NANGINGIBABAW tuwing may eleksyong pangmag-aaral sa Pamantasang De La Salle (DLSU) ang dalawang politikal na partido nito: ang Alyansang Tapat sa Lasallista at Santugon sa Tawag ng Panahon, na nakatuon sa magkaibang adhikain at mga plataporma. Naging bahagi na ng kulturang pampolitika ng Pamantasan ang pagpanig sa isa sa mga ito tuwing halalan.
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ipinahayag ng ilang pangulo ng mga organisasyon mula Council of Student Organizations (CSO) ang kahalagahan ng pagpapairal ng non-partisanship sa mga miyembro nito. Sa kabilang banda, inalam din ng APP ang opinyon ng mga Lasalyano hinggil sa politikal na kultura ng Pamantasan.
Gampanin ng mga organisasyon
Ibinahagi nina Ella Isabel Abad, pangulo ng Samahan ng mga Lasalyanong Pilosopo (PILOSOPO), Vince Paolo Villanueva, pangulo ng Behavioral Sciences Society (BSS), at Alex* ng Business Management Society (BMS) ang paghahanda ng kanilang organisasyon para sa gaganaping GE.
Nilinaw ni Abad ang papel ng pagiging non-partisan at ang kabuluhan nito sa integridad ng halalan. Aniya, paraan ito upang maipakita ang respeto sa pagitan ng mga organisasyon at partido. Binigyang-diin naman ni Alex* ang pagtataguyod ng non-partisanship ng CSO, “As orgs we hold a certain influence, a considerable influence on our members [and] to our officers,” pagtitiyak niyang mainam ito sa pagpapanatili ng obhetibong bisyon at kredibilidad ng mga organisasyon.
Mahigpit ding sinusubaybayan ang aktibidad sa social media ng mga opisyal ng organisasyon bilang tugon sa pamantayang non-partisanship. Saad ni Villanueva, namamahala ang administrative branch ng BSS sa pagtitiyak na walang kinikilingang partido ang mga kinatawan ng organisasyon.
Sa kabilang banda, naniniwala ang mga organisasyon na hindi daan ang non-partisanship tungo sa pagiging apolitikal. Ipinaliwanag ni Abad na mahalaga sa isang non-partisan ang pagtingin sa magkaibang perspektiba, salungat sa nakagawiang depinisyon ng apolitikal na walang kongkretong politikal na katayuan.
Inilahad din nila ang kanilang mga hakbang upang patuloy na maikintal sa kanilang mga miyembro ang kahalagahan ng pagkakaroon ng politikal na katayuan. Pagbabahagi ni Villanueva, inilunsad ng BSS ang awareness campaign na layong mabigyang-kamalayan ang mga miyembro nito hinggil sa pambansang halalan.
Ibinahagi rin ni Alex* ang The Mindfulness Series ng BMS na nagbibigay-pansin sa voter’s registration. Aniya, layon nitong hikayatin ang mga Lasalyano na makilahok sa pambansang halalan.
Tiniyak naman ni Abad ang pagtataguyod sa kalayaan ng bawat miyembro ng PILOSOPO na makisangkot sa mga usaping sumasaklaw sa mga pangyayari sa loob at labas ng Pamantasan. Saad niya, “We encourage the students to be political since we are taught and it is within our principles.”
Naniniwala naman si Villanueva na sinasalamin ng politikal na kultura ng Pamantasan ang mga indibidwal na paniniwala ng mga Lasalyano, “Lasallians are invested in university politics and I think that strengthens us as one Lasallian community.”
Saloobin ng mga Lasalyano
Nanindigan naman ang ilang Lasalyano sa kanilang paniniwalang pampolitika. Isa na rito si Simone Estavilla mula BS Premed Physics, na tinukoy ang kahalagahan ng pagtingin sa iba’t ibang partido dahil mayroong mga karapatdapat na kandidato mula sa magkabilang panig.
Kumbinsido rin si Sab* mula BS Chemical Engineering, na mahalaga ang pagtingin sa mismong kandidato, sa halip na partido lamang. Inihayag niya ang pagsusulong ng voter’s education, katuwang ng pagpapaalam sa kahalagahan ng konseptong non-partisanship sa mga organisasyon. Kaugnay nito, iginiit din ni John* mula AB-IS Major in American Studies, na magiging daan ito upang maging mas kritikal na botante ang mga Lasalyano sa Pamantasan at sa bansa.
Tumatak naman kay Jez Uplindo, mula BSE Major in Mathematics, ang husay ng parehong kandidato at partido sa Pamantasan, “Lahat naman ng mga kandidato. . . ay may ipinaglalaban, hindi lamang para sa puwesto kung hindi pati na rin sa [serbisyo],” saad niya.
Sa kabila ng iba’t ibang pananaw, nais ng karamihan sa mga nakapanayam na mas mapalawig ang mga programang nakatuon sa voters’ education. Kaugnay nito, isa si Kian*, mula sa AB-IS Major in Japanese Studies, sa mga umaasang mananatili sa mga Lasalyano ang paggalang sa mga opinyong pampolitika. Aniya, “[Ito’y] upang mapalawak ang kaalaman ng mga mamboboto at mas makakapili sila ng kandidato na. . . mas makakatulong sa atin.”
*hindi tunay na pangalan