Ngayong 2021, ginugunita ng UP Economics Society (UP Ecosoc), isa sa mga nangungunang socio-civic na organisasyon sa UP Diliman, ang kanilang ika-63 anibersaryo sa pamamagitan ng isang buwan na puno ng selebrasyon, na tinatawag na “Ecosoc Month.” Tuwing Setyembre, naglalatag ang UP Ecosoc ng limang makabuluhang proyekto—Launch at Gallery, Service Project, National Economics Summit, Grand Tradition at Culminating Activity—na nagsisilbing daan upang hindi lang ipagdiwang ang mga napagtagumpayan ng organisasyon sa mga nakaraang taon kundi pati na rin makatulong sa komunidad na nagsisilbing inspirasyon nito.
Sa maikling sabi, ang Ecosoc Month ay isang selebrasyon ng tagumpay at adbokasiya—ang pagpapamalas ng pangunahing tuntunin ng organisasyon, Service, Excellence, at Tradition, sa iba’t ibang paraan. Ngayong pandemya, kahit pa nabago ang plataporma ng pag-oorganisa nito ay ‘di nagbabago at patuloy pa rin ang pagpapamalas ng galing at talento at ang pagtulong sa komunidad.
Dahil dito, ipinagmamalaki ng UP Ecosoc ang kanilang bago at pinakainaabangang culminating activity na nagsisilbing fundraiser para sa sektor ng mga manggagawa sa unibersidad. Ngayong Oktubre 2 (Sabado), gaganapin ang Ground UP: Service Through Talent, isang online benefit show para sa All U.P. Workers Union, ang pangunahin at nag-iisang labor union sa loob ng buong sistema ng Unibersidad ng Pilipinas. Ito ay isang oportunidad para makatulong sa mga manggagawang nagsisilbing “backbone” ng ating edukasyon. Magsisimula ang livestream sa UP Ecosoc Month Facebook page ng ika-7 nang gabi.
Bukod pa rito, ang Ground UP ay isang pagtitipon ng maraming homegrown talents mula sa iba’t ibang organisasyon sa loob ng UP System. Magkakaroon din ng isang special performance mula kay Ebe Dancel na isa ring alumnus ng UP. Lahat ng ito ay may nag-iisang layunin—serbisyo, serbisyo para sa UP, serbisyo para sa sektor ng mga manggagawa, at serbisyo para sa komunidad na bumubuhay dito.
Abangan ang isang gabi ng serbisyo at talento! Kitakits tayo sa Ground UP: Service Through Talent!
Kung may mga katanungan, maaaring pumunta sa UP Ecosoc Month Facebook page, UP Economics Society Facebook page, o mag-send ng email sa [email protected].