IBINIDA ng mga kandidato mula sa Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat) at Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon) ang kani-kanilang mga plataporma sa idinaos na Miting De Avance ng General Elections 2021, sa Facebook live ng Archers Network, Setyembre 3.
Binigyan ng apat na minuto ang mga kandidatong tumatakbo bilang college president para mailahad ang kanilang mga plataporma, habang anim na minuto naman ang inilaan para sa mga kandidato ng Executive Board.
Tinig ng Santugon
Pinangunahan ni Chiki Grijaldo, kandidato ng Santugon para sa posisyong college president ng Ramon V. Del Rosario College of Business (RVR-COB), ang pagpapakilala at pagpapahayag ng kaniyang mga plataporma. Binigyan-diin ni Grijaldo ang kanilang layon na maging passion-driven ang RVR-COB.
Ibinida rin ni Grijaldo ang dalawang beses na pagkahalal niya sa University Student Government (USG). Aniya, “This time I am ready to represent not only my batch, but the whole college of business.” Tulad ni Grijaldo, dalawang beses na ring naluklok sa USG si Bea Berenguer, kandidato para sa posisyong college president ng College of Computer Studies (CCS).
Ipinunto naman ni Berenguer na para sa taong ito, nakasentro sa mga estudyante ng CCS ang kaniyang mga plataporma at ipaglalaban niya ang kanilang mga kagustuhan. Tulad ni Berenguer, nakasentro din sa mga estudyante ng kani-kanilang kolehiyo ang mga plataporma nila Phons Cataquis, kandidato para sa posisyong college president ng School of Economics (SOE), at Gabie Avante, tumatakbong college president ng College of Science (COS).
Samantala, inilahad ni Billie Lardizabal, kandidato para sa posisyong college president ng Br. Andrew Gonzalez College of Education (BAGCED), ang kahalagahan ng pagbuo ng inklusibong komunidad upang mabigyang-tuon ang pangangailangan ng mga estudyante. Nais din niyang magkaroon ng mas maraming oportunidad ang mga estudyante ng nasabing kolehiyo.
Ipinahayag naman ni Verrick Sta. Ana, kandidato para sa posisyong college president ng College of Liberal Arts (CLA), ang kahalagahan ng collective strength ng kolehiyo upang magkaroon ng tunay na pag-unlad. Giit niya, “Ang lakas ng estudyante, lakas ng kolehiyo.”
Sa hanay naman ng Executive Board, unang ipinakilala si Caleb Chua, tumatakbong USG Executive Treasurer. Ibinahagi niya ang mga hamon at suliraning maaaring harapin ng mga Lasalyano dulot ng pandemya. Ibinida rin niya ang kaniyang plataporma na magbigay ng tulong-pinansyal para sa pang-akademiya at medikal na pangangailangan ng mga estudyante. Dahil dito, ipinahayag niya rin ang kaniyang kagustuhan na ipagpatuloy ang legacy projects na epektibo at sustainable.
Sumunod namang ipinakilala si Jewel Limjoco, tumatakbong USG Executive Secretary. Ikinuwento niya ang kaniyang mga naging karanasan sa loob ng Pamantasan at ang pagbabago nito noong paglipat sa online. Bunsod nito, isa sa mga plataporma niya ang pagsasagawa ng isang centralized communication system.
Ipinahayag naman ni Lara Jomalesa, tumatakbong USG Vice President for External Affairs (VPEA), na tungkulin niyang siguraduhing accessible ang proactive safety response. Paliwanag niya, “Pinangangalagaan [nito] ang kaligtasan at kapakanan ng mga Lasalyano sa pamamagitan ng student-centered disaster measures and response.”
Kaugnay nito, ibinahagi ni Britney Paderes, kandidato para sa USG Vice President for Internal Affairs (VPIA), na priyoridad niya ang kapakanan, representasyon, at pangangailangan ng mga estudyante. Aniya, “I believe in our platforms that have been consulted with the different offices and knowing that it would be helpful to you, and that alone is enough.”
Binigyang-diin naman ni Giorgina Escoto, tumatakbong USG President, ang pagkakaroon ng isang USG na handang makinig sa mga estudyante. Pagbibigay-diin ni Escoto, “Kailangan natin ng isang USG na ipaglalaban ka sa loob at labas ng Pamantasan. . . isang USG na makikinig sa mga hinaing ng bawat Lasalyano.”
Himig ng Tapat
Ipinabatid naman nina Thea Tolentino, tumatakbong college president ng RVR-COB, at Jed Lurzano, kandidato mula COS, na layon nilang palakasin ang tinig ng mga estudyante sa kani-kanilang kolehiyo. Wika ni Tolentino, “Ibalik natin ang BCG na inuuna ang mga estudyante, na ipinaglalaban ang karapatan ng bawat Pilipino.”
Ipinahayag naman ni Alfonso Claros, kandidato mula Gokongwei College of Engineering (GCOE), na priyoridad niyang bumuo ng mga programang nagsusulong sa kapakanan ng mga estudyante. Dagdag pa niya, “Learning does not stop on campus. We need more avenues that will provide our students the opportunities that [they] need.”
Nakatuon naman sa pagdinig sa pangangailangan ng estudyante sina Hyacinth Flores, tumatakbong Batch President ng FAST2018, at Martin Regulano, tumatakbong college president ng SOE. “You deserve governance that fights for you and with you,” pagsasaad ni Flores.
Samantala, ibinida naman ni Alex Brotonel, tumatakbong college president ng BAGCED, ang mga napagtagumpayan ng kolehiyo sa larangan ng edukasyon sa loob at labas ng Pamantasan. Bukod dito, kinalampag din ni Brotonel ang taliwas na konseptong sumisira sa dignidad ng kanilang kolehiyo. “Hindi po tapunan ang aking kolehiyo,” pagdidiin niya.
Una namang ipinakilala mula sa hanay ng kanilang Executive Board si Christian Peralta, tumatakbo bilang USG Executive Treasurer. Ilan sa mga plataporma ni Peralta ang COVID-19 Fund, maayos na pondo para sa Lasallian Student Welfare Program, at iba pang sustainable grants. Giit niya, “Hindi lamang kalidad ng edukasyon ang ating problema kundi ang pagpapatuloy rin nito.”
Sumunod namang isinalang si Patty Santiago, kandidato para sa posisyong USG Executive Secretary. Ibinida niya ang kaniyang planong magbigay ng akademiyang tulong at vaccine subsidies sa mga atletang mag-aaral at mga student manager para sa papalapit na UAAP. “Sa ating mga student leaders. . . we will also provide welfare projects for you and your well-being,” dagdag pa niya. Layon ding isulong ni Santiago at ng kaniyang partido ang pagkakaroon ng university psychologist upang higit na matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante ukol sa kanilang mental health.
Ipinarating naman ni Audrey Garin, kandidato para sa posisyong VPIA, na hangarin niyang mapabuti at mapatibay ang mga akademiyang polisiya ng Pamantasan. Aniya, “I will ensure reinforced academics that will improve academic policies.” Siniguro din ni Garin ang pagkakaroon ng isang opisinang maagap, progresibo, nakikipagtulungan, at binibigyang-pansin ang kapakanan ng edukasyon.
Sa kabilang banda, inilahad ni Calvin Almazan, tumatakbo bilang USG President, ang kaniyang mga plano para sa Pamantasan. Binanggit niya ang mga naipatupad na polisiya at programa ng kasalukuyang USG, tulad ng Safe Spaces Act at 0% tuition fee increase. “Hindi tayo titigil dito, hindi [tayo] makakampante, at hindi tayo mapanghihinaan ng loob. Tuloy-tuloy dapat ang laban para sa edukasyon,” giit niya.
Boses ng mga Lasalyano
Binigyan naman ng pagkakataon ang mga botante na magtanong ukol sa mga plataporma at paninindigan ng mga kandidato.
Tinanong ang mga kandidato ng USG Executive Treasurer ukol sa kanilang plano upang mapondohan ang mga inilatag nilang programa, sa kabila ng pagkakaroon ng limitadong badyet ng USG. Parehas namang ibinahagi nina Peralta at Chua ang layon nilang magsagawa ng mga fundraising activity upang matugunan ang implementasyon ng mga proyekto.
Nilinaw din ni Peralta ang magiging sistema ng contractual scholarship. Paliwanag niya, “Basically what will happen here [is] iso-sponsor ng mga companies ‘yung tuition fees ng mga estudyante. . . as part of their contract, they will have the opportunity to work for them.”
Sa kabilang banda, itinaas naman nina Escoto at Almazan ang pagpapaigting ng implementasyon sa Safe Spaces Act, matapos mailatag ang katanungan ukol sa mga nagdaang isyu ng sexual harassment sa kani-kanilang partido.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Escoto na pabor sila sa face-to-face classes sa kondisyon na ligtas ito. Aniya, “Face-to-face classes, while gradual, have to depend on the environment and with the circumstances right now, we are simply not ready.”
Ipinahayag naman ni Almazan ang kanilang pagsang-ayon sa kampanya para sa Ligtas na Balik Eskwela. “Naniniwala kami na the quality education and the current education right now is not the best option for certain courses, like yung GCOE natin. . . and those who need lab classes,” pahayag niya.
Tinanong din ang mga kandidato ukol sa pagiging political machinery ng mga partidong pampolitika tuwing eleksyon. Tugon ni Francis Loja, kandidato ng Santugon para sa batch legislator ng EXCEL2023, kinakailangang alalahanin ang mandato ng USG na talikdan ang pagiging partisan kapag naluklok sa puwesto. Nangatuwiran naman si Aeneas Hernandez, kandidato ng Tapat para sa batch legislator ng EXCEL2022, na bitbit pa rin ng mga nahalal na opisyal ang mga prinsipyo at ideolohiya mula sa kinabibilangan nilang partido.
Kaugnay nito, naniniwala naman ang mga kandidato ng USG President at VPIA ng parehong partido na nararapat respetuhin ang mandato ng mga organisasyon, at mas hikayatin pa ang mga Lasalyano na makisangkot sa politika sa loob ng Pamantasan.
Samantala, pinagtuunan naman nina Brotonel at Lardizabal ang pagiging epektibo at episyenteng paraan ng pagkakaroon ng 10k financial aid. Naniniwala si Brotonel na dapat ibigay sa mga estudyante ang 10k financial aid. Pagdidiin ni Brotonel, “Bakit natin ipagkakait ang sampung libong iyon para magbigay ng immediate relief sa mga estudyanteng naghihirap?” Sa kabilang banda, binigyang-diin ulit ni Lardizabal ang punto ng kanilang partido hinggil sa 10k financial aid. Aniya, mas kailangang bigyang-priyoridad ang kapakanan ng lahat.
Magkasalungat naman ang pagpapalagay nina Almazan at Escoto hinggil sa working hours ng mga opisyal ng USG. Binigyang-diin ni Escoto ang kahalagahan sa pagitan ng pagtatrabaho at pagpapahinga, gayundin ang pagpapahalaga sa mental health ng mga opisyal ng USG. Tumututol naman dito si Almazan dahil hindi umano ito magiging produktibo. “Pagsapit ng ika-8 ng gabi, hindi naman nawawalan ng problema ang mga estudyante natin,” giit niya.
Sa huli, binigyang-tuon nina Garin at Paderes ang pagpapaigting ng paggamit ng Student Services Hub na magsisilbing daan upang madirekta ng mga estudyante ang kanilang mga katanungan sa naaangkop na opisina.