INUSISA ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang mga naisakatuparang inisiyatiba at proyekto ng ilang opisyal ng University Student Government (USG), kaugnay ng nalalapit na pagtatapos ng kanilang panunungkulan. Mula tatlo, naging dalawang termino lamang ang panahon ng kanilang paninilbihan bilang mga opisyal dahil sa pagkaantala ng eleksyon noong nakaraang taon dulot ng pandemya.
Sa naging panayam ng APP, ibinahagi ng mga opisyal ng Executive Committee at Legislative Assembly (LA) ang kanilang mga paghahanda upang tiyakin ang maayos na transisyon sa mga mananalo sa General Elections 2021.
Priyoridad ng Executive Board
Sa ilalim ng panunungkulan ni USG President Maegan Ragudo, itinaguyod ang mga programang nakasentro sa pagpapabuti ng mga serbisyong pangmag-aaral, pagsusulong ng mga progresibong gawain sa loob ng Pamantasan, at pagpapatibay sa mga paghahanda para sa ligtas na pagbabalik-kampus ng mga mag-aaral.
Pagbabahagi pa ni Ragudo, naisakatuparan na ang unang bahagi ng Education Recovery Plan at isinasagawa na ang Student Census bilang ikalawang bahagi ng constituency check sa kasalukuyan. “We also stood our ground in the Tuition Fee Increase negotiations, fought for a 0% increase and ultimately, opposed the planned 2.5% increase next AY,” saad niya.
Pokus naman ng Office of the Vice President for External Affairs, sa pamumuno ni Cate Malig, ang pagpapalawig sa pakikilahok ng mga Lasalyano sa pambansang gawain at pagpapatibay ng samahan sa mga student-led organization. Kabilang din sa mga naisakatuparan ang pagbuo ng batayan para sa polisiya ukol sa anti-redtagging at Disaster Risk Reduction Management ng Pamantasan.
Binigyang-pansin naman ni Annika Silangcruz, USG Executive Secretary, ang pagpapaigting sa accountability at transparency sa mga opisyal ng USG sa pamamagitan ng paglalabas ng mga transparency report. Bukod pa rito, inilatag ng kaniyang opisina ang Virtual Platform for Activity Processing na layong mapadali ang pagpapaapruba ng mga proyekto.
Umikot naman sa paglulunsad ng mga financial assistance program, pagsasaayos ng sistema sa pagsubaybay sa pondo ng USG, at pagsusulong ng makatuwirang student fees ang naging pamamalakad ni USG Executive Treasurer Noel Gatchalian. Kabilang sa nasabing programa ang Dean’s Lister Grant, Release The Fees, at Improved Modern University Transactions.
Sinubukan ding kunin ng APP ang pahayag ni Jaime Pastor, Vice President for Internal Affairs, ngunit wala pang natatanggap na tugon ang Pahayagan.
Pagsuri sa Legislative Assembly
Ipinasulyap din ni Chief Legislator Giorgina Escoto at mga chairperson ng mga komiteng Rules and Policies (RnP), Students’ Rights and Welfare (STRAW), at National Affairs (NatAff), ang mga ipinasang panukala sa pagtatapos ng kanilang termino.
Sa kabila ng maikling panahon, ibinahagi ni Escoto na nakapagpasa ng 37 resolusyon at legislative act ang LA. Dagdag pa rito, napalapit din sa mga mag-aaral ang LA sa tulong ng Office of the Chief Legislator (OCL), gamit ang mga inisyatibang LA Gazette at LA Connect na nakatuon sa pagpapakalat ng impormasyon ukol sa mga ipinapasang panukala at resolusyon, transparency report, at LA Recap na nakatuon naman sa pagbabahagi ng mga kaganapan sa bawat sesyon.
Inilahad naman ni Sophia Beltrano, chairperson ng RnP, na ilan sa mga naisakatuparan ng komite ang pagrebisa ng Rules of the Legislative Assembly at pagsasaayos ng Administrative Code at Code of Conduct na ipatutupad ngayong termino. Nagsagawa rin sila ng Post-Make Up Elections Survey at pag-usisa sa DLSU Commission on Elections upang mabigyang-solusyon ang mga kinaharap na problema noong Make Up Elections 2021.
Inilatag naman ni Astrid Rico, chairperson ng STRAW, na naipasa ng komite ang resolusyon ukol sa mga pagbabago sa Grievance Manual at institusyonalisasyon ng Student Services Hub sa tulong ng Office of the Vice President for Internal Affairs. Ilan pa sa mga panukalang nais ipasa ng komite ang pagdagdag ng mga polisiya sa USG at Student Handbook, kaugnay ng sexual orientation, gender identity and expression.
Ibinahagi naman ni Kali Anonuevo, chairperson ng NatAff, na nakapaglabas ng mga pahayag ang komite tungkol sa mga pambansang isyu, tulad ng pakikiisa sa Earth Hour Movement. Ilan din sa mga proyekto ng komite ang EcoWeek 2021, na nagbibigay-kaalaman sa estado ng kalikasan, at #PollPower 2022, na tumutugon sa voters’ readiness para sa Halalan 2022.
Transisyon sa mga bagong opisyal
Sa nalalapit na pagtatapos ng kanilang termino, umaasa si Ragudo na pagtitibayin ng mga susunod na opisyal ang kanilang mga nasimulan at sisiguruhing matagumpay ang pagsasakatuparan nito. “The future remains bleak and uncertain and now more than ever, what we need is stability and continuity,” aniya.
Kaugnay nito, inilahad ni Malig na implementasyon na lamang ng mga proyekto ang bibigyang-pansin ng susunod na opisyal, katulad ng mga proyekto sa ilalim ng Samahang Lasalyano Network. Samantala, nagsasagawa na ng mga alignment meeting si Silangcruz upang masigurong maayos ang transisyon sa mga susunod na opisyal.
Para naman kay Gatchalian, sinisiguro ng kaniyang opisina na mayroong sapat na pondo ang susunod na administrasyon para sa mga scholarship at financial grant, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga fundraising activity. Gayundin, tiniyak ni Escoto ang pagkakaroon ng maayos na sistema ng record keeping ng LA at OCL, sa pamamagitan ng LA Journal at Vault na magsisilbing tala ng kasaysayan ng LA at lahat ng mga resolusyon at proyektong isinulong sa bawat termino.
Mula sa Patnugot: Isinagawa ang mga panayam noong Agosto 2-13 lamang. Sa kasalukuyan, isinasakatuparan na ang Anti-Red Tagging Initiatives, Comprehensive Report on the COVID-19 Vaccine for DLSU Students, at Student Handbook Revisions 2021 bilang mga natitirang bahagi ng ikalawang yugto ng ERP, kaugnay ng ibinahagi ni Ragudo sa panayam na nabanggit sa itaas. Nadagdagan din ng anim na panukala ang 37 resolusyong naipasa ng LA, kaugnay ng ibinahagi ni Escoto sa panayam na nabanggit sa itaas.