IPINASA sa ikaanim na espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang resolusyon ukol sa pagkakaroon ng manwal para sa absences at missed requirements, Setyembre 10.
Ipinagpaliban naman pansamantala ang resolusyon ukol sa rebisyon ng manwal para sa mental health task force. Ayon kay Katkat Ignacio, EXCEL2021, mas mabuting pag-usapan na lamang ito sa susunod na akademikong taon para makompleto muna ang mga enmiyenda sa panukala.
Pagtaguyod sa kalidad ng edukasyon
Tinalakay ni Elderwell Ramos, CATCH2T22, sa sesyon ang mga probisyong nakapaloob sa manwal para sa absences at missed requirements. Kabilang dito ang pagsisigurong mabibigyan ng sapat na konsiderasyon ang mga estudyante kapag nahahadlangan ng kanilang kalagayan ang kanilang pag-aaral.
Ipinahayag naman ni Celina Vidal, FOCUS2018, na layunin ng manwal na ipaalam sa mga estudyante ang mga patakaran at pamamaraan hinggil sa absences at missed requirements. Dagdag pa niya, pinagsama nila ang ilang impormasyon mula sa student handbook at mga Help Desk Announcement para mabuo ang manwal.
Sa kabilang banda, ipinaliwanag ni Lorenzo Amado, EXCEL2020, ang mga gabay sa pagliban ng klase. Saad niya, absent ang isang estudyante kapag hindi siya pumasok sa loob ng 1/3 ng oras sa face-to-face na klase. Samantala, ipinapayo na lamang sa mga estudyante na kausapin ang kanilang mga propesor tungkol sa kanilang pagliban dahil wala namang failure due to absences sa online na klase.
Nakapaloob din sa manwal ang excused absence due to COVID-19, gabay sa missed requirements dulot ng iba pang pangyayari, at ilang template ng excuse letter na maaaring gamitin ng mga estudyante para sa associate dean, propesor, at Health Services Office.
Iminungkahi ni Ignacio na maaaring baguhin ang format ng manwal sa pamamagitan ng pagdagdag ng bullet points at pagsasaayos ng talaan ng nilalaman. Aniya, makatutulong ito para madali lamang itong mabasa at upang mahanap kaagad ng mga estudyante ang mga template ng excuse letter.
Inaprubahan ang resolusyon sa botong 14-0-0.
Ulat ng tatlong komite ng LA
Tinanong naman ni Sophia Beltrano, officer-in-charge (OIC) Chief Legislator, ang plano ng tatlong komite para sa mga natitira nilang panukala dahil maaaring huling sesyon na ito ng LA ngayong akademikong taon. Pagbabahagi ni Luis Martinez, OIC chairperson ng komite ng Rules and Policies, mayroon pa silang ilang natitirang panukala kaya ihahanda na lamang nila ang mga dokumento para sa turnover at LA Vault.
Binanggit naman ni Ignacio, OIC chairperson ng komite ng Students’ Rights and Welfare, na ipinagpaliban muna ang panukala para sa representasyon ng mga atletang Lasalyano dahil ikokonsulta pa nila sa Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment (SLIFE) at Office of Sports Development ang mga enmiyenda ukol dito.
Bukod pa rito, ipinahayag ni Ignacio na ipapasa na sa mga susunod na kinatawan ng LA ang SOGIE policy bunsod ng mga enmiyendang kailangan pang ayusin. Sambit niya, patuloy na tutulong ang mga tagapagtaguyod ng panukala sa paggawa nito sa ilalim ng patnubay ng SLIFE at Office of the President.
Ipinabatid naman ni Kali Anonuevo, chairperson ng komite ng National Affairs, na kasalukuyan pang isinasakatuparan ang Poll Power 2022 sa Facebook page ng USG LA PIO.