ang La Salle Institute of Governance (LSIG), ang kabuuang resulta ng isinagawang sarbey tungkol sa katayuan sa pagboto ng pamayanang Lasalyano sa Kapihan ng Malalayang Lasalyano (KAMALAYAN) Forum, Oktubre 1.
Diskusyon sa isinagawang sarbey
Pinangunahan ni John Benedict Felices, program and research associate ng LSIG, ang diskusyon mula sa naitalang resulta mula sa 1,236 na respondente na lumahok sa sarbey na tumalakay sa proseso ng pagboto para sa nalalapit na halalan.
Isinagawa ang sarbey noong Mayo at nagtagal hanggang Hulyo. Ayon dito, lumabas na rehistrado na ang mahigit sa kalahating bahagdan ng mga respondente at maaaring madagdagan pa dahil sa pagpapalawig ng rehistrasyon ng Commission on Elections (COMELEC), sambit ni Felices.
Ipinakita na nasa 30% ng mga estudyanteng undergraduate at senior high school ang nais bumoto ngunit hindi pa rehistrado dahil first-time voters pa lamang sila noong isinagawa ang sarbey. “Hopefully, by this time they are already registered,” sambit ni Felices. Umabot naman sa 20% bilang ng mga rehistrado ngunit ayaw bumoto bunsod ng pangambang dala ng pandemya at kawalan ng tiwala sa gobyerno at mga posibleng kandidato.
Lumabas din sa datos na ang graduate students, kawani ng Pamantasan, at miyembro ng faculty, ang may pinakamababang porsiyento ng kamalayan sa proseso ng pagrehistro. Kaugnay nito, nangibabaw naman ang mga estudyante mula sa senior high school pagdating sa kaalaman sa proseso ng pagpaparehistro.
Naitala naman na mababa sa 50% ng mga respondente mula sa co-academic personnel, graduate students, at undergraduate students, ang may kaalaman sa lokasyon ng mga tanggapan ng COMELEC sa kanilang lugar, ngunit mayorya naman ang mayroong sapat na kamalayan sa iskedyul ng botohan. Malaking bahagdan din ng mga respondente ang hindi pa alam ang kanilang mga voting site dahil natutukoy lamang nila ang kanilang voting precinct sa araw ng botohan.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Ador Torneo, direktor ng LSIG, sa ikalawang bahagi ng diskusyon ang opinyon ng mga respondente sa mga suliraning nais nilang matugunan ng mga kandidato. Tinukoy ni Torneo ang usapin ukol sa edukasyon, pagtugon sa COVID-19, at suliranin sa healthcare bilang mga pangunahing problemang nais matugunan ng mga respondente.
Ayon kay Torneo, mahalaga ring bigyang-pansin ang pagpapahalagang ipinakita ng mga respondente sa mga isyung panlipunan, tulad ng katiwalian, kahirapan, pagkagutom, at mga isyung may kinalaman sa karapatang pantao. Sa pagtatapos ni Torneo, ibinahagi niya ang mga katangiang hinahanap ng mga Lasalyano sa mga kandidato. Lumabas na naghahangad ang pamayanang Lasalyano ng kandidatong makatao, tapat, at may kredibilidad.
Sentimyento ng mga sektor
Nakibahagi rin bilang panel reactors sina Dr. Benito Teehankee ng DLSU Association of Faculty and Educators, Niño Dianco ng DLSU Employees Association, Romy De Guzman, bise presidente ng Kababayan sa Bagong Barrio Caloocan Inc., at Giorgina Escoto, bagong halal na presidente ng University Student Government .
Binigyang-diin ni Teehankee ang kahalagahan ng edukasyon at pagiging mapanuri ng mga botante sa darating na eleksyon. Ipinahayag din niya ang pag-aalala sa naging resulta ng sarbey sapagkat hindi pa gaanong naiintindihan ng karamihan ang kahalagahan ng pakikilahok at pansibikong tungkulin.
Gayunpaman, ipinahiwatig ni Teehankee ang kaniyang kagalakan sa iba pang bahagi ng resulta ng sarbey. Wika niya, “Natuwa rin [naman] ako ‘nung andiyan ang mga concerns sa kabuhayan at paglutas ng kahirapan.” Binigyang-diin din niya na mahalaga ang pagkakaroon ng kalidad at pangmatagalang programa sa pagpili ng mga liderato.
Pinabulaanan naman Dianco ang kabuluhan ng pananampalataya at pagiging maka-Diyos bilang katangian ng mga pinunong dapat ihalal. “Kapag God-fearing [ang politiko], andoon na lahat. Mahirap man o mayaman, equal lang ang tingin natin sa kanila dahil may takot [sila] sa Diyos,” dagdag pa niya.
Tinalakay ni De Guzman ang salik sa pagkawala ng intensyong bumoto ng ilang mamamayan. Aniya, “Kaya ayaw bumoto ng iba dahil tingin nila sa mga kandidato [ay] mga trapo [traditional politician]. Nawawala ang tunay na serbisyo, mas umiiral ang interes ng utak-negosyo.” Ipinunto niyang epekto ito ng mga pangakong napako ng kasalukuyang administrasyon.
Inihalimbawa rin ni De Guzman ang pananamantala ng mga politiko sa mahirap na buhay ng mga karaniwang Pilipino upang mabili ang kanilang boto. “Nangingibabaw pa rin ang political patronage [pag-uugnay sa vote buying],” saad niya. Samakatuwid, batid niyang hindi madali ang magpahatid ng kamalayan ukol sa mabisang pagpili ng mga kandidato. “Mahabang proseso ang pagmumulat. Tuloy-tuloy [ito],” dagdag pa niya.
Ibinungad ni Escoto ang pagdodomina ng mga estudyante sa bahagdan ng lumahok sa sarbey. Saad pa niya, patunay lamang ang naturang datos na may pakialam at nakikialam ang sektor ng kabataan sa isyung nasyunal. “Stakes are higher right now. Mayroon na kaming [kabataan] magagawa,” giit pa niya.
Ibinida rin ni Escoto na nangunguna ang kabataan sa pagtataguyod ng mga talakayan, webinar, at petisyon tungo sa inaasam na pagbabago. Nanawagan din si Escoto na dapat maibalik ang dignidad sa mga sangay ng gobyerno, lalo na sa opisina ng Presidente. “What can we do: Educate others, register to vote, and going out to vote,” paghihikayat pa niya.
Pahayag ng mga tagapagsalita
Ipinahayag ni Teehankee na mauuwi sa trahedya ang demokrasya bansa sa oras na balewalain ang boto ng isang botante. Aniya, nabigyan ng puwang na manalo ang mga diktador at gahamang politiko. Tulad ni Teehankee, ipinahayag din ni Dianco na parang isinusuko na ang karapatang makaboto kung walang pagpapahalaga rito.
Binigyang-pansin din ang isyu ng “bobotante.” Ayon kay Teehankee, dapat tingnan ang plataporma at hindi ang personalidad ng mga kandidato. Dagdag pa niya, “Pare-pareho lang ang pangako at maganda ang pangangampanya ngunit hindi naman ito sumasalamin sa buhay ng mga Pilipino.”
Samantala, binigyang-diin ni De Guzman na biktima lamang ng pananamantala ang mga tinatawag na “bobotante.” Aniya, biktima sila ng mga elitistang pinagsamantalahan ang kahirapan ng mamamayan.
Sa huling bahagi ng programa, ipinarating ni Torneo na isang self-correcting system ang demokrasya at magiging epektibo lamang ito kung pahahalagahan ng mamamayan ang kanilang tungkulin. Ipinaalala nina Escoto at Felices ang kahalagahan ng pagiging mapanuri at kritikal na botante. Dagdag pa ni Escoto “Those who do not learn from history are bound to repeat or live it.”
Samantala, inilahad ni Dianco na kinakailangang magkaisa ang mga kabataan upang maihalal ang mga lideratong nais nilang iluklok. Ipinahayag ni Teehankee na dapat ipakita sa mga lider na responsibilidad nilang ipatupad at sundin ang Konstitusyon ng bansa.
Sa huli, ipinabatid ni De Guzman na dapat bigyang-solusyon ang mga ugat ng problema, tulad ng kahirapan, upang hindi na ito maulit at lumala pa. Binigyang-diin niyang mayroong kapangyarihan ang bawat mamamayan, at isang paraan lamang dito ang pagboto.