Pagsisiwalat sa katotohanan ng Martial Law at papel ng kabataan laban sa Historical Revisionism, pinangunahan ng 1Sambayan Youth

Banner mula sa 1Sambayan Youth

[TW: Karahasan, panggagahasa, pang-aabuso]

ISINIWALAT ng 1Sambayan Youth ang mga pangyayari noong panahon ng Batas Militar sa bansa, sa pagsasagawa ng isang talakayang pinamagatang Totoo Talks: True stories about the victims of Martial Law, Setyembre 20. Ibinahagi sa talakayan ang mga karanasan ng mga biktima ng rehimeng Marcos at ang gampanin ng kabataan laban sa historical revisionism o ang pagbabaluktot ng totoong kasaysayan para sa pansariling interes. 

Sinimulan ni Coleen Mañibo, tagapangulo ng 1Sambayan Youth, ang talakayan sa pagbibigay-diin sa gampanin ng kabataan laban sa historical distortion ng Martial Law. Aniya,   “. . . Sa ilalim ng mapanupil na administrasyong Duterte, lantaran din ang mga pagpatay, pambubusal sa boses ng mamamayan, at pagtapak sa karapatang pantao.” Pagpapatuloy niya, naging doble ang hamon sa kabataan na alalahanin at gunitain ang panahon ng Martial Law at kasabay nito, kontrahin ang diktadura at pagtapak nito sa karapatang pantao.

Bigat ng kamay na bakal

Bagamat layunin ng pagpapatupad ng Batas Militar noong 1972 na wakasan ang lumalalang banta ng komunismo sa bansa at disiplinahin ang mamamayang Pilipino, naging daan lamang ito upang mas lumakas ang kapangyarihan ng diktador na si Marcos na nagdulot ng mga kaso ng karahasan at pang-aabuso. Saksi sa pang-aabusong ito si Etta Rosales, guro mula sa Jose Rizal College, na naranasang saktan, molestyahin, kuryentehin, at patahimikin ng mga opisyal ng militar noong kasagsagan ng Batas Militar. Aniya, nagsimula ito nang bumili siya ng mga librong nakabatay sa Marxismo kasama ang kanilang drayber na isang espiya ng militar. 

Bilang bahagi ng komersyal na sektor, kaagad siyang pinalaya upang itago ang malagim na katotohanan sa Batas Militar at ipakitang sa gitna ng implementasyon nito, nakapagdudulot pa rin ito ng kasiyahan sa mamamayang Pilipino. Bunsod nang pagpapasara sa ABS-CBN noong 1974, naging mas mahirap para sa midyang isiwalat ang katotohanang maraming mag-aaral at organisasyon ang pinahirapan at nawalan ng buhay sa ilalim ng rehimeng Marcos. Makalipas ang apat na taon mula sa pagkakalaya, inarestong muli si Rosales at mahigpit siyang binantayan ng iba’t ibang ahensya ng pulis at militar. 

Bukod sa pisikal na pang-aabuso, ibinahagi rin ni Rosales ang naranasang panggagahasa sa kaniya ng mga ahente at opisyal ng militar. “Dalawa ‘yun eh. So kapag nakakulong ako sa kanilang [militar] kwarto. . . Huhubaran nila ako and they would go on top of me,” pagsasalaysay niya. Nakapanlulumo ngunit hindi rito natapos ang kaniyang sinapit nang maranasan din niyang walang awang kuryentehin habang pinatutugtog ang kantang ginagamit ng kanilang organisasyon sa pagmamartsa.

“So kinuryente nila ako and it was horrible. . . Pero ‘yung electric shock sa’kin was sort of killing me and that was when I was really screaming. And you know the tremor, the trauma nung aim nung electric shock, I could no longer control it. I could not control my body. By the end of it, I was so exhausted. Then pinatayo nila ako dun sa kwarto nila. Lupaypay na ‘ko n’on and my body was trembling continuously. . . They were trying to kill my spirit,” mapait na pagbabahagi ni Rosales.

Nakalaya si Rosales sa kamay ng mga militar ngunit tangan niya habambuhay ang sakit at bangungot na ipinaranas sa kaniya. Bitbit niya ang katotohanang sa ilalim ng Batas Militar, walang katumbas na halaga ang buhay sa mata ng rehimeng may layuning kumitil ng buhay alang-alang sa pansariling interes. 

Gayunpaman, hindi natinag si Rosales at dinala niya muli ang laban sa lansangan kasama ang iba pang kasamahang guro. Pinanindigan niya sa mga ahente ang kaniyang sinambit na kapalaran para sa mga patuloy na nagtitiwala at nagsusulong ng interes ng diktador. “We’re gonna win, you’re gonna lose. . . Because you are in the side of Marcos. There are only few of you. We are on the side of the people and that’s all of us. We are on the side of freedom and justice. We are on the side of democracy. You are on the side of one man role, of dictatorship,” wika niya bago siya makalaya mula sa kamay ng mga militar.

Bukod kay Rosales, ibinahagi rin ni Andres Bienrico Bisenio, apo ng isa sa mga biktima ng karahasan noong panahon ng Batas Militar, na naranasan din ng kaniyang lola Cora at lolo Rey Casambre na maging biktima ng ilegal na pang-aaresto at pagmamalupit mula sa armadong opisyal ng rehimeng Marcos. Habang ibinilanggo ang kaniyang lola Cora dulot ng pagtatag sa organisasyong Ugnayan ng Makabagong Guro, nakulong naman ang kaniyang lolo dahil inakusahan siyang nagdala ng armas at naging bahagi umano ng nangyaring pambobomba sa Plaza Miranda noong 1971. 

Dulot ng hindi makatarungang karanasang kaniyang narinig mula sa kaniyang lolo at lola, hinimok ni Bisenio ang kabataan na maging mas kritikal sa pag-aaral ng kasaysayan at huwag hayaang mabago at malinis ng mga pasistang katulad nina Marcos at Duterte ang kadilimang dala ng nakaraan. 

“. . . There are thousands more of Martial Law victims who have yet to tell their stories. We must, at all costs, fight against historical revisionism, and struggle to hear the voices of those who are unable to be heard,” pagpapaalala ni Bisenio.

Kasaysayan sa larangan ng edukasyon

Inilahad ni Jandeil Roperos, pangulo ng National Union of Students of the Philippines, ang kahalagahan ng pagwawasto sa mga libro ng kasaysayan. Aniya, sa mga kuwentong ibinahagi makukuha ang totoong kasaysayan at dito malalaman ng kabataan ano ang tama at mali upang hindi na maulit muli ang mga karahasan at pagmamalupit na lumaganap noong panahon ng Martial Law.

Naniniwala rin si Roperos na kinakailangang baguhin ang kasalukuyang kurikulum ng edukasyon sa bansa dahil nakaayon ito sa pansariling interes ng mga korporasyon at ibang bansa. Wika niya, nagdudulot ito ng kompromiso sa edukasyon sa pamamagitan ng pagsiksik sa mga aralin, tulad ng HeKaSi, na pinagsamang heograpiya, kasaysayan, at sibika sa loob lamang ng 40 hanggang 45 minuto bawat araw.

Dagdag pa ni Roperos, “Isang evidence din n’yan ngayon, ‘yung malala, [‘yung] Philippine history sa K to 12 program, ‘yung sa junior high school ngayon tinanggal, hindi na siya required subject. . . Sa higher education naman ‘yung CHED Memorandum Order series of 2013 ay ito ‘yung pagbawas ng GE [o] curriculum removal of Filipino panitikan and Constitution.” 

Nanindigan si Roperos na hindi sana mauwi sa wala ang sakripisyo ng mga bayani at biktima ng Martial Law na ipinaglaban ang kalayaang tinatamasa ng kabataan sa kasalukuyan. 

Hamon ng panahon

Ilang dekada na ang nakalipas mula nang dumaan ang bansa sa isa sa pinakamadidilim na yugto ng kasaysayan ngunit, maraming biktima pa rin ang hindi nakapagkakamit ng hustisya. Dahil sa patuloy na historical revisionism at distortion, mahalaga ang papel ng kabataan sa laban para sa tunay na hustisya at demokrasya. Sa panawagan ni Rae Reposar, 1Sambayan Youth Convenor, inilahad niya ang karanasan niya hinggil sa historical revisionism sa loob mismo ng kaniyang pamilya. 

Aniya, lumaki siyang pinaniniwalaang bayani si dating Pangulong Marcos dahil sa paniniwala ng kaniyang pamilya. Gayunpaman, nabatid niya pagdating ng sekondarya na walang saysay ang pagturing kay Marcos bilang isang bayani. 

“Hindi ba tama lang na madami siya dapat nagawa? Hindi ba sapat lang na madaming napatayong infrastructures? . . . During Martial Law, a lot of government money was stolen, human rights abuses took place. Women were raped, men and women were tortured, people were killed,” pagdidiin in Reposar.

Kaugnay nito, nanawagan si Reposar na huwag lamang hayaang baguhin ng mga taong makapangyarihan ang kasaysayan at huwag hayaang mabigyan ng plataporma ang mga nagsisinungaling at sinusubukang ibahin ang tunay na kasaysayan. Dagdag pa niya, kailangang panagutin ang mga nang-abusong opisyal at bigyan ng hustisya ang mga naging biktima ng  mapang-aping rehimen.

Halos limang dekada na ang nakalilipas ngunit nananatiling buhay ang mga kuwentong nagpapaalala sa pinsalang ipinaranas at iniwan ng Batas Militar sa lipunan, sa mga biktima, at sa mga pamilyang naulila. Sinisikap man na mawalan ng espasyo ang paglimot, patuloy na sinusubok ng iilan na baguhin ang katotohanan, pagtakpan ang katiwalian, at limutin ang naging paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng madilim na bahagi ng kasaysayan. Kaya sa tahasang pagbabaluktot sa kasaysayan, hinahamon ang taumbayan na lagi’t laging balikan ang katotohanan at patuloy na lumaban para sa bukas na walang panunupil at pananamantala.

#NeverAgain

#NeverForget