HINATULANG GUILTY ng University Student Government – Judiciary (USG-JD) ng Pamantasang De La Salle (DLSU) si Celine Dabao, kinatawan ng Legislative Assembly (LA) ng EDGE2018, sa kasong negligence at gross negligence dahil sa kaniyang pagliban nang walang paalam sa mga sesyon ng LA, Setyembre 10.
Isinampa nina Katkat Ignacio, EXCEL2021, at Aeneas Hernandez, EXCEL2022, na kapwa mga kinatawan ng LA, ang naturang kaso. Pinangunahan naman nina Chief Magistrate Jericho Quiro, Deputy Chief Magistrate Andre Miranda, at Magistrate Reginald Bayeta IV ang sesyon. Matatandaang naghain si Dabao ng guilty plea sa plea hearing noong Setyembre 6.
Pagliban dahil sa gawaing pang-akademiya
Inamin ni Dabao na nakapagtala siya ng apat na unexcused absences sa LA. Lumagpas ito sa pinahihintulutang tatlong unexcused absences ng bawat opisyal ng USG, batay sa Seksyon 3 Rule 4 ng Rules of the LA. Pinatotohanan din ito ng testimonya nina Chief Legislator Giorgina Escoto, mga kinatawan ng LA, pati ng tala ng attendance tracker.
Binanggit ni Dabao bilang rason sa pagliban ang kaniyang academics. Subalit kinikilala lamang ang mga pang-akademiyang gawain, tulad ng make-up class at fourth-hour event, na sasabay sa sesyon ng LA bilang rason sa pagliban, batay sa Artikulo XV, Seksyon 6.3.2 ng Rules of the LA.
Kaugnay nito, wala ring naisumite si Dabao na teacher’s certification sa Executive Secretary. Nakasaad sa Seksyon 6.3.3.2 na kinakailangang isumite ng mga kinatawan ng LA ang naturang rekisito upang payagan silang lumiban sa sesyon ng LA bunsod ng mga gawaing pang-akademiya.
Binanggit din ni Dabao ang bilang ng kinukuha niyang akademikong yunit para sa ikalawa at ikatlong termino. Nakasaad sa isinumite niyang enrollment assessment form na kumuha siya ng 24 na yunit noong ikalawang termino at 23 yunit ngayong ikatlong termino.
Sa kabila nito, hinatulan pa rin ng guilty si Dabao sa kasong negligence dahil hindi niya naisumite ang mga rekisito para maituring na excused ang kaniyang pagliban sa mga sesyon. Wala ring natagpuang problema sa iskedyul ang USG-JD dahil nakaiskedyul ang kaniyang mga klase mula Lunes hanggang Huwebes. Isinasagawa naman ang mga regular na sesyon ng LA tuwing Biyernes.
Salik na nakaapekto sa tungkulin
Siniyasat din ng USG-JD sa kanilang inilabas na desisyon ang pagtanggap ni Dabao ng mga part-time na trabaho. Binanggit ni Dabao na nakaapekto sa kaniyang pagliban sa mga sesyon ng LA ang pagtanggap ng mga gawaing komisyon, tulad ng mga sanaysay, takdang-aralin, at proyektong batay sa kahilingan ng ibang tao. Sa kabila nito, nanindigan ang hukuman na hindi makatuwiran ang mga nabanggit na rason.
Ipinarating ng USG-JD na nauunawaan nila ang mga sitwasyon na maaaring nag-udyok kay Dabao na tumanggap ng part-time na trabaho. Ngunit ipinaliwanag nilang kinakailangan pa rin niyang gampanan ang mga tungkulin ng kinatawan ng LA sa kabila ng kinahaharap na personal na suliranin.
Ipinaliwanag ng USG-JD na mas binigyang-halaga ni Dabao ang pagtanggap ng mga komisyon, sa halip na pagtuunang-pansin ang kaniyang panunungkulan bilang kinatawan ng LA. Ipinunto din nilang maaari niyang tanggihan ang mga naturang trabaho dahil gawaing komisyon ang tinatanggap ni Dabao at hindi isang uri ng trabahong kinakailangang gawin sa loob ng nakatakdang oras upang matapos.
Hindi rin nakagawa o nakapagpasa si Dabao ng kahit isang resolusyon bunsod ng kaniyang mga pagliban sa sesyon. Binigyang-diin ng hukuman sa kanilang desisyon ang kahalagahan ng pagbibigay-priyoridad sa tungkuling boluntaryong tinanggap ng mga kinatawan ng LA. Dahil dito, hinatulan ding guilty sa kasong gross negligence of duty si Dabao.
Hinimay rin sa inilabas na desisyon ng USG-JD ang isinampang kaso kay Dabao hinggil sa Seksyon 7, Chapter 3 ng USG Administrative Code, at Seksyon 2.1.3, Artikulo XII ng USG Code of Violations na nakatuon sa probisyon ng due diligence na may kaugnayan din sa probisyon ng pagliban sa opisina o posisyon.
Hinatulan namang not guilty si Dabao sa naturang kaso dahil hindi pa naipatutupad ang naturang code of violation. Ipinaliwanag ng USG-JD na maituturing itong ex post facto o batas na naipatupad lamang matapos maisakatuparan ng isang kriminal ang isang krimen. Iniugnay rin nila ang desisyong ito sa lex prospicit, non respicit na tumutukoy sa pasulong at paabanteng kalikasan ng mga ipinatutupad ng batas.
Hatol ng hukuman
Ibinahagi naman nina Ignacio at Hernandez ang kanilang mga mensahe sa isinagawang decision hearing. “We hope that we hold accountability towards our officers but still show compassion towards our current situation, but still uphold what the USG constitution stands for,” ani Ignacio.
Binigyang-tuon naman ni Hernandez ang kahalagahan ng pagsunod sa konstitusyon. Aniya, “I hope that we do our best to uphold our agreements with the constitution and bylaws because this is what gives us our identity.”
Humingi naman ng paumanhin si Dabao sa naidulot na abala ng kaniyang mga aksyon. “I am willing to take full responsibility for my actions,” saad niya. Sa huli, pinatawan si Dabao ng impeachment at diskwalipikasyon sa pagtakbo o pagkakaluklok sa anomang posisyon ng USG. Binigyan rin ng sampung araw si Dabao upang makapaghain ng motion for reconsideration.