TUMINDIG ang ilang kandidato ng Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat) at Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon) hinggil sa mga isyu sa loob at labas ng Pamantasan, sa General Elections (GE) 2021 Debate na pinangunahan ng De La Salle University Commission on Elections (DLSU COMELEC), Setyembre 3.
Pagtaguyod ng ligtas na espasyo
Nagharap sa unang bahagi ng debate ang mga kandidato para sa mga posisyong Executive Vice President for Internal Affairs at Executive Treasurer ng University Student Government (USG). Nagsilbing kinatawan ng Tapat sina Audrey Garin at Christian Peralta, habang sumalang naman sina Britney Paderes at Caleb Chua para sa Santugon.
Nagsimula ang debate sa pagtalakay ng polisiya ng safe-spaces at anti-sexual harassment sa loob ng Pamantasan. Pagsisimula ni Garin, “We are very fortunate that the university has its own safe spaces policy and University mental health policy.” Iniugnay niya rito ang plataporma ng kanilang partido na magkaroon ng university psychologist upang masolusyonan ang suliranin ng mga estudyante pagdating sa kalusugang pangkaisipan.
Ipinunto naman ni Paderes na kinakailangang itaguyod ang mga polisiyang ito dahil na rin sa mga bantang nakaapekto sa cybersecurity ng mga Lasalyano. Dagdag pa rito, ibinahagi niya ang kanilang proyektong nakatuon sa pagbuo ng inklusibo at ligtas na espasyo sa Pamantasan. “All the mental health efforts and safe-spaces initiatives will fall under this program. . . this program is where they can be able to come up if ever that they need help,” paliwanag niya.
Binigyang-linaw rin ng mga kalahok ang mga naitalang kaso ng seksuwal na pang-aabuso sa loob ng dalawang partido. Iginiit ni Paderes na kinokondena nila ang anomang anyo ng abuso, at pananagutin nila ang mga harasser. Naniniwala naman si Garin na kinakailangang suriin ang sistema ng kanilang partido. Aniya, “We need to be mindful within our political parties with regards to making a safe space for everyone.”
Kaugnay nito, inilatag din ng dalawang partido ang mga espesipikong aksyon na isasagawa upang tugunan ang mga kaso ng seksuwal na pang-aabuso. Ibinahagi ni Garin na nais niyang palawigin ang kaalaman ng mga estudyante hinggil sa Lasallian Center for Inclusion, Diversity, and Well-being upang imbestigahan nito ang mga kaso ng pang-aabuso. Tinukoy naman ni Paderes ang iba pang opisina na maaaring makatulong sa pagresolba ng mga kaso ng pang-aabuso, tulad ng Office of Counseling and Career Services at Student Discipline Formation Office.
Samantala, pinatukoy naman sa mga kumakandidato bilang Executive Treasurer ang mga yunit ng USG na fiscally autonomous batay sa konstitusyon, at hiningi ang kanilang mga suhestiyon upang mapanatili ang awtonomiya ng mga naturang yunit.
Binanggit ng parehong kandidato ang COMELEC, Judiciary Department, at Commission on Audit bilang fiscally autonomous na yunit ng USG. Ayon kay Chua, kinakailangang suriin ang kasalukuyang konstitusyon upang malaman ang gampanin ng mga nabanggit na yunit. “Through this, we can ensure and lobby for better transparency within the USG,” dagdag ni Chua. Naniniwala naman si Peralta na hindi dapat makialam ang USG sa mga ipinatutupad na proseso at inisyatiba ng mga naturang yunit.
Pananagutan ng mga kandidato
Binigyang-tuon naman ng mga moderator sa ikalawang bahagi ang naging pagkukulang ng mga tumatakbong USG President. Matatandaang hindi natuloy noong Make-up Elections 2021 ang pagtakbo ni Calvin Almazan, kandidato mula sa Tapat, bunsod ng kakulangan sa kaniyang mga ipinasang rekisito. Sa kabilang banda, hindi naman naisakatuparan ni Giorgina Escoto, kandidato ng Santugon, ang pangako niyang magkaroon ng recall process.
Iginiit ni Almazan na nagsilbing aral ang kaniyang naging pagkukulang. Wika niya, “Failure actually teaches us a lot of things if we want to grow as student leaders.” Binigyang-diin din niya ang pagganap niya bilang chief policy advisor ng USG at ang inisyatiba nilang 0% tuition fee increase.
Samantala, pinahalagahan naman ni Escoto ang pagbibigay-boses sa masa. Ibinahagi rin niya ang salik na nakaapekto sa hindi pagpasa ng kaniyang resolusyon ukol sa pagbuo ng recall process. “We had to take into account all the consultations that will happen, the feasibility of the process, and how we were only left with two terms,” giit niya.
Sunod namang tinalakay sa ikalawang bahagi ng debate ang pagkukulang ng dalawang partido sa pagsasagawa ng background check sa kani-kanilang mga kandidato. Kaugnay ito ng pag-atras sa pagtakbo ng dalawang kandidato mula sa magkabilang partido, bunsod ng pagkakasangkot nila sa isyu ng seksuwal na pang-aabuso.
Inilahad ni Escoto na kinikilala niya ang pagkukulang ng dalawang panig sa pagsuri sa kanilang mga kandidato at nilinaw niyang natuto na ang kaniyang partido mula rito. “We were able to learn, to condemn actions of our previous actions, and take accountability for what happened,” sambit niya. Pinahalagahan din niya ang papel na dapat gampanan ng USG para dito.
Binigyang-diin naman ni Almazan na tanggap niya ang pagkukulang ng dalawang partido subalit itinanggi niya ang pagkakapareho ng Tapat sa Santugon hinggil sa nasabing isyu. “We did not wait for us to be called out. We already launched an internal investigation in our own parties,” pangangatuwiran niya.
Epekto ng politika at partidong pampolitika
Binigyang-tuon din ang isyu ng mababang voter turnout bunsod ng toxicity tuwing halalan. Binanggit ni Almazan na iwinawasto ng Tapat ang mga kasapi nitong nakikilahok sa maruming pamumulitika. Inilahad naman ni Escoto na nais niyang maibalik ng mga Lasalyano ang kanilang tiwala sa USG sa pamamagitan ng pagbibigay-tuon sa representasyon ng mga estudyante.
Kaugnay nito, tinanong din ang papel na ginagampanan ng dalawang partido sa toxicity ng partidong pampolitika sa Pamantasan. Ibinahagi ni Didi Rico, tumatakbong kinatawan ng Legislative Assembly (LA) ng 74th ENG para sa Santugon, na hangad ng LA agenda ng kanilang partido na makabuo ng mga polisiyang tutugon sa libel at slander. Inilahad naman ni Aeneas Hernandez, kandidato ng Tapat bilang kinatawan ng LA ng EXCEL2022, na mainam na tiyaking magkakaroon ng mga patnubay na ipagtatanggol ang mga magiging biktima ng partisanship.
Binigyang-tuon naman ng mga hurado ang pagkakaroon ng reporma sa monopolyong mayroon ang Santugon at Tapat sa kabila ng pagkakapareho nila ng mga mithiin.
Iginiit ni Escoto na namumukod-tangi pa rin ang Santugon bagamat nagkakaisa ang dalawang partido sa layunin nitong bigyan ng representasyon ang mga estudyante. “We believe in individuality, we believe in passion for service, we believe in our method of our liberal democracy,” paliwanag niya.
Binigyang-diin naman ni Almazan na hindi parehas ang kanilang mga partido sapagkat nakatuon ang mga prinsipyo ng Tapat sa united left. Inilahad rin niya na mahalaga pa rin ang pagkakaroon ng mga partido sa Pamantasan. “The value of partisanship is that we get to present to the student body our different approaches with regards to how we want to lead the student body,” paglalahad niya.
Kinuwestiyon din ang dalawang partido sa pagluluklok sa mga natalong kandidato nito, para sa mga itinatalagang posisyon sa USG. Parehong iginiit nina Almazan at Escoto na hindi pinupunan ang mga posisyon batay sa kanilang partido, bagkus, dahil naniniwala sila sa mga kakayahan ng mga taong binibigyan nila ng posisyon.
Sa pagtatapos ng Debate para sa GE 2021, nagwagi sina Garin at Peralta sa unang bahagi, habang kinilala si Almazan at Hernandez para sa ikalawang bahagi nito. Samantala, hinirang naman na overall best speakers sina Almazan at Garin.
Sa huli, binigyang-diin ni Bianca Dela Cruz, overall project head ng GE 2021, ang tungkulin ng mga Lasalyano na makisangkot sa mga usaping pampamantasan. Pagtatapos niya, “Let our voices be heard. . . open our eyes, and exercise our right to vote.”