PINATUNAYAN ng De La Salle University (DLSU) Viridis Arcus ang kanilang high-grade caliber na pakikipagbakbakan kontra Holy Angel University (HAU) Valiant Esports sa loob ng straight rounds, 2-0, daan upang umabante sila patungong grand finals sa University Alliance Cup Season 3 – Valorant, Setyembre 26.
Pinangunahan ng Viridis Arcus duelist na si xavi8k ang buong takbo ng laro nang makapagtala siya ng 21 kill, 18 death, at limang assist. Sa mapa pa lamang ng Bind, maaga na niyang ipinakilala ang kaniyang sarili sa kabilang koponan matapos mag-clutch gamit ang karakter na si Raze. Bunsod nito, agad na naagaw ng Viridis Arcus ang momentum ng Valiant Esports.
Maagang nahirapan sa pag-atake ang Viridis Arcus sa unang mapa ng laro na Bind matapos maunahan ng Valiant Esports sa iskor, 0-2. Agad namang nakabawi ang Viridis Arcus mula sa apat na kill ni acervus, 3-2. Sa kabila ng paghahabol ng Valiant Esports, nagpakawala ng nakamamanghang laro si xavi8k nang makakuha ng back-to-back na apat na kill na nagbigay sa koponan ng dalawang puntos na kalamangan, 5-3. Natapos ang unang kalahati ng laro sa iskor na 7-5, pabor sa Viridis Arcus.
Sa ikalawang yugto ng laro, naging mabagal ang pagpitas ng kills ng Viridis Arcus na nagbunsod sa matagumpay na pagbawi ng katunggali, 7-all. Gayunpaman, umarangkada ang talaan ng Viridis Arcus matapos ang mga clutch play ni xavi8k na nagsilbing tulay sa paglobo ng kanilang kalamangan sa tatlo, 11-8. Naitabla naman ng Valiant Esports ang iskor patungo sa overtime, 12-all. Sa kabila nito, hindi pinatagal ng Viridis Arcus ang laro matapos makakuha si acevrus ng mga back-door kill sa unang round ng overtime. Tinuldukan ng Viridis Arcus ang unang serye ng laro sa iskor na 14-12.
Binago ng Viridis Arcus ang takbo ng laro sa pagsisimula ng ikalawang mapa na ginanap sa Icebox. Bilang defenders ng mapa, nakakuha ng easy rounds ang Viridis Arcus mula sa kanilang maagang kalamangan na pinangunahan ng mga kill nina xavi8k at grossof, 2-0. Bumawi naman ang Valiant Esports nang makakuha ng thrifty at flawless rounds na naging rason sa pagtabla ng bakbakan, 3-all. Nagpatuloy naman sa pag-arangkada ang Valiant Esports matapos kumana ng back-to-back na apat na kill, 5-7.
Tinuldukan naman ng Viridis Arcus ang momentum ng Valiant Esports sa pagsisimula ng ikalawang yugto. Sinimulan ng Viridis Arcus ang kanilang pag-atake sa mapa na nagbigay-daan sa kanilang pitong magkakasunod na puntos, 12-7. Sinubukang makahabol ng Valiant Esports sa laro ngunit hindi nagpatinag ang Viridis Arcus na makakuha pa ng maraming puntos. Nagtapos ang ikalawa at huling laro ng serye mula sa highlight ace ni grossof, 13-8, pabor sa Viridis Arcus.
Susubukang sungkitin ng Viridis Arcus ang kanilang ikatlong sunod na kampeonato sa best-of-five grand final match ng UAC Season 3 – Valorant. Makahaharap ng Viridis Arcus ang koponang FEU Institute of Technology (FIT) Tamaraws sa darating na Linggo, Oktubre 3.