SINURI sa isang trial hearing ng University Student Government Judiciary Department (USG-JD) ang kasong negligence na inihain laban kay Anton Mapoy, kinatawan ng Legislative Assembly (LA) ng BLAZE2020, bunsod ng kaniyang pagliban nang walang paalam sa mga sesyon ng LA, Setyembre 15. Nakapagtala si Mapoy ng anim na unexcused absences at isang tardiness magmula nang iluklok siya noong Marso 19.
Inihain nina Katkat Ignacio, EXCEL2021, at Aeneas Hernandez, EXCEL2022, mga kapwa kinatawan ng LA, ang nabanggit na kaso. Pinangunahan naman nina Chief Magistrate Jericho Quiro, Deputy Chief Magistrate Andre Miranda, at Magistrate Reginald Bayeta IV ang sesyon. Matatandaang hindi dumalo sa plea hearing ang panig ni Mapoy noong Setyembre 10.
Lumiban muli si Mapoy at ang kaniyang counsel sa naturang pagdinig sa kabila ng mga panawagan ng USG-JD. Bunsod nito, nagsagawa ng trial in absentia ang hukuman.
Hindi pagtupad sa tungkulin
Pinangunahan ni Lunette Nuñez, lead counsel ng mga naghain ng reklamo, ang paglilitis sa kaso ni Mapoy. “Our University Student Government is founded on many principles which include representation, participatory democracy, accountability, efficiency, and efficacy in the delivery of student services,” pagbibigay-diin niya sa kahalagahan ng pagtupad sa tungkulin ng bawat opisyal ng USG.
Ipinaliwanag ni Nuñez na hindi tinupad ni Mapoy ang nakatakdang responsibilidad ng mga kinatawan ng LA na lumahok sa lahat ng sesyon ng LA, alinsunod sa Rule 4, Sek. 3 ng Rules of the LA. “Five months into his office, Mr. Mapoy already exceeded the three allowable unexcused absences for a Legislative Assembly representative,” aniya.
Tinalakay rin ni Nuñez ang paglabag ni Mapoy sa Art. 4 Sek. 3.8 hanggang 3.10 ng USG Code of Conduct and Responsibilities. Nakasaad ditong bawal humigit sa tatlo ang pagliban nang walang paalam ng mga opisyal ng USG at kinakailangan din ang pahintulot ng Executive Secretary para dito. Ganito rin ang probisyon ng Sek. 6.3.4 ng Rules of LA na magdudulot ng pagharap sa USG-JD sakaling malabag alinsunod naman sa Sek. 6.3.5.
Ipinabatid ni Nuñez na malaking isyu ang pagliban nang walang paalam sa mga kalakaran ng USG. “The doctrine of 3 unexcused absences is a staple in USG laws and jurisprudence,” paliwanag niya habang ipinapaalala ang hatol sa kasong Ignacio and Hernandez vs. Dabao.
Iginiit din ni Nuñez na nilabag ni Mapoy ang Art. 6 ng USG Constitution at Chap. 3 Sek. 7 ng USG Administrative Code na tinitiyak na tapat ang serbisyo ng mga kawani ng USG sa mga estudyante at maitataguyod ang kanilang karapatan. “He has incurred many absences that resulted in the BLAZE2020 batch unrepresented in voting, making, and proposing policies in the Legislative Assembly,” wika niya.
Samantala, binigyang-diin ni Nuñez na naging pabaya si Mapoy sa pagganap sa kaniyang mga tungkulin bilang opisyal ng USG at kinatawan ng LA. “USG officers. . . must always serve the studentry with utmost responsibility, integrity, loyalty, and professionalism,” paglalahad niya ukol sa hindi pagtupad ni Mapoy sa mga prinsipyong ito.
Pahayag ng mga saksi
Unang inilahad ni Pia Beltrano, kinatawan ng LA ng BLAZE2021 at chairperson ng Ramon V. del Rosario College of Business college legislative board (RVR-COB CLB), na tatlong beses lamang silang nagkaroon ng interaksyon ni Mapoy. Kabilang dito ang inisyal na panayam bago siya mailuklok bilang kinatawan ng LA para sa BLAZE2020, oryentasyon ukol sa LA matapos maitalaga sa posisyon, at isang pagpupulong kasama ang majority floor.
Ibinahagi rin ni Beltrano na walang nagbago sa pagganap ni Mapoy bilang kinatawan ng LA noong termino ni Giorgina Escoto, dating chief legislator, kompara sa termino ni Beltrano bilang officer-in-charge chief legislator ngayon. “He’s not the type who was active in LA. He was not the type to raise motions, create resolutions,” paliwanag niya.
Sinubukan din ni Beltrano na makipag-ugnayan kay Mapoy upang imbitahin siya sa mga sesyon ng LA at paalalahanan ukol sa mga gawain para sa RVR-COB. Ayon sa kaniya, tumugon lamang si Mapoy noong nakaraang termino upang ipaliwanag na abala siya sa kaniyang negosyo.
Dagdag pa ni Beltrano, pinaalalahanan nila si Mapoy hinggil sa kaniyang pagliban subalit hindi sila nakatanggap ng anomang tugon mula sa kaniya. Nakipag-ugnayan din siya sa mga kaibigan ni Mapoy at kay Marcus Guillermo, college president ng RVR-COB, ngunit nahirapan din si Guillermo sa pagkontak kay Mapoy.
Sa kabilang banda, ipinahayag naman ni Lara Jomalesa, kinatawan ng LA ng FAST2019 at majority floor leader, na isa hanggang dalawang beses lamang nakadalo si Mapoy sa sesyon ng LA at sa pagpupulong ng majority floor.
Kaugnay nito, binanggit din ni Jomalesa na lagi niyang pinaaalalahanan ang mga miyembro ng majority floor na dumalo sa mga pagpupulong at magpasa ng excuse letter sa Office of the Chief Legislator sakali mang liliban sa sesyon ang mga kinatawan ng LA.
Ikinuwento rin ni Jomalesa na tumugon si Mapoy sa kaniya noong Agosto 12 nang ipaalala niya ang inilatag na kaso sa USG-JD laban sa kaniya. Ipinaalala muli ni Jomalesa ang hearing noong Setyembre 7 ngunit nagpasalamat lang si Mapoy bilang tugon. Samantala, wala nang natanggap na tugon o anomang pahiwatig si Jomalesa nang ipaalala niya muli ang hearing noong Setyembre 14.
Samantala, hindi nakadalo ng hearing ang dalawa pang saksi sa panig nina Hernandez at Ignacio. Ayon kay Nuñez, nagkaroon ng family concern si Giorgina Escoto, dating chief legislator, habang wala namang internet connection si Kali Añonuevo, chairperson ng komite ng National Affairs sa LA. Paalala ni Miranda, “Affidavits cannot be considered as credible evidence.”
Bunsod nito, ipinahayag ni Quiro na hindi na kikilalanin sa hukuman ang pahayag nina Escoto at Añonuevo.
Paglilitis ng hukuman
Inilahad naman ni Nuñez sa kaniyang pangwakas na pananalita na malaking responsibilidad ang maging opisyal ng USG subalit ipinabatid niyang walang kawaning pinilit na tanggapin ito. “Public service is [voluntary] but if one decides to undertake this path, one must put their all in giving their best for their constituents,” giit niya ukol sa kapabayaan ni Mapoy sa kabila ng pagtanggap niya sa posisyong maging kinatawan ng LA.
Ipinahayag din ni Nuñez na mababatid sa mga pahayag nina Beltrano at Jomalesa na tila walang balak si Mapoy na panagutan ang tungkulin niya bilang kinatawan ng BLAZE2020 sa LA. “This is detrimental to the USG’s principle of representation, participatory democracy, accountability, efficiency, and efficacy in the delivery of student services,” paliwanag niya.
Sa kabilang dako, naniniwala naman si Ignacio na impeachable ang kaso ni Mapoy bunsod ng isiniwalat na ebidensya ng kanilang lead counsel at mga saksi. “We are given the relief to send excuse letters. While holding others accountable, it is important that the welfare of all students are safeguarded,” katuwiran niya.
Bilang pagtatapos, ipinaalala ni Quiro na isasagawa sa Setyembre 17, ngayong araw, ang pagdinig sa magiging hatol para sa kaso ni Mapoy.