Tila sinagtaon na ang layo ng mga alaalang malimit na binabati ng pagkasabik na muling maramdaman ang sagsag-kumahog ng paliparan at ang mga kuwentong kalakip ng paglalakbay. Mula sa dumadagundong na pagbati ng gulong ng mga eroplanong patungong kalangitan, hanggang sa mahalimuyak na aroma ng tindang kapeng sumasakob sa paligid habang masinsinang naghihintay ng pag-anunsyo ng oras ng paglipad. Walang kapantay ang nararamdaman ng isang nagnanais makaluwas at makalakbay upang manamnam ang iba’t ibang kultura’t lugar; subalit sa halip na magalak, matinding himutok ang dulot ng pagbabalik-tanaw.
Inihandog ng Lasallian Youth Orchestra (LYO) ang konsiyertong Forte 2021: A Cloud Nine Musical Experience noong Setyembre 10 at 11, na ipinalabas sa AnimoSpace para sa mga estudyante ng Pamantasang De La Salle, at sa mga social media platform na YouTube at Facebook para sa masa. Sapagkat “paglalakbay” ang napili nilang tema para sa konsiyerto, nakipagsosyo ang LYO sa Blas Ople Policy Center and Training Institute, isang samahang non-profit na nagtataguyod sa mga karapatan at kapakanan ng mga migranteng manggagawa at mga OFW. Kaugnay nito, ibibigay sa organisasyon ang 10% ng pondong naipon mula sa palabas.
Bagamat nasa kasagsagan ng mistulang perpetwal na pagkakulong sa loob ng mga silid, nabigyang-liwanag ang pag-aasam na maranasan muli ang banayad na mga damdaming nagmamanipesta lamang sa mga nakaambang paglalakbay. Puno ng sigla at kakatwang imahinasyon; samu’t saring tono ng mga kultura sa bawat tagingting ng nota at dagok ng ritmo ang nagsilbing pakpak ng diwa ng mga manonood tungong alapaap, sakay ng himig ng sasakyang panghimpapawid ng LYO, ang Airline Sol. Sagana sa puspos na pasyon ang talentong bumabalot sa bawat kamay na nagbibigay-direksyon patungo sa mga destinasyong itinala ng mga himig mula sa kanilang mga pusong masisigasig. Sa temang paglalakbay, nagawa nitong payabungin muli ang mga gunitang pagbiyahe ng mga Lasalyano na tila nabaon na ng panghihinayang sa mga oras na naligaw dulot ng pandemya.
Indayog sa himpapawid
Malimit na sumasalamin sa isang bansa ang kalakip nitong mga himig na may kakaibang katangiang madalas napagtatagpi sa kultura ng lugar. Samakatuwid, nagagawang paugungin ng musika ang mga likas na tonong bukod-tangi sa isang kolektiba. Nabigyang-diin ng Forte 2021 ang konseptong ito sa pamamagitan ng malikhaing pagbuo ng isang kathang-ilusyon na tila nagdala sa mga manonood sa iba’t ibang lugar gamit ang ekspresyon ng musika, at imahinasyon ang puhunan.
Sa paglipad ng Airline Sol, binati ng mga piyesang mayumi’t malumay mula sa Panahong Baroque at Romantic ang mga manlalakbay upang paigtingin ang sigasig ng kanilang mga tainga sa nakaambang bakasyon. Pinamunuan ng mga soloista ang mga piyesa nina Frédéric Chopin, Sergei Rachmaninoff, at Johann Sebastian Bach sa pagtakda ng tono ng abenturang dadanasin habang nasa kalangitan. Tila nirerepresenta nito ang malumanay na pagliliwaliw ng sasakyang panghimpapawid na inihalintulad sa bawat hakbang ng mga nota at kabuuang indayog ng mga piyesa.
Itinuloy ng group recitalists ang pagpukaw sa atensyon ng mga pasaherong nananabik na makarinig ng samu’t saring kuwento mula sa iba’t ibang pangkontemporaryong genre. Ipinakitang-gilas ng mga grupo ang kanilang husay sa pagtugtog ng sari-saring instrumento upang makabuo ng isang tapiserya ng mga tinig na tatatak sa mga diwa ng mga pasahero.
Sinimulan ito ng pamilyar na rendisyon ng isang balada na pinamagatang “Sana Maulit Muli” na pinasikat ni Gary Valenciano; tinugtog ng mainit na tono ng saxophone ang pangunahing himig ng nasabing awitin. Matapos nito, pansamantala namang nagbalik-tanaw sa ika-20 siglo ang isang grupo sa pamamagitan ng pagbibigay-buhay sa piyesa ni Eduard Mollenhauer na pinamagatang “The Boy Paganini” na nagparinig ng mahusay na pagduyan ng matitinis na nota ng biyolin at ang maragsang saliw ng piano.
Nabigyang-daan ding maparinig ang mga himig mula sa bansang Japan. Ang “One Summer’s Day” ni Joe Hisaishi mula sa pelikulang “Spirited Away” at ang “Kawake no Ameku” ni Minami mula sa animé na “Domestic Girlfriend” ang ipinarinig ng dalawang grupo. Naipakita nito ang kakaibang kalidad ng musika na kalakip ng pop culture na tinatangkilik ngayon ng kabataan.
Tumungo naman sa mga pangkontemporaryong tinig ang mga grupo sa pamamagitan ng pagpapakilala sa mga makabagong tunog na gumagamit ng synthesizers at electric piano, na tila liksi ng ritmo ang siyang nagbibigay ng kakaibang pakiramdam. Isang suwabeng rendisyon ng “Sniff” nina DOMi at JD Beck ang ipinadama ng isang grupo, na nagpamalas ng kanilang husay sa pagtugtog ng nakahuhumaling na ritmo ng modern jazz. Kalakip din ng makabagong tunog na ito ang awiting pinasikat ni Miki Matsubara na pinamagatang “Stay With Me” at ang matinding pang-agaw atensyon ni ANOMALIE na “Velours.” Nagawa nitong pagtagpiin ang mga tradisyonal at makabagong instrumento sa pagbuo ng mga piyesang mapang-anyaya sa paggalaw.
Tinig ng iba’t ibang kultura
Matapos mabigyan ng masisigasig na pagtatanghal sa himpapawid, unti-unting nasilayan ang mga itinalang destinasyon. Sa halip na inip ang maramdaman, patuloy pa ring nabibigyang-ginhawa at aliw ang mga pasahero ng Airline Sol dulot ng mga nakahihimok na himig ng alapaap. Kaya naman, bago tumangkilik ng ibang mga kultura, bilang paalala sa pinanggalingan, inihanda muna ang mga bantog na piyesang pamilyar sa mga Pilipino na nakikinig. Mula sa sikat na grupo na Ben&Ben, tila hindi kapani-paniwalang marinig ang mala-anghel na rendisyon ng mga awiting “Maybe the Night,” “Araw araw,” at “Kathang Isip” sa pamamagitan ng paggamit ng mga tradisyonal na instrumento o orchestral instruments.
Sa nakaambang pagdaan sa mga destinasyon, unang nasilayan ng mga pasahero ng Airline Sol ang bansang Japan. Isa nang malaking bahagi ng kultura ng Japan sa panahon ngayon ang mga video game sapagkat tanyag ang bansang ito pagdating sa paggawa ng mga elektronikong libangang-panlaro. Malimit na nakikita ang mga tema, karakter, at tauhan ng mga bantog na laro sa iba’t ibang lugar sa bansa, tulad ng mga café, restaurant, at mga gusaling panlibangan tulad ng video game arcades. Tila kahit saan lumingon ang isang nagliliwaliw, makikita ang pag-asimila ng mga ito sa pang-araw-araw na kultura ng mga Hapon. Mga mala-elektronikong tinig ng “Rainbow Road Theme” ng Mario Kart Nintendo 64, “Decisive Battle II” ng Octopath Traveler, at “Undertale” ng Megalovania na isinalin para sa mga orchestral instruments ang mismong nagdala sa mga pasahero sa isang makulay at mailaw na arcade sa Japan, na bumuhay rin sa mga alaalang pagtitipon ng kabataan upang malibang sa iba’t ibang palaruan. Mula sa sigasig ng mga aktibong nota at ritmong tinugtog, napadama muli sa mga pasahero ang mga tema ng aksyon, asta, at liksi, na malimit kalakip ng atmospera ng isang arcade sa Japan.
Natanaw sa sumunod na destinasyon ang makukulay na pistang nakaabang mula sa bansang Brazil. Malayo man, damang-dama ang marubdob na mga tono ng kantang “Mamãe Eu Quero” na isinulat nina Vicente Paiva at Jararaca. Sa sigla ng mga tinig na karaniwang naririnig sa mga latin fiesta na prominente sa Brazil, tila naiparating nito ang imahen ng pagkakaroon ng mga nakatatakam na pagkain sa iba’t ibang hapag sa ilalim ng makukulay na dekorasyon, habang nakadungaw ang mga nakikilahok sa kani-kanilang mga bintana’t sinisilayan ang nagmamartsang banda. Bukod sa masisiglang himig, napaalalahanan ang magpapamilya’t magkakaibigan sa mga gunitang nagbibigay-ligaya sa bawat segundong lumilipas.
Pinagpatuloy ng Airline Sol ang paglalakbay pabalik ng Asya. Sinalubong ng malalakas at nakaaaliw na tinig ang mga pasaherong nananabik sa masusugid na ritmo ng South Korea. Nabigyang-pansin ang genre ng K-Pop simula noong dekada-90 na tuluyang sumikat dulot ng enerhiya ng mga awitin at nagtulak dito tungo sa pagiging global sensation. Naimpluwensiyahan ng iba’t ibang genre ang K-pop, tulad ng jazz, rock, at hip-hop, upang mabuo ang kanilang bukod-tanging tunog na nag-udyok ng maraming paggaya at pagsalin. Tila nadala ang mga pasahero sa isang malaking stadium na punong-puno ng mapupusok at naghihiyawang mga manonood, sa pamamagitan ng mga rendisyon mula sa SM Entertainment, tulad ng “Love Shot” ng EXO, “4 Walls” ng f(x), “Peek-A-Boo” ng Red Velvet, at “Superhuman” ng NCT 127.
Matapos sumabay sa alon ng maliliksing nota ng mga awitin mula sa South Korea, nagwakas sa Pilipinas ang paglalakbay ng Airline Sol. Bilang isang engrandeng huling hirit, nagbalik-tanaw ang mga tinig sa panahon ng disco fever noong dekada-70, sa mga tanyag na awiting “Awitin Mo, Isasayaw Ko,””Rock Baby Rock,” at “Tayo’y Magsayawan” ng VST & Co. Tila naiangat muli ang makikinang na disco balls, naisuot ang mga damit mula sa baul ng gunita, at nabanat ang matutunog na butong sabik na maranasan ang sigla ng nakaraan. Sa estilo ng kanilang pagkatugtog, ang rendisyong ito ang nagsilbing time machine para sa mga nakababatang pasahero upang maranasan nila ang nakahuhumaling na nightlife noon.
Pagdaong sa lupa
Mula sa banayad na pagliliwaliw sa himpapawid, hanggang sa makukulay na kulturang mapang-anyaya, musika ang nagtagpi ng mga pagsasalaysay ng bawat notang ipinabatid ng LYO. Sa pagdahan-dahan ng ritmo ng makina ng Airline Sol, handa nang lumapag ang sasakyang panghimpapawid at manahan ang mga kuwento ng mga tinig ng alapaap sa memorya ng bawat pasahero.
Matapos masilayan at mapakinggan ang mga tono ng iba’t ibang kultura, walang alinlangan na isang makapangyarihang instrumento ng imahinasyon ang musika. Nagagawa nitong pukawin ang isipan, palawigin ang pandinig, at bigyang-porma ang mga kathang-isip na imaheng magdadala sa diwa tungong alapaap at sa malalaom na lugar habang nakapikit at iniisip ang mga gunitang paglalakbay.