ISINIWALAT ng mga organisasyong Dakila at InciteGov ang malagim na katotohanan sa ilalim ng halos na anim na taong implementasyon ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, sa isinagawang webinar na pinamagatang Healing the Traumas: Exorcising the Terrors of the Philippines’ War on Drugs, Setyembre 25.
Sinimulan ni Raffy Lerma ang webinar at inilantad ang reyalidad ng giyera kontra droga sa pamamagitan ng mga nakuhang larawan. Binigyang-diin niya na ipinakikita ng bawat larawan ang pagkakatulad ng sinapit ng mga biktima. Bukod sa parehas na mayroong hawak na baril, kaniya ring napansin ang mga cuff mark na hindi naisasama sa mga inilathalang tala ng kapulisan.
Bagamat may layuning wakasan ang paglaganap ng droga, tila naging biktima lamang ng karahasan at pang-aabuso ang mga nasa laylayan ng lipunan. Giit ni Lerma, “I’ve seen many who were arrested with millions and millions worth of drugs but they don’t get killed. They get arrested, they get due process.” Naniniwala siyang ito ang naghihiwalay sa sino nga ba ang totoong biktima ng Oplan Tokhang.
Mapait na kapalaran sa ilalim ng War on Drugs
Kaakibat ng hindi makatarungang pagkamatay ng mga biktima ang pagbabago at pangangapa ng mga naiwang pamilya sa paghahanap ng pananagutan at katarungan. Inilantad ni Lan Mercado, co-founder ng Baigani, na karaniwang nasasadlak sa kahirapan ang naiwang pamilya ng mga biktima dahil kadalasang tagapagtaguyod ng pamilya ang pinapatay sa mga operasyon ng awtoridad.
Pagdidiin ni Mercado, hindi natatapos sa pagkawala ng buhay ang pinsalang iniwan ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte. Dahil dito, naging katuwang ang Baigani, isang non-profit na organisasyon, sa pagsasagawa ng debfriefing sa mga pamilya ng biktima upang makabangon muli sa mapait na katotohanan ng pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay.
Dagdag ni Mercado, nakararanas ng matinding diskriminasyon ang pamilya ng mga biktima ng Oplan Tokhang dulot ng negatibong konotasyon sa mga programang inilalabas. Bunsod nito, naging mapanganib ang imahe ng mga biktima sa komunidad at napipilitan ang marami na lumayo para sa kanilang kaligtasan. Ani Mercado, “Hindi lamang [nila nararanasan] ang trauma ng namatayan, kundi ‘yung stigma at pagkarawak ng community fabric.”
Kinilala naman ni Shebana Alqaseer ang kahalagahan ng pagkakaroon ng madaling ma-akses na impormasyon para sa publiko. Nais niyang makita ng lipunan na hindi lamang para sa pansarili at politikal na interes ang pagtuligsa sa giyera kontra droga. Idiniin din ni Alqaseer na kinakailangang mapanatili ang patuloy na pagbabahagi ng kaalaman ukol sa hindi makataong sistema ng administrasyon sa giyera kontra droga. Bunsod nito, ipinaalala ni Alqaseer sa mga tagapakinig na, “Walang maliit na ambag. Ituloy natin ang kwento.”
Hustisya sa kamay ng ICC
Halos anim na taon na ang nakalilipas ngunit hindi pa rin nakamit ng mga pamilyang naulila ang hustisya para sa kapamilya nilang naging biktima ng giyera kontra droga. Bunsod ng pagpirma ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2011, nagkaroon ng kapangyarihan ang International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang mga kawalan ng pananagutan sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao dulot ng giyera kontra droga ng rehimeng Duterte. Bagamat tumiwalag ang Pilipinas bilang kasapi ng ICC noong 2019, maaari pa ring imbestigahan ang mga naganap na pagkitil hanggang sa taon na miyembro ang bansa ng Rome Statute.
Ipinahayag ni Arpee Santiago, “Kapag walang hustisyang natatanggap mula sa domestic level, doon pumapasok ang ICC.” Gayunpaman, idiniin niyang symbolic justice lamang ang makakamit ng nakararami dahil hindi maririnig ang lahat ng kasong nakapaloob dito.
Bunsod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nakitil na buhay dahil sa giyera kontra droga, mas bumagal ang sistema ng pagkamit ng hustiya sa bansa. Ayon kay Atty. Cathy Alvarez, ang mabagal na pagdinig sa mga kaso sa lokal na hurisdiksyon ang nagtutulak sa publiko na humanap ng alternatibong hustisya sa pamamagitan ng pagpapahayag nang walang takot sa kanilang mga kwento.
Pagtindig sa mapanghusgang lipunan
Hindi pagkitil sa buhay ang tanging solusyon sa pagkalulong sa droga. Ibinahagi ni Atty. Mini Banayat, na marapat tingnan din ang paggamit ng droga sa medikal na perspektiba. Bukod dito, iginiit niya na hindi dapat inilalarawan ang mga gumagamit ng droga bilang adik, sa halip dapat silang kilalanin bilang mga People Who Use Drugs o mga PWUD.
Ipinapayo niyang mas makabubuting tawagin sila sa kanilang sariling pangalan upang tuluyang mawakasan ang diskriminasyong kaakibat ng salitang “adik.” Hinikayat din ni Banayat ang lahat na huwag matakot na humingi ng tulong sa mga pagkakataong nahihirapang kontrolin ang paggamit ng droga.
Bilang mga mamamayang Pilipino, responsibilidad ng bawat isa na maningil ng pananagutan hindi lamang mula sa kumakalabit ng gatilyo, bagkus pati rin gobyernong nagsulong ng hindi makataong sistema sa paglaban sa problema ng droga sa bansa. Sa halip na itakwil sa lipunan ang mga biktima ng droga, kinakailangang alisin ang negatibong konotasyon sa paggamit ng nito. Sa huli, higit sa hamon ng disiplina sa paggamit ng droga ang problema, nag-uugat din ito sa kahirapan at palpak na sistema ng lipunan.