PINANGASIWAAN sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang mga resolusyon ukol sa pagtataguyod ng institusyonalisasyon ng Student Census at pagsasaayos sa alokasyon ng University Student Government (USG) operational funds para sa Lasallian Student Welfare Program (LSWP), Setyembre 3. Tinalakay rin sa pagpupulong ang pagpapatupad ng oras ng opisina para sa mga opisyal ng USG.
Pagpapatupad ng USG office hours
Nagsimula ang sesyon sa pagpapatupad ng oras ng opisina para sa mga opisyal ng USG bilang pagpapatuloy sa isinagawang talakayan noong nakaraang sesyon. Pinangunahan ni Sophia Beltrano, officer-in-charge chief legislator, ang paglalahad ng mga isinagawang pagbabago sa resolusyon. Aniya, nakipagpulong ang mga tagapagtaguyod kay Marts Madrelejos, FAST2018, upang talakayin ang kaniyang mga suhestiyon at paglilinaw sa nilalaman nito.
Pagbabahagi pa ni Beltrano, inalis sa resolusyon ang pagpataw ng kaparusahan sa mga yunit ng USG na lalabag sa ipatutupad na panuntunan. Binanggit din niyang layon lamang nitong linangin ang kabuuang kaunlaran ng mga opisyal ng USG.
Binigyang-linaw naman ni Vera Espino, 75TH ENG, ang saklaw ng resolusyon at mga pangyayaring maaaring ituring na eksepsyon sa panuntunan. Bukod pa rito, idinagdag din ang tala ng mga pagpupulong kasama ang ibang yunit, katulad ng Commission on Audit, Commission on Elections, at Office of the Secretary.
Itinaas naman ni Katkat Ignacio, EXCEL2021, ang katanungan ukol sa pagkakaiba ng working hours at office hours. Paglalahad ni Beltrano, “Office hours is more of the internal system of the unit. Working hours is something that we cannot control since it depends on the person when he/she will work. Office hours are when we talk about the deliverables, meetings, and consultations.”
Sa huli, hindi naipasa ang resolusyon matapos makatanggap ng botong 6 for, 0 against, at 9 abstain.
Pagtataguyod ng institusyonalisasyon ng student census
Inilatag naman nina Madrelejos at Ignacio sa ikalawang bahagi ng sesyon ang resolusyon ukol sa pagtataguyod ng Student Census. Pagbabahagi ni Madrelejos, boluntaryo ang pagkalap ng impormasyon ng mga mag-aaral at magsisilbi itong gabay sa mga itataguyod na patakaran at polisiya. Inilahad din niyang pamumunuan ito ng Office of the President (OPRES) at magkakaroon ng patnubay ng Office of Student Affairs (OSA).
Ibinahagi rin ni USG President Maegan Ragudo na nakapagsagawa na ng mga pagpupulong ang OPRES kasama ang mga dekano ng bawat kolehiyo, USG Executive Committee (EXECOM), Chief Legislator, at mga kinatawan ng LA na nagtatrabaho sa nasabing resolusyon. “This has been carefully consulted with not only the (Dean of Student Affairs) DSA but also our Data Privacy Officer (DPO) Atty. Danny Cheng,” saad pa niya.
Binigyang-diin din ni Ragudo na mayroong itinakdang privacy policy at communication protocol na susundin upang matiyak na protektado ang lahat ng impormasyon. Paglalahad niya, “We also included in our resolution the series of consultations. . . to ensure our compliance not only with the data privacy guidelines of the University, but also with the data privacy act of the Philippines.”
Samantala, tinalakay naman ni Margarita Samonte, chief legal counsel ng OPRES, ang nilalaman ng Student Census at mga kinakailangang impormasyon para dito. Ilan na rito ang pamamaraan ng pagkalap ng impormasyon, pag-enmiyenda sa nilalaman, at pagtatakda ng tagapangalaga ng mga makakalap na datos. Gayundin, ipinakita niya ang palatanungan, uri ng mga hinihinging impormasyon, at ang tiyak na layunin sa bawat katanungan.
Sambit ni Samonte, iminungkahi ni Cheng na banggitin sa palatanungan ang paggagamitan ng makakalap na impormasyon. “It is clear that they are not just collecting data for the sake of collecting data, but it is something within our mandate and within the spectrum of what we want to collect for,” pagbabahagi pa niya.
Kaugnay nito, humingi ng klaripikasyon si Espino ukol sa magiging batayan ng pagbibigay-pahintulot sa mga mag-aaral at organisasyon sa pagkakaroon ng kopya ng mga impormasyon. Tugon ni Samonte, magiging batayan ng DSA ang layunin ng organisasyon o mag-aaral sa pagtugon sa kanilang kahilingan.
Ipinasa ang resolusyon sa botong 15-0-0.
Rebisyon sa paglalaan ng operational funds sa LSWP
Sa ikatlong bahagi ng sesyon, binanggit ni Espino ang responsibilidad ng Office of the Executive Treasurer (OTREAS) na maglaan ng pondo sa LSWP kada taon, bago likumin ang matitirang pondo mula sa bawat yunit ng USG. Aniya, napagpasyahan ng EXECOM na magtakda ng porsyento ng donasyon sa LSWP mula sa mga matitirang pondo. Bunsod nito, layon ng panukalang siguruhin na magkakaroon ng dagdag na pondo ang mga susunod na mahahalal, sakaling kailanganin nila ito.
Idinagdag din dito ang pagkakaroon ng buong karapatan ng OTREAS na maglaan ng pondo para sa LSWP matapos matanggap ang mga natirang pondo mula sa operational funds ng mga yunit ng USG. Ani Espino, nakasaad ito sa memorandum of agreement upang mabayaran ang mga utang sa ilang programa ng USG at mailaan ito sa iba’t ibang programa at inisyatiba ng LSWP.
Ibinahagi rin ni Espino na nagkaroon ng pagbabago sa karapatan ng USG na ibigay sa LSWP ang matitirang operational funds sa pamamagitan ng OTREAS. Saad niya, binago ang pamamaraan ng pagbabalik ng pondo sa OTREAS, mula sa USG units, upang mailaan ito nang maayos sa LSWP.
Ipinasa ang resolusyon sa botong 15-0-0.
Ulat mula sa mga komite ng LA
Bago magtapos ang sesyon, nagbigay ng ulat ang tatlong komite ng LA ukol sa kani-kanilang proyekto.
Ipinahayag ni Luis Martinez, OIC chairperson ng komite ng Rules and Policies, na isinasaayos pa nila ang code of conduct at ipapasa nila ito sa LA upang magkaroon ng diskusyon ukol dito. Samantala, ipapasa naman ang admin code matapos ang leave of absence ng mga tagapagtaguyod nito.
Binanggit naman ni Ignacio, OIC chairperson ng komite ng Students’ Rights and Welfare, na nasa proseso na ng pagrerebisa ang SOGIE policy at kinokonsulta na ito sa OPRES at sa Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment (SLIFE). Inaasahan itong maipresenta sa susunod na linggo, ngunit, ipapasa na lamang ito sa susunod na mauupong mga kinatawan ng LA sakali mang hindi matuloy.
Dagdag pa ni Ignacio, kasalukuyan namang nirerebisa at ginawa munang mandato ang Commission on Athletes Representation ngunit nangangailangan ito ng karagdagang konsultasyon sa SLIFE at Office of Sports Development dahil nagkaroon ng komento sa nilalaman nito.
Iniulat rin ni Mary Legaspi, OIC chairperson ng National Affairs, na naisagawa na ang pakikipanayam para sa Poll Power 2022, at isasagawa ito hanggang sa susunod na linggo. Ipinabatid din niyang nailathala na ang ilang materyal-publisidad sa Facebook page ng LA na USG LA PIO.