Sa likod ng mga inisyatiba: Mga natatanging organisasyon at estudyanteng lider, kinilala sa Lasallian Excellence Awards

BINIGYANG-PARANGAL sa Lasallian Excellence Awards (LEA) 2021 ang mga organisasyon sa ilalim ng Council of Student Organizations (CSO) at mga estudyanteng lider nito upang kilalanin ang kanilang natatanging kontribusyon sa ngalan ng serbisyo sa Pamantasan at sa bayan, Setyembre 11. Layon ng LEA na magsilbing inspirasyon upang maging mas aktibo ang mga Lasalyano sa pagsusulong ng pagbabago. 

Isinagawa naman ang panel discussion noong Setyembre 9 upang ipasulyap ang mga kinaharap na hamon at natutunang aral ng mga Lasalyano na nanguna sa paggawa ng mga aktibidad at programa.

Kaugnay nito, hangad din ng LEA 2021 na makatulong sa paghubog ng mga lider ng hinaharap. Isinakatuparan naman nila ito sa pamamagitan ng pamimigay ng school supplies sa mga estudyante ng Dr. Benigno Aldana Elementary School, mula sa nalikom na pondo sa kanilang isinagawang online raffle.

Tungo sa tagumpay 

Sinimulan ni Tomas Santos, tagapamahala ng LEA, ang talakayan sa pagpapahalaga sa taos-pusong paglilingkod ng mga estudyanteng lider sa kabila ng pandemya. Hinimok din ni Santos ang mga Lasalyano na maging lider na huhubog sa kinabukasan ng Pamantasan.

Itinampok sa panel discussion ang apat na parangal at ang tatlong organisasyong nominado para sa bawat gantimpala. Kabilang sa mga naturang gawad ang Outstanding Lasallian Formation o Spiritual Growth Activity, Outstanding Convention o Conference, Outstanding University Collaboration, at Outstanding Special Interest o Socio-Civic Organization.   

Unang inilahad ang mga nominado para sa Outstanding Lasallian Formation, isang parangal na layong kilalanin ang aktibidad na naikintal ang tunay na diwa ng pagiging Lasalyano. Ilan sa nominado ng nasabing parangal ang Faith in, Fear Out ng Junior Philippine Institute of Accountants (JPIA), at ang dalawang aktibidad ng Industrial Management Engineering Society (IMES) na IEnspire: Self-Awareness at IEnspire: Acceptance. 

Ibinahagi ni Allen Caballa mula JPIA na binigyang-importansya nila ang pananampalataya dahil madalas na nakararanas ng burnout ang mga estudyante. Binanggit din ni Audrey Dadulo mula IMES na layon ng IEnspire: Self-Awareness na ipabatid sa komunidad ng Industrial Engineering (IE) na hindi sila nag-iisa. 

Kaugnay nito, inilahad naman ni Anicka Teves mula IMES na naging estratehiya nilang magkasabay na talakayin ang pamumuno at usaping espiritwal para sa IEnspire: Acceptance, upang maraming matutunan ang mga dumalo. Pagbabahagi pa niya, nakipag-ugnayan pa rin sila sa mga lumahok noong natapos ang aktibidad. “This is a way. . . to work together and have a more empowering Lasallian community,” wika niya.

Sumunod namang kinilala ang mga organisasyong nominado para sa Outstanding Convention o Conference na nagpaigting sa interes ng mga Lasalyano sa kani-kanilang pinag-aaralang larangan. Kabilang dito ang EXCEED2021: Accounting Convention ng JPIA, Leadership Symposium: Coalition ng Business Management Society (BMS), at Young Economists’ Policy Initiative ng Economics Organization (ECONORG).

Ayon kay Miles Ocampo-Tan, itinuon ng BMS ang kanilang proyekto sa emotional intelligence at mga pamamaraan ng pagiging makatao sa iba’t ibang uri ng industriya at kompanya. Inilarawan naman ni Carla Padilla na ikinintal ng JPIA ang tungkulin ng mga accountant sa lipunan. Higit pa rito, ipinaunawa rin ng kanilang programa ang halaga ng mga Lasalyano bilang katalista ng pagbabago.

Sa kabilang banda, ipinaliwanag naman ni Andre Quirapas ang isinagawang policy case competition ng ECONORG. Paglalahad niya, maraming lubusang naapektuhan ng pandemya, at nais ng kanilang organisasyon na bigyang-tuon ang mga umuusbong na teknolohiya upang maging mas pantay at inklusibo ang hinaharap.

Ipinakilala rin ang mga nominado sa Outstanding University Collaboration para sa mga organisasyong nakipag-ugnayan sa iba’t ibang paaralan at organisasyon. Kasali sa nominado ang ECONORG para sa kanilang SOE Week 2020, pati na rin ang IMES para sa kanilang Game FestIEval at IE Summit 2021. Dahil dito, ibinahagi nina Zaniel Kekenusa ng ECONORG, Jonathan Villarico ng IMES, at Ricardo Mañalac ng IMES ang kanilang naging estratehiya sa pakikipagsosyo sa ibang organisasyon. 

Ibinahagi rin ni Mañalac ang hamon sa pakikipag-ugnayan bunsod ng magkakaibang iskedyul, kultura, at pinanggalingan. Sa kabila nito, nabigyan naman sila ng pagkakataon na makasama ang mga kapwa nila estudyante ng IE. 

Nilinaw rin ni Kekenusa na hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng pagkakaiba sa mga katuwang na organisasyon,  ngunit pinili na lamang nilang bigyang-tuon ang kanilang mga kalakasan. Kaugnay nito, naniniwala si Villarico na two-way system ang pakikipag-ugnayan dahil mahalagang isaalang-alang ang kanilang mga interes, kagustuhan, at iskedyul. Aniya, pinahalagahan naman nila ang pagkakaroon ng kompromiso sa pagitan ng kanilang organisasyon at ng kanilang mga katuwang.

Sa kabilang banda, nominado naman ang Archers for UNICEF (AU) at ENGLICOM para sa gawad na Outstanding Socio-Civic Organization. Layon ng naturang parangal na kilalanin ang organisasyong tumugon sa pangangailangan sa loob at labas ng Pamantasang De La Salle (DLSU) upang makapagtaas ng kamalayan at makilahok sa pagpapabuti ng isang komunidad. Nanindigan naman sina Aleesa Advincula, presidente ng AU, at Francine Sia, presidente ng ENGLICOM, sa kahalagahan ng mga gawaing sosyo-sibiko.

Ipinahayag ni Advincula na lalong napalitaw ng pandemya ang mga umiiral na isyung panlipunan. Dahil dito, iginiit niya ang kahalagahan ng pakikilahok ng mga estudyanteng lider upang magkaroon ng pagbabago. Bunsod nito, nagsagawa sila ng mga napapanahon at epektibong programa. Dagdag pa niya, sinusuri nila ang mga pangangailangan ng kanilang katuwang na benepisyaryo upang matiyak na makukuha nila ang kanilang mga kinakailangan. 

Ibinahagi naman ni Sia ang nakagawiang kultura ng ENGLICOM na pagdiriwang ng mga tradisyon ng Filipino-Chinese community. Kaugnay nito, naipagpatuloy nila ang pagtitipon at naisulong nila ang kultura ng Filipino-Chinese community sa online na plataporma. Bukod pa rito, inilunsad din nila ang isang seminar para sa kabataan upang makapagtaas ng kamalayan ukol sa kinahaharap na pandemya.

Karangalan at pagpupunyagi

Nagbigay naman ng paunang salita si DLSU President Br. Bernard Oca FSC bago opisyal na ipinakilala ang mga nagsipagwagi para sa LEA 2021. Aniya, napagtagumpayan ng mga Lasalyano ang mga balakid na kanilang kinahaharap sa kabila ng pagdududa at kawalan ng gana sa sarili. “The fruit of your excellence and leadership is not the award that you will receive but you,” wika niya.

Nahati naman sa anim na kategorya ang mga parangal. Kabilang dito ang officership awards, activity awards, CSO awards, organization awards, Outstanding Co-eds, at Students’ Search for Outstanding Teacher. 

Kinilala bilang outstanding teacher sina Editha Trinidad para sa Ramon V. Del Rosario College of Business, habang si Raymund Vittorio naman para sa Br. Andrew Gonzalez College of Education. Nakapag-uwi rin ng karangalan sina Arthur Caronongan para sa College of Computer Studies at Jason Alinsunurin para sa School of Economics. 

Bukod pa rito, hinirang din bilang outstanding teacher sina Mary Jane Flores ng College of Science, Kevin Agojo naman para sa College of Liberal Arts, at Paolo Lucero para sa Gokongwei College of Engineering.

Binigyang-parangal naman bilang Outstanding Small Professional Organization ang Samahan ng Mga Mag-aaral sa Sikolohiya, Societas Vitae, at Behavioral Sciences Society. Samantala, inuwi naman ng IMES, BMS, at JPIA ang parangal na Outstanding Big Professional Organization.

Nakamit din ng Rotaract Club of DLSU, Writers’ Guild, at Union of Students Inspired Towards Education ang Outstanding Special Interest o Socio-Civic Organization para sa maliliit na organisasyon, habang AU at ENGLICOM naman ang nakakuha ng parangal para sa Outstanding Special Interest o Socio-Civic Organization para sa malalaking organisasyon.  

Sa kabilang dako, ginawaran naman sina Wilson Li, Cristoff Bata, at Aandric Estanislao bilang Outstanding Treasurer para sa outstanding officership awards. Sina Angelica Festejo, Aaron Marasigan, at Aubrey Macalinao naman ang kinilala bilang Outstanding Secretary, habang kinilala bilang Outstanding Junior Officer sina Kylee Tan, Roswell Siy, at Adrian Ong. 

Binigyang-parangal din ang mga Outstanding Associate o Assistant Vice President na sina Maria Banez, Aaubrey Daulo, at Katrina Yu, pati na rin sina James Bolinao, Julia Martinez, at Ma. Kristine Buenafe bilang Outstanding Vice President.

Tinanggap naman nina Alexia Go, Akeesha Ortega, at Trisha Divinagracia ang parangal para sa Outstanding Associate, habang inuwi nina Dolly Lee, Jairah Moraleja, at Marianne Cabankiat ang titulo bilang Outstanding Associate Vice Chairperson. Bukod dito, kinilala rin bilang Outstanding Vice Chairperson sina Juan Mercado, Mykel Go, at Claudine Manglo. 

Pinangalanan din sina Elisa Lim, Alexander Chua, at Andrea Oliveros bilang Outstanding Executive Vice President. Dagdag pa rito, ipinagkaloob naman kina Ann Kimberly Ang, Bianca Cruz, at Trisha Ong ang titulo ng Outstanding President.

Narito naman ang listahan ng iba pang nagwagi para sa LEA 2021: 

HOW ACTIVITY AWARDS

Outstanding Lasallian Formation/Spiritual Growth Activity

3rd place: Audrey Dadulo

2nd place: Allen Caballa

1st place: Anicka Teves

Outstanding University Collaboration

3rd place: Andrea Oliveros 

2nd place: Jonathan Villarico

1st place: Ricardo Mañalac 

Outstanding Convention/Conference

3rd place: Andre Quirapas

2nd place: Janna Mates

1st place: Carla Padilla

Outstanding Seminar/ Workshop

3rd place: Business Management Society – MGT Forum: A guide to Business Management Majors

2nd place: Archers for UNICEF – #ThisAbility: Disability Sensitivity and Awareness Seminar 

1st place: European Studies Association – Quarter Life Series: Get Linked through LinkedIn (Online Professional Development Workshop) 

Outstanding Organizational Development

3rd place: James Bolinao, Business Management Society – Leadership Empowerment Program

2nd place:  James Bolinao, Business Management Society – Junior Officer Training Program

1st place: Patricia Santiago, Industrial Management Engineering Society – IMES Mentorship Program (T3, AY ‘19-’20)

Outstanding Organization Collaboration

3rd place: AdCreate Society, Business Management Society, Economics Organization, Junior Entrepreneurs Marketing Association, Junior Philippine Institute of Accountants, Ley La Salle, Management of Financial Institutions Association, at Young Entrepreneurs Society  – PARALAYA

2nd place:  Association of Computer Engineering Students, Chemical Engineering Society, Civil Engineering Society, Electronic and Communications Engineering Society, Industrial Management Engineering Society, Mechanical Engineering Society, Society of Manufacturing Engineering, at La Salle Computer Society – ENGAGE Voter Registration

1st place: Business Management Society at Industrial Management Engineering Society – L’Oréal: Brandstorm 2021 Roadshow 

Outstanding Issue Advocacy

3rd place: Archers for UNICEF – #EndOSAEC: Fighting Beyond Borders

2nd place: Archers for UNICEF – AUdvocacy Series

1st place: Business Management Society – E-llusion 

Outstanding Donation Drive

3rd place: Civil Engineering Society – CES Quarantine Nights 

2nd place: Junior Philippine Institute of Accountants – What’s The Catch

1st place: Civil Engineering Society – CES Art Sale

Outstanding Community Engagement

3rd place: Industrial Management Engineering Society –  #OneIMES: A Covid19-Response 

2nd place: Archers for UNICEF – Project USBong

1st place: Archers for UNICEF – AU x HCL Support Series 

Outstanding Academic Program/Contest 

3rd place: Industrial Management Engineering Society – DiscoverIE

2nd place: Industrial Management Engineering Society – Edge Sparks Virtual Caravan 

1st place: Industrial Management Engineering Society – J.P. Morgan Chase and Co. Headline Event: “Find a Career that Fits You!”

OUTSTANDING CO-EDS

Winner: Adrian Neil Holgado 

Finalist: Rainier Michael Magsino

Para sa huling bahagi ng LEA 2021, opisyal nang ipinakilala ni Smayl Sesante, CSO Chairperson, ang ika-47 CSO Executive Board. Pangungunahan ito ni Juan Lorenzo Mercado, kasama sina Christian Jeofferson Galang, Executive Vice Chairperson for Internals, at Ysabel Dela Cruz, Executive Vice Chairperson for Externals. “With this foundation, we are ready to build skyscrapers out of this foundation that we have built over this past year,” pagtatapos ni Mercado. 

Naging matagumpay ang engrandeng gabi ng LEA 2021 sa tulong ng Nissin Cup Noodles Hot Cheesy Seafood, Nissin Yakisoba Spicy Chicken, Swiss Miss Choco Milk Blends, Magic Creams Cheese, Jack n’ Jill Cream-O Deluxe at Aquaflask, 4Treats Co, Bakerist PH, KimPow, Kynd Studios, E.DEN, Commune Picks, Lily of the Valley, Skyeline PH, The Amigo Coffee, Keich, Ikigai Apparel, Cozy MNL, Dream Big Branding, Motivo, Zalora Philippines, Franchise Manila and Soletees Clothing. Bukod dito, naging matagumpay rin ang programa sa tulong ng mga media partner na Ang Pahayagang Plaridel, Green Giant FM, Spotted Magazine, Inquirer Pop!, at CHiNOY TV.