PANGUNGUNAHAN MULI ng De La Salle University Commission on Elections (DLSU COMELEC) ang Automated General Elections (GE) 2021 ngayong akademikong taon upang makapaghalal ng mga bagong pinuno ng University Student Government (USG). Ito ang ikalawang beses na magsasagawa ng online elections ang COMELEC matapos maitaguyod ang Automated Make-up Elections (ME) noong Enero.
Paghahanda sa GE
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), inilahad ni Ram Vincent Magsalin, bagong COMELEC chairperson, ang kanilang paghahanda para sa gaganaping GE ngayong buwan. Aniya, maglalabas sila ng mga infograpiks bilang pangunahing hakbang sa pagpapakalat ng mahahalagang impormasyon hinggil sa proseso ng pagboto at pagpapakilala ng mga kandidato.
Ibinahagi naman ni Chairperson Emeritus John Christian Ababan ang iba’t ibang plataporma na gagamitin ng COMELEC upang higit na maipalaganap ang mga detalye ng GE. “For [information] dissemination, COMELEC will be using AnimoSpace and social media. Mayroon [din] siguro sa Help Desk kapag voting period na,” wika ni Ababan. Dagdag pa niya, nais din nilang gamitin ulit ang Raftr na unang ipinasubok sa ID 120 upang makapaghatid ng mga anunsyo.
Binalikan naman ni Magsalin ang mga kinaharap nilang problema sa nagdaang ME. Matatandaang nakaranas sila ng mga problema hinggil sa limitasyon ng e-mail sending list para sa voting credentials. “We used the past academic year as a learning process. . . kung may mangyaring similar instances [na katulad] sa Make-up Elections, it’s either we’ve already prepared for it or we know how to handle it,” pagtitiyak niya.
Kaugnay nito, ipinabatid ni Magsalin na nakipag-ugnayan sila sa La Salle Computer Society (LSCS) at Information Technology Services (ITS) upang matugunan ang suliranin sa sending limit. “Ang ginawa kasi dati, nag-avail ng third-party software and nagkaroon ng concerns dahil third-party. . . so ang naging solusyon namin with LSCS is to ask ITS for a simple mail transfer protocol that allows us to bypass sending limits,” dagdag niya.
Sa kabilang banda, pinagtuunan din nila ng pansin ang naging problema sa pagsumite ng Certificate of Candidacy (COC) noong nakaraang ME, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng COC webinar nitong Hulyo. Kaugnay nito, inaasahan ni Ababan na hindi na mauulit ang mga suliranin sa pagbuo at pagsumite ng mga nabanggit na rekisito dahil nailatag na nila sa dalawang partido ang mahahalagang proseso.
Pinagsisikapan din ng COMELEC na maitaguyod nang maayos ang voter’s education. Isasagawa nila ito sa paggamit ng mga online na plataporma at pakikipag-ugnayan sa Student Media Groups. “We want to ensure that the students are informed and that the voting process is efficient to encourage more participation from the student body,” ani Magsalin.
Pinaalalahanan din ni Magsalin ang pamayanang Lasalyano hinggil sa kanilang responsibilidad para sa paparating na GE. “We are trying our best to make sure that the Lasallian body voices out their desires through the electoral process. We hope that whenever they practice democracy, they can also practice that outside of the university,” ani Magsalin.
Pagtatapos ni Ababan, “Saan ba nagsisimula ang karapatang bumoto? Nagsisimula ito sa paaralan. Tulad ng sinabi nating bumoto nang tama, sana gamitin ang pagboto sa lider sa General Elections 2021.” Hinikayat niyang gamitin ang karapatang bumoto upang tunay na marepresenta ang mga Lasalyano sa mga usaping pangkampus.
Pagbabago sa OEC
Samantala, nakapanayam ng APP ang ilang kinatawan ng LA, na nagbigay-linaw sa mga inenmiyendahang probisyon sa Online Election Code (OEC). Ibinahagi ni Aeneas Hernandez, EXCEL2022, ang tinahak na proseso ng pagsulong ng panukala: Una, pagkakaroon ng konsultasyon sa mga pangulo ng partidong Alyansang Tapat sa Lasallista at Santugon sa Tawag ng Panahon; ikalawa, pagsasagawa ng sarbey ukol sa ME 2021; at panghuli, pagbubukas ng Legislative Inquiry.
Isinalaysay naman ni Ashley Francisco, FAST2020, ang ilan sa mga pagbabago sa OEC. Kabilang dito ang pagtatakda ng COMELEC office hours at contact information, paggamit ng Document Tracker System, at pagbibigay-linaw sa oras ng pagboto. Naniniwala si Francisco na malaki ang maitutulong ng mga pagbabagong ito sa susunod na online na eleksyon. “Mas napadali ang pakikipag-ugnayan sa DLSU COMELEC hindi lamang ng mga political parties kung hindi pati na rin para sa mga Lasalyanong botante,” paliwanag niya.
Idinagdag naman ni Sophia Beltrano, BLAZE2021, ang bagong sistema sa oras ng pagboto. “[Kompara] sa dating eleksyon na magtatapos ang pagboto ng 10:00PM, magbubukas na lamang ang pagboto mula 9:00AM hanggang 8:00PM,” paglalahad niya.
Ipinaliwanag naman ni Giorgina Escoto, Chief Legislator, na hindi na nililimitahan sa isang plataporma ang pagsusumite ng mga dokumento. Bukod dito, hindi na rin maaaring gamitin ang oras ng klase sa pangangampanya nang walang permiso ng Faculty-in-Charge.
Itinuon din ni Beltrano ang desisyon ng COMELEC na gawing major offense ang lahat ng nilalaman ng student handbook na may kaugnayan sa eleksyon. Naniniwala si Beltrano na kinakailangang naaayon ang mga ipinakikitang aksyon ng mga kandidato, batay sa mga nakasaad sa student handbook.
Sa kabilang banda, tinitiyak ni Escoto na magiging mas maayos ang susunod na eleksyon dahil mas handa at may karanasan na ang pamayanang Lasalyano sa online na eleksyon.