Isang minuto na lamang. Pabilis nang pabilis ang pagdaloy ng dugo sa aking katawan. Tatlumpung segundo bago ko masilayan ang panibagong mundo. Sampung segundo bago ko makamtan ang kalangitan. Isa, dalawa, tatlo . . . narito na ang panibago ninyong kanta! May hatid itong panibagong saya sa aking damdamin. Dala ng init ng sandaling ito, samu’t saring emosyon ang aking nadarama, at sa dami ng nais kong sabihin, tanging “mahal ko kayo,” na lamang ang nakuha kong sambitin.
Sumasabay ang pagpintig ng puso sa bawat bitaw ng nota, tila ba isinisigaw nitong “narito ako at naiintindihan ko ang iyong nararamdaman,” kaya mula sa pagbili ng mga kagamitang may kinalaman sa inyo, hanggang sa paglipad sa kabilang bahagi ng mundo, marinig at masilayan lamang kayo sa inyong mga konsiyerto, naroroon ako bilang pagsuporta. Sinusubaybayan ko ang inyong bawat galaw dahil para sa akin, kayo ang pagsasatao ng pag-ibig at ligaya.
Marami man ang hindi nakaiintindi sa komplikado nating relasyon, marami-rami na rin naman ang nakauunawa. Higit pa sa inspirasyon, nang dahil sa aking paghanga sa inyo, binigyan ninyo ako ng panibagong pamilya — pamilyang nagpapanatili sa apoy na inyong pinasimula.
Dahilan sa pagsiklab
Sa simpleng pakikinig lang naman talaga nagsisimula ang lahat; ngunit maya-maya lamang, kapag umabot ka na sa hangganan ng iyong pag-usisa, hahanap-hanapin mo na ito, at kapag dumating ka na sa puntong bahagi na sila ng iyong pang-araw-araw na pamumuhay, wala ka nang kawala.
Mula sa kaniyang sariling mga karanasan, ipinahayag ni Mickaela Yngson, mag-aaral sa Pamantasang De La Salle (DLSU), ang personal niyang koneksyon sa iniidolong grupo na BTS. Bunsod ng nakaaaliw nilang pag-indak at nakakaantig nilang mga kanta, ilang milyong tao ang nahumaling at tuluyan silang sinuportahan hanggang sa unti-unti nilang pag-angat sa industriya ng musika. Ngayon, isa na sila sa mga pinakasikat na mang-aawit ng ating panahon. Mula sa bansang South Korea, naabot ng kanilang mga kanta ang iba’t ibang bahagi ng mundo.
“One of my YouTube recommendations was Fire . . . I’m a really avid fan of cool dances kasi I used to be a dancer . . . Iba yung energy nila kahit na sa screen mo lang pinapanood,” ani Yngson. Bagamat ang kanilang mga sayaw ang nakapukaw ng kaniyang atensyon, mas umalingawngaw sa kaniyang damdamin ang kanilang mga awiting nagpapabatid ng ginhawa at kahinahunan. “Even if no one loves you, at least you should love yourself — and that’s what made me cry the most,” paglalarawan nito sa isang kanta ng grupo na pinamagatang Epiphany. Isinalaysay niyang tuwing nakararamdam siya ng matinding kalungkutan—mga panahong tila ba binabalot siya ng madilim na mga ulap—ginagawa niyang sandalan ang mga kanta nilang Forever Rain at Save Me.
Isa rin sa mga naging tema ng grupo para sa kanilang diskograpiya ang “The Most Beautiful Moment in Life” na naglalaman ng mga awiting patungkol sa mga karanasan ng grupo bilang tipikal na mga binatilyong nakikipagsapalaran sa mundo. Pinuri ni Yngson ang grupo dahil tumagos sa kaniyang damdamin ang kahulugan ng mga kantang nakapaloob sa nasabing tema dahil tugma ito sa sarili niyang karanasan. Ani Yngson, “Save Me was one of my fave songs at that time, that was one of the songs that hooked me to BTS, ‘cause I resonated with that song the most, especially since I was going through a lot din.”
Matatagpuan pa rin ang katangiang ito sa pinakabagong likhang album ng grupo na pinamagatang “Be” na tungkol naman sa kanilang karanasan sa gitna ng pandemya, “That’s a life story and a discography eh, that’s what’s so beautiful about it,” bulalas niya.
Malaki ang parteng ginagampanan ng social media sa mga ginagawang aktibidad ng mga fan. Karaniwang mayroong “stan account” ang mga dedikadong fan upang suportahan ang kanilang mga iniidolo, at ito rin ang isa sa mga malalaking dahilan sa pagkabuo ng komunidad ng mga fandom. Naging salik ito sa pagpapatindi ng kanilang paghanga dahil nagkakaroon sila ng espasyo upang mapag-usapan ang kanilang damdamin. Kuwento ni Yngson, “Hindi ako nag-stan account until the year after kasi I was still shy about expressing my feelings. Pero you know what, I kinda wanna talk about it. I’ll have a safe space.” Nang maging komportable na siya sa espasyong kaniyang ginagalawan, nagsimula na rin siyang bumili ng mga merchandise tulad ng mga album at concert tickets, na pinag-iipunan niya mula sa mga natatanggap niyang allowance. Bukod pa rito, nakasanayan na rin niyang subaybayan ang mga aktibidad ng BTS at mag-stream ng mga kanta nito, lalo na kapag mayroong bagong labas.
Alinsunod sa kasikatan ng grupo, lumawak din ang sakop ng industriya ng K-pop at malinaw ang pag-usbong ng industriya sa mga nilalabas na pandaigdigang music charts. Gayunpaman, marami pa rin ang hindi kombinsido sa kakayahan ng mga grupong nasa industriya ng K-pop, marahil sa kadahilanang maraming hindi pamilyar sa kanilang wikang inaawit. Sa panahong nakilala ni Yngson ang grupong BTS, naalala niyang kasabay ito ng kasikatan ng kantang Despacito, na nasa wikang Kastila, kaya naman giit niya, “I think it’s only fair that I give other languages a chance.”
Bukod sa kaibahan ng wika, isa pang panghuhusgang ibinabato sa K-pop fandom ang “kabaklaan” umano nito. Ani Yngson, “Because of the Western perspective of how men should be, anything related like even an ounce of [femininity], is gay to them,” at dahil sa patuloy na paghamon ng mga K-pop group, tulad ng BTS, sa estereotipong pamantayan ng kalalakihan, madalas nitong nakababanggaan ang mga kinagisnan nating pag-unawa sa itsura ng tipikal na kalalakihan.
Nakikita ni Yngson na malaki pa rin ang pangangailangan ng bansa sa mga asignaturang tumatalakay sa sex education upang maging mas bukas ang isipan ng lipunan sa usapin ng ekspresyon ng kasarian. Matatandaang nag-trending noon ang mga katagang “BTS Biot” na naging daan upang maging tampulan ng panunukso at panghuhusga ang grupo. “The fact that it became as big as it was, that’s where I got really sad na this is the reflection of them to our country,” pagpapahayag niya.
Binigyang-pansin din ni Yngson ang negatibong pagtingin sa mga tagahangang kabilang sa isang fandom, partikular na sa mga fandom na tulad ng K-pop, “Western media . . . sees us fans as crazy teenage girls, parang ganun, pero ang dami namang pera ng crazy teenage girls, nagse-sell out ng stadium, Sis.” Dagdag pa ni Yngson, hindi patas ang ganitong paglalarawan, sapagkat sa ibang klase ng fandoms tulad sa isports, maging sanhi man sila ng kabulastugan gaya ng mga away o kalat sa kalsada matapos ang isang laro, mapagpaimbabaw na tinatanggap ito ng lipunan bilang normal. Kaya naman pakiusap ni Yngson, “We’re not asking you to like us, of course . . . so don’t judge us for liking things, we’re not judging you for liking your things also.”
Mainit na pagsasama
Sa dami ng kaguluhang nangyayari sa mundo, natural na maghanap tayo ng makakaramay at masasandalan, gaya ng ating pamilya. Para sa ilan, ang yakap ng mga kadugo ang nananatiling matimbang, ngunit para naman sa iba, nagmumula ito sa isang gawa-gawang pamilya. Sa kabila ng lahat ng pagkakaiba, napagbuklod-buklod ng simpleng paghanga ang isang fandom. Inihayag ni Russell Santos, isang propesor sa DLSU, ang sikolohiyang pananaw sa mga sosyal na organisasyong tulad ng fandoms, “Maituturing natin siya as parang komunidad kung saan ang mga tao ay members ng community na . . . nagsu-subscribe sa isang common na interest.”
Bilang isang komunidad, nananatiling buhay ang pakikipagkapwa ng mga miyembro ng fandoms dahil sa mga aktibidad na isinasagawa, ayon sa klase ng midyang kanilang kinokonsumo. Malaki rin ang sikolohikal na gantimpalang naidudulot ng pakikiisa sa mga fandom dahil nakatutulong ito sa mga fan na mapanatiling nasa mabuting kalagayan ang kanilang kalusugang pangkaisipan, “I think aside from being able to provide us with good quality entertainment, it helps us keep our sanity, lalo na in this situation, in the pandemic ‘di ba, ang daming mga tao who suddenly become fans,” ani Santos.
“This is actually backed up by research na they found out that people who were fans or part of a fandom had higher levels of global citizenship,” pagpapaliwanag ni Santos. “Akala natin na ‘pag fan ka, you just passively consume media, pero hindi eh, it promotes activism and promotes you being able to take that social responsibility and channel it into something good,” pagpapatuloy niya. Maaaring isa na ring dahilan ang pakikisimpatya ng mga miyembro ng fandoms sa mga isyung panlipunan kaya nabuo ang mga proyektong tulad ng “#MatchAMillion” na inorganisa ng mga tagahanga ng grupong BTS upang tapatan ang $1 Milyong donasyon ng grupo sa Black Lives Matter (BLM) Movement. Sa katunayan, ibinahagi rin ni Yngson na mayroong nabubuong mga organisasyon sa loob ng fandom na nakatutulong sa pag-unlad ng mga personal na buhay ng fans, “There’s even accounts helping each other, like BTS ARMY School, BTS Tutoring, BTS Job ads, mga ganun.”
Bukod sa mga nabubuong pagpapahalaga dulot ng pakikisalamuha sa mga kapwa fan, mahalaga rin ang paglubog sa mga materyal na kinokonsumo ng fandom dahil nagiging daan ito upang mapagtanto at mapagtibay ang kanilang responsibilidad sa lipunan. Maraming kanta sa industriya ang may nakapaloob na mensaheng politikal, tulad na lamang ng “Am I Wrong?” ng BTS na binigyang-kahulugan bilang protesta sa pangmamaliit na isinagawa ng isang politiko sa mga mamamayan ng South Korea noong 2016; mayroon din itong pagtukoy sa naging kapabayaan ng pamahalaan ng South Korea sa pagresponde sa paglubog ng Sewol Ferry na ikinamatay ng marami. Naglalaman din ang kanta ng pag-udyok sa mga mamamayan na maging mulat sa mga isyu sa lipunang nararapat bigyang-pansin. “They reflect kung ano nangyayari sa society natin . . . so because of that, they get to reinforce their own principles and their values, and they get the urge to do something and help to resolve whatever concerns out there,” pagbabahagi ni Santos.
Hindi naman maikakailang mayroon ding mga negatibong dulot ang pakikiisa sa mga fandom. Nariyan na ang mga pagkakataong madali silang nadadala sa kanilang mga emosyon, lalo na pagdating sa mga bagay na pinamuhunan ng oras, pera, at koneksyong emosyonal. Bunsod nito, nagkakaroon ng mga pagkompara sa kanilang hinahangaan at sa hinahangaan ng iba — umaabot sa puntong nagkakaroon na ng sakitan sa personal na aspekto, tulad ng pagbitiw ng mga ad hominem na pahayag. Kaya naman payo ni Santos, “I think it’s still important na we become vigilant not to go overboard, na hindi na siya magta-transfer sa ibang aspects of our lives.” Kahit pa simpleng taganood ka lamang ng mga nagaganap na fanwars, maaari pa rin itong magdulot ng stress; para naman sa nakikisangkot sa fanwars, mas matindi ang negatibong epekto nito dahil wala naman itong magandang dulot sa kanilang emosyonal na kapakanan. Samakatuwid, nararapat magnilay ang mga fan sa mga aktibidad na kanilang kinabibilangan upang hindi sila malihis mula sa aspekto ng fandom na nakabubuti sa kanila at sa lipunan.
Pagpapanatili ng alab
Malaking bahagi ng aking buhay ang aking paghanga sa inyo; nagsilbi itong kislap upang mapaliyab ko ang mga kakayahan kong hindi pa kailanman nakuhang sumiklab, gayundin, upang maisiwalat ko ang iba’t ibang posibilidad sa paghubog ng aking pagkatao. Maaaring panandalian lamang ang lahat ng masigabong palakpakan, nakabibinging hiyawan, at kasikatang mararanasan ninyo, ngunit para sa maraming kagaya ko, buong buhay kong dala ang lahat ng aking pagkatuto sa pagiging tagahanga ninyo.
Sa tagal ng ating pinagsamahan, natuto akong ipasawalang-bahala ang mga mapanghusgang mata. Tanging kayo lamang ang aking naging sandalan sa mga gabing mugtong-mugto ang aking mga mata; kayo ang aking kasama sa bawat panahon ng ngiti at ligaya. Kaya hindi na mahalaga anoman ang sasabihin nila, wala namang masama sa pagiging tagahanga.