Isang malalim na buntong-hininga para sa mga nakararamdam ng masidhing pagkabalisa, pagkabigo, at pagkakulong. Sa mga sandaling ito, hayaang umagos ang mga pag-aalala at pangamba sa matiwasay na batis, at kasabay na hugasan ang naghihilom na mga kamay mula sa alumpihit ng pagkakagapos. Dahan-dahan naman itong itataas sa himpapawid habang matiwasay na tinitiklop ang mayuming mga braso, kasabay ang mga paang sumasayaw sa himig ng mga nakagagalang ibon. Patuloy na umaasang dadampi sa nananabik na mga pisngi ang hagayhay ng hanging bitbit ang kaginhawaang inaasam. Oras na upang lakas-loob na batiin at harapin ang ginintuang araw na noo’y kinamumuhian sa bawat muli nitong pagsibol at buong kapurihang sabihin na sa wakas, malaya na ako.
Ipinagdiwang ng La Salle Dance Company – Folk (LSDC-F) noong Setyembre 3 hanggang 4 ang kanilang ika-9 na anibersaryo ng pagtatanghal ng mga sayawing pambayan. Para sa taong ito, nasaksihan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng iba’t ibang aplikasyon online, katulad ng Facebook, YouTube, at AnimoSpace. Kasama nila sa paghahandog ng natatanging pagganap ang Lasallian Youth Orchestra, Gonò Yè Bong, at Rondallistang Paranaque sa konsiyertong pinamagatang Alpas: Kultura ng Malaya. Sa pagpapamalas ng kanilang mga marilag na talento, natunghayan natin ang nakabibighani at nakapagpapatahang mga indayog mula sa iba’t ibang kulturang matatagpuan sa ating bansa.
Pagsayaw sa indayog ng pinagyamang kultura
Unti-unting kumukupas ang dating pagkatingkad-tingkad na kulay ng kuwadrong inilalarawan ang ating mayabong na kultura. Ito ang nagsilbing inspirasyon sa pagbuo ng isang produksiyong hindi lamang nagtatampok ng mga sayaw mula sa iba’t ibang klase ng tradisyon, kundi humuhubog din sa kamalayan ng mga manonood. Isa sa mga layunin ng LSDC-F ang pagbuklurin ang kabataan sa kulturang Pilipino at itanim sa kanila ang pagmamahal para dito. Sabay sa bawat kumpas ng kamay at hakbang ng paa ang sidhi ng damdaming kumawala sa gapos ng makabagong mundo.
Naniniwala si Felize Joves, Company Manager ng LSDC-F, na hindi lang natin dapat inihahambing ang ating kultura sa anomang tradisyonal o makaluma. “The Philippine culture makes up for who we once were, who we are now, and who we will be as Filipinos,” aniya. Sa produksiyong “Alpas” ng LSDC-F, itinampok ng bawat yapak ng mga mananayaw ang pag-alpas ng kultura mula sa pagkakasaklob ng makabagong mundo. Binalangkas dito ang ilang uri ng kalayaan sa pamamagitan ng pagtatanghal ng ilan sa mga tradisyonal na musika’t sayaw mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Bukod sa indak ng kanilang katawan, ibinahagi rin nila ang kultura ng bawat pangkat at tribo sa kanilang kasuotan.
Sinasalamin sa bawat yapak ang samyo ng katapangan at katatagan ng bawat katutubo. Tungo sa pag-alpas, ipinamalas ng LSDC-Folk ang angking galing sa pagsayaw ng Dugso mula sa mga Manobo, Pattong mula sa Bontoc, Sagayan mula sa mga Maguindanao at Maranao, at Kinugsik-kugsik mula rin sa mga Manobo. Sinundan ito ng pagsunod sa indayog ng “Ritmo: Kilos at Galaw ayon sa Kalikasan” upang maimostra ang Kalayaang Magkaisa.
Ibinalik naman ng mga mananayaw ang birtuwal na entablado patungo sa panahon ng Espanyol matapos ibalandra ang kanilang mahahabang bestida at bandana. Pinatotohanan ang Kalayaang Sumagisag sa malumanay nilang pagsayaw ng La Jota Manilena at La Jota Paragua, mga sayawing kinakikitaan ng impluwensyang Kastila, at Pitik Mingaw, isang sayaw pangmanliligaw mula sa Capiz. Makulay na inilatag naman sa Hapag ang ilan sa tradisyonal na sayawing hitik sa kultura, gaya ng Kadal Tahu mula sa mga T’boli, Kuratsa mula sa Samar at Leyte, Pagapir ng mga Maranao, Itik-itik ng Surigao del Norte, at Kuntaw na kinikilala bilang orihinal na “pangalay”.
Panandaliang dumilim ang iskrin ngunit muli rin itong pinailawan ng mga mananayaw sa pamamagitan ng pag-indak alinsunod sa Pandanggo sa Ilaw. Naging mapangahas ang kanilang palabas nang matagumpay nilang balansehin ang kanilang baso habang itinatanghal ang Binasuan. Karugtong nito ang Oasioas, isang sayaw gamit ang pagkampay ng basong may bukas na kandila sa loob ng tela. Bilang panghuli, makapigil-hiningang Kadang-kadang ang kumumpleto sa kanilang pagtatanghal. Ipinakita rito ang Kalayaang Mapayabong ang Sarili sa pamamagitan ng paggamit ng pagbabalanse at pagkontrol ng isang tao sa mga bagay na tangan niya.
Pinatunayan namang may Kalayaang maging sino o ano man ang nais sa pinakahihintay na pagtatanghal ng Gonò Yè Bong, isang grupo ng T’boli mula sa Timog Cotabato. Ipinakita nila ang kanilang awiting hitik sa kuwento at sayaw. Pinakatumatak sa kanilang pagganap ang Madal Semgewit, isang courtship dance na umakit, hindi lamang ng mga kapwa-mananayaw, kundi pati na rin ng mga manonood dahil sa mapanghalinang mga mata kasabay ng indayog sa musika. Bilang panghuli, itinanghal ng LSDC-F ang kanilang rendisyon ng Kulturang Malaya bilang pagpapakita ng pagkakaisa sa pagbuno sa anim na buwang preparasyon.
Sa panahong nababalot ng samu’t saring gulo ang mundo, nagiging anino na lamang ng nakaraan ang pinagyamang kultura – ngunit nagsisilbi rin itong paalalang noong unang panahon, malayang nagniningning ang iba’t ibang anyong Pilipino. Ito ang muling binigyang-buhay ng LSDC-F sa kanilang produksiyon sapagkat naniniwala silang nakaukit sa bawat isa sa atin ang ating kultura. Kaya naman pagtatapos ni Joves, “it is important for organizations like us to continuously empower and educate our audience about it . . . we owe it to our ancestors and the generations after us to safeguard these traditions to remind us of our integrity as Filipinos.”
Sa muling pagsikat ng araw
Sa tagal ng nagdaang panahon, ngayon ko lamang nauunawaan ang tunay na kahulugan ng kalayaan; na hindi lang ito basta pagkawala sa gapos ng kalumbayan. Bagkus, ang kakayahang mahalin ang ating buhay sa kabila ng lahat ng hamon at pagsubok ang tunay na kahalagahan ng pagkakaroon nito. Pangako ng kalikasan na darating muli ang panahong magpapatuloy ka sa iyong buhay, kaya makaramdam ka ng ginhawa sapagkat patuloy na umiikot ang mundo sa kabila ng pagtigil ng iyo, patuloy ang paglipad ng mga ibon sa himpapawid habang pinagmamasdan mo sila sa iyong kapanglawan, at nananatiling dumadaloy ang tubig kahit sa iyong pagka-estangkado.
Tapos na ang takipsilim — oras na para bumangon at ihanda ang sarili sa liwanag na hatid ng panibagong araw. Paalam na sa lahat ng pagkabalisa, pagkabigo at pagkakulong; palalayain ko na ang aking sarili mula sa bakas ng madilim nating nakaraan upang salubungin ang mundo nang may panibagong tiwala sa pihit ng tadhana.