MULING IWINAGAYWAY ng Viridis Arcus Esports ang bandera ng De La Salle University (DLSU) matapos depensahan ang kanilang three-peat championship kontra Far Eastern University Institute of Technology (FIT) iTamaraws Esports, 3-1, sa grand finals ng University Alliance Cup (UAC) – Valorant Season 3, Oktubre 3.
Matikas na binitbit ng kapitan ng Viridis Arcus na si xavi8k ang kaniyang koponan matapos makapagtala ng kabuuang 24.7 kill, 12.2 death, at 4.5 assist. Bunsod nito, hinirang ang bagong miyembro ng Bren Esports bilang Lodi Logitech G Most Valuable Player ng laro.
Sinimulan ng Viridis Arcus ang unang mapa na Ascent sa pagsungkit ng mga unang round nito upang makalamang sa iTamaraws, 2-0. Lumobo naman ang kalamangan ng Viridis Arcus sa tatlo matapos magpamalas ng aggressive plays sa opensa ni xavi8k, 4-1. Nakahabol man ang kalaban, bumulusok muli si xavi8k upang ibalik ang kalamangan sa tatlo, 6-3, pabor sa Viridis Arcus. Kaakibat nito, nagtapos ang unang kalahati ng laro sa iskor na 8-4, lamang ang Viridis Arcus.
Nagpatuloy naman ang agresibong laro ng Viridis Arcus sa ikalawang yugto ng kompetisyon sa pag-atake ng mga base ng iTamaraws. Nakuha ng Viridis Arcus ang unang dalawang round ng yugto na nagsilbing rason sa paglayo ng kalamangan kontra iTamaraws, 10-4. Sinubukang humabol ng iTamaraws sa laban ngunit pinigilan ito ng Viridis Arcus. Bunsod nito, nanaig ang Viridis Arcus sa unang mapa ng laro kontra sa naghihingalong depensa ng katunggali, 13-8.
Maaga namang umarangkada ang Viridis Arcus sa attacking side ng ikalawang mapa ng serye na ginanap sa Haven. Ipinakita ng Viridis Arcus ang bagsik ng kanilang offensive prowess sa mapang ito nang makuha ang unang apat na round kontra iTamaraws, 4-0. Matapos ibaba ng kalaban sa isa ang kalamangan, nakakuha muli ng mga sunod na panalo ang Viridis Arcus, daan upang lumobo ang kanilang kalamangan, 8-3. Nagtapos naman ang unang yugto ng mapa sa pagsungkit ng iTamaraws ng kalamangan, 8-4, ngunit pabor pa rin sa Viridis Arcus.
Nagpalitan ng tatlong magkakasunod na panalo ang parehong koponan sa pagsisimula ng huling kalahati ng mapa, 11-8, pabor sa Viridis Arcus. Hindi naman nakakuha ng rounds ang Viridis Arcus matapos magpakawala ng limang magkasunod na puntos ang iTamaraws sa pagtatapos ng ikalawang laban ng serye. Buhat nito, natikman ng Viridis Arcus ang kanilang unang talo sa serye kontra FIT iTamaraws, 11-13.
Ipinakita naman ng Viridis Arcus ang kanilang tunay na lakas sa pagsisimula ng ikatlong mapa ng laro, na ginanap sa Bind. Nagpakawala ng siyam na magkakasunod na panalo ang Viridis Arcus bilang defenders ng mapa na pinangunahan ng apat na kill ni xavi8k sa ikaanim na round nito. Matapos makuha ng iTamaraws ang unang round sa mapa, tinambakan ng Viridis Arcus ang talaan ng katunggali nang makuha nila ang 12 kalamangan at match point sa pistol round ng laban, 13-1.
Sa ikaapat na yugto ng torneo, ipinakita ng FIT iTamaraws ang kanilang matatag na depensa kontra Viridis Arcus, 0-3. Sa kabila nito, nakapagtala ang Viridis Arcus ng kanilang unang puntos mula sa apat na kill ni xavi8k gamit ang sheriff. Dinagdagan naman ni grossof ang pagpuntos ng kakampi, 2-4, lamang ang iTamaraws. Matapos masungkit ng iTamaraws ang kanilang ikalimang puntos sa mapa, nagpakawala ng tatlong magkakasunod na panalo ang Viridis Arcus upang maitabla ang laban, 5-all. Nagtapos ang unang kalahati ng ikaapat na laban sa palitan ng puntos ng dalawang koponan, 6-all.
Pumiglas naman ang Viridis Arcus mula sa pagkakatali ng tablang talaan matapos umukit ng kalamangan sa huling kalahati ng yugto, 10-6. Matapos pigilan ng iTamaraws ang magkakasunod na pagpuntos ng Viridis Arcus, nagpakawala naman ng ace play si xavi8k gamit ang kaniyang baril na guardian upang maibalik ang kalamangan sa tatlo, 11-8. Hindi naman hinayaan ng Viridis Arcus na makabawi ang iTamaraws nang makuha nila ang championship point, 12-8.
Bigong makahabol ang katunggali bunsod ng matitinding opensa at depensa ng Viridis Arcus. Bunsod nito, nasungkit ng Viridis Arcus ang kanilang ikatlong kampeonato sa UAC Valorant. Pinaamo ng Taft-based squad ang nagbabadyang peligrong hatid ng gutom na koponang FIT iTamaraws na ngayong Season 3 pa lamang nakatapak sa grand finals ng torneo, 13-8.