May takot na nadarama sa tuwing lumalagpas sa kasalukuyan at sumisilip sa kinabukasan ang tanaw ng isang tao. May pangambang bumabalot sa kaniya sapagkat walang kasiguraduhan ang kinabukasang kaniyang madadatnan. Ngunit, sa bawat hakbang na tatahakin at bawat pisong gagastusin, may pangarap na unti-unting masisimulan at mabubuo. Hindi man klaro ang plano para sa kinabukasan, pihadong may patutunguhan.
Upang tulungang humakbang tungo sa kinabukasan ang mga estudyante ng Pamantasang De La Salle (DLSU), pinamunuan ng Young Entrepreneurs’ Society (YES) – DLSU ang Starpreneur na isinagawa noong Setyembre 10, ika-1 ng hapon. Layunin nitong bigyang-linaw at kumpiyansa ang mga dumalo para sa kanilang kinabukasan. Upang pagkuhanan naman ng gasolina para sa byaheng tungo sa pangarap, inimbitahan ng YES ang mga tagapagsalita na dati ring mga mag-aaral ng DLSU upang ipabatid sa mga dumalo ang karanasan nila sa pagtatayo ng negosyo.
Pasikot-sikot ng negosyo
Walang katiyakan ang daanang tinatahak—madilim at hindi maaninag ang direksyong patutunguhan, kaya nagsilbing bituing nagbibigay-liwanag ang Starpreneur lalo na sa mga estudyanteng nagnanais na magkaroon ng sarili nilang negosyo.
Kinapapalooban ng sandamakmak na proseso ang pagbuo ng isang negosyo kaya’t bago sumabak sa mundong ito, mahalagang maunawaan muna ang iba’t ibang trabaho sa loob nito. Isinalaysay ni Mariel Rodriguez Padilla ang kaniyang mga naenkuwentrong karanasan sa pagpapalakad ng kaniyang negosyo na Cooking Ina Food Market. Nagsimula ito sa kaniyang hilig sa pagkain ng steak at dito, nagamit niya ang 30-year-old recipe na ipinamana ng kaniyang lolo. Bilang panimula, ipinaliwanag ni Padilla na ngayong taon siya nagsimulang magpalakad ng kaniyang sariling negosyo, sapagkat napagtanto niyang naaayon ang mga home-based na pangkabuhayan sa kasalukuyang pandemya, sa kadahilanang nasa loob ng kani-kanilang tahanan ang halos lahat ng Pilipino. Binigyang-diin din niyang mas nakagagaan din ito sa kaniya bilang isang nanay dahil naaalagaan pa rin niya ang kaniyang pamilya.
Upang mabigyang-linaw naman ang mga gawain sa loob ng isang negosyo, inilahad ni Padilla na nangunguna siya sa pag-aayos ng kabuuang proseso sa pagpapatakbo nito, mula sa paglilista ng order, pakikipag-usap sa mamimili, hanggang sa pagpapadala ng mga produkto. Ngunit, naging kaakibat ng aktibong pamamalakad ang paghihirap. Hindi naging madali ang kaniyang pamamahala rito lalo na’t ito ang una niyang negosyo. Kaakibat ng pagpapatakbo ng negosyo ang pagkakaroon ng mga pagkakamali pagdating sa pagsusulat ng order, pagpapadala ng mga order, pagkuha ng suplay, at pakikipag-usap sa mga konsyumer. Dumagdag pa rito ang pressure na dala ng pagiging kilalang tao sa publiko dahil ‘di maipagkakailang konektado ang kaniyang negosyo sa imaheng kaniyang nabuo sa industriya ng showbiz. Sa kabila nito, mayroon ding benepisyo ang pagiging artista sa kaniyang negosyo dahil mas pinadali at pinalawak nito ang promosyon online sa pamamagitan ng Facebook at Instagram. Lubos na malaki ang naitulong nito dahil aniya, “. . . word of mouth is very important.”
Hinimok niya rin ang mga manonood na ngayon na ang tamang oras upang bumuo ng negosyo. Hindi dapat katakutan ang pagkakaroon ng mga pagkakamali at pagpalya dahil paraan ito upang masanay rito. Bilang pagtatapos, ibinahagi niya ang payong makatutulong sa mga nagbabalak bumuo ng negosyo, “. . . kailangan ikaw mismo you like your product, kailangan ikaw mismo you believe in your product. . . hindi ‘yung parang nahihiya ka doon sa product mo.”
Sunod namang nagbahagi si Enchong Dee, kilalang artista at entrepreneur. Sinimulan niya ito sa pagkuwento ng kaniyang buhay bilang isang estudyante, atleta, at artista. Sa edad na 17 taong gulang, pinagsasabay niya ang mga ito upang makatulong sa kaniyang pamilya at bilang paghahanda na rin para sa hinaharap. Kaya naman, upang makadagdag-tulong, sinubukan din niyang mag-invest at magpatayo ng mga negosyo. Sinimulan niya ito sa pagpapatayo ng isang kompanya na nakatuon sa pagpapatayo ng tahanan—ang Sky Rocket 88 Realty Corporation. Bagamat hindi ito ang kanilang unang plano, kinailangan niyang gumawa ng pagbabago alinsunod sa sitwasyong kinahaharap. Sa kasalukuyan, mayroon na siyang 14 na business ventures; ilan na rito ang Peri-peri Charcoal Business, at dragon fruit at shrimp farm. Bukod pa rito, shareholder din siya ng Potato Corner sa Thailand at responsable sa fund management para sa mga nagbabalak na magnegosyo.
Nagbigay ng mga paalala si Dee ukol sa mga nararapat umanong isaisip ng bawat estudyanteng nagbabalak ding magtayo ng sarili nilang negosyo. Ipinaalala niyang mahalaga ang pangangalaga sa kalusugan na susi upang makapag-isip nang mabuti at makagawa ng trabahong kinakailangan. Dagdag pa rito, nararapat ding malinaw ang priyoridad sa buhay at may maayos na time management, sapagkat hindi dapat mahadlangan ng iba’t ibang gawain ang inilatag na layunin; sa halip, magkaroon ng disiplina sa mga nararapat na unahin.
Sa kabila ng tagumpay na tinatamasa, may mga pagkakataon ding nakaranas siya ng pag-aatubili at iba pang mga pagsubok katulad ng pagtitimbang kung dapat pa bang ituloy ang negosyo o hindi. Tuwing nasasadlak sa ganitong sitwasyon, binigyang-diin ni Dee ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga kasama. “You’re not superman. Allow yourself to be helped by others. Business partners, directors, road managers–they balance me. I made sure that they are better than me,” aniya. Sa huli, ipinaalala niyang hindi karera ang buhay at may pagkakataong hindi magiging matagumpay ang ating mga plano o hindi agaran ang pagtupad nito. Gayunpaman, nararapat tandaang mahalaga rin ang prosesong ito sa pagkatuto.
Puhunan ng buhay
Hindi madali ang pagnenegosyo, kaya naman hindi lahat nagagawang maging matapang upang subukan ito. Gayunpaman, naniniwala sina Padilla at Dee sa kakayahan ng isang nangangarap na negosyanteng magpunyagi sa kabila nito. Sa larangang napupuno ng kompetisyon, ipinaalala nilang higit na kinakailangang magtiwala sa sarili at sa produkto. Dagdag pa rito, kanila ring idiniin ang kahalagahan ng pagbabalanse ng oras upang hindi mapabayaan ang iba pang gampanin sa buhay maliban sa pagiging negosyante. Mahirap man ang ganitong uri ng pagbabalanse, pinatunayan nina Padilla at Dee na kayang higitan ang mga pagsubok kapag kaakibat nito ang pagmamahal para sa trabaho.
Matalas na pag-iisip at nag-aalab na puso—ito ang sikreto ng isang entrepreneur. Hindi man maiiwasan ang mga problemang kahaharapin, nagbibigay-lakas ang pagmamahal na tangan para sa negosyo upang patuloy na magsumikap. Oras, pagod, at dedikasyon—sa negosyo, hindi lamang pera ang ipinupuhunan, kundi ang buong pagkatao.