Pagsalubong sa panibagong kabanata: Ikalawang yugto ng Virtual Job Expo, matagumpay na inilunsad ng DLSU-OCCS

Mula sa DLSU Career Services

INIHANDOG ng Office of Counseling and Career Services (OCCS) ang ikalawang edisyon ng Virtual Job Expo ngayong taon na pinamagatang YUGTO II: Reach for New Horizons, Agosto 9 hanggang 13. Tulad ng unang bahagi ng proyekto, inilunsad ng OCCS ang job expo bitbit ang hangaring mabigyang-diin ang kahalagahan ng career planning. 

Isinagawa ang job expo sa tulong ng iba’t ibang birtuwal at social media platform na dinaluhan ng mga kasalukuyang estudyante at alumni ng Pamantasang De La Salle at ng mga La Salle school sa bansa.

Bagong pagkakataon sa ikalawang yugto

Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Sofia Villaflor, Marketing Companies head ng YUGTO II, inilahad niya ang layunin ng proyektong magbigay ng oportunidad sa mga Lasalyano mula sa iba’t ibang panig ng bansa tungo sa pagkakaroon ng internship at trabaho. “Nais ng organisasyon na himukin ang mga Lasalyano [na] makibahagi sa nagbabagong panahon dulot ng teknolohiya at ang paglipat sa new normal,” pagdidiin ni Villaflor.

Kaugnay nito, ibinahagi rin ni Villaflor ang kahalagahan ng pagkakaroon ng job expo. Aniya, “[Binibigyang-pagkakataon] ang mga estudyante na mas makilala ang mga [kompanyang] nais nilang pasukan, at maintindihan ang mga oportunidad na naghihintay sa kanila.” Dagdag pa niya, nagiging tulay ang job expo upang mamulat ang mga estudyante sa iba’t ibang layunin, pagkakakilanlan, at kultura ng mga kompanyang nais nilang salihan.

Sa kabilang banda, isa sa mga naging pagbabago sa ikalawang yugto ng job expo ang paghikayat ng mas maraming kompanyang makikibahagi sa proyekto. Dagdag pa rito, inimbitahan ng OCCS ang mga kompanya mula sa iba’t ibang sektor upang maging mas inklusibo ang job expo sa mga talento at kakayahan ng mga Lasalyano. Paglalahad ni Villaflor, “Mas naging handa ang aming tanggapan sa mga problemang maaaring mangyari sapagkat ito na ang pangalawang pagkakataon na naglunsad ang OCCS ng virtual job expo.”

Pagkilala sa mga kalahok na kompanya

Binigyang-diin naman ni Villaflor na lubos nilang isinaalang-alang ang kultura ng mga inimbitahang kompanya sa job expo upang masigurong hindi ito taliwas sa kultura ng mga Lasalyano. Aniya, siniguro din ng OCCS na iba’t ibang uri ng kompanya ang inimbitahan upang mabigyan ng oportunidad ang mga Lasalyano na nagmula sa magkakaibang programa at kolehiyo.

Pagbabahagi pa ni Villaflor, umabot sa 117 kompanya ang dumalo sa isinagawang job expo. Ilan sa mga ito ang mga kompanyang nagmula sa industriya ng teknolohiya, pinansyal, impormasyong panteknolohiya (IT), seguridad, Fast-Moving Consumer Goods (FMCG), real estate, serbisyong pampropesyonal, at iba pang kompanyang may kaugnayan sa business process outsourcing. Bukod sa mga nabanggit, lumahok din aniya ang mga tanggapan mula sa mga lokal na pamahalaan. 

“Bagaman at nagkaroon ng representasyon sa iba’t ibang industriya, pinakamarami sa mga kompanya ay nagmula sa industriya ng FMCG at teknolohiya o IT,” pagsasalaysay ni Villaflor.

Aminado si Villaflor na magkakaiba ang ginagamit na mga alituntunin ng mga kompanya dahil mula ang mga ito sa magkakaibang industriya. Gayunpaman, ilan ang paghingi ng curriculum vitae o resume at pagsasagawa ng panayam sa madalas na nagiging proseso ng mga kompanya upang masala ang mga aplikante. 

Ipinaliwanag din ni Villaflor na naibalita sa mga Lasalyano ang listahan ng mga dumalong kompanya sa pamamagitan ng kanilang database na bit.ly/JEA21_CompanyList. Naniniwala siyang tunay na nakatulong ito sa mga Lasalyano upang mas maintindihan ang mga hinahanap na aplikante ng mga kompanya.

Ibinahagi ni Villaflor na nakasalalay ang tagumpay ng job expo sa masigasig na pakikilahok ng mga Lasalyano rito. “Inaalay namin ang bawat job expo sa komunidad ng mga Lasalyano sa bansa,” pagtatapos niya.