Dalawang mahalagang yugto ang kinakailangang paghandaan ng mga Lasalyano: ang General Elections (GE) 2021 sa Pamantasang De La Salle (DLSU) sa buwan ng Agosto hanggang Setyembre, at ang Pambansang Halalan sa Mayo 2022. Bilang mga mamamayang nabibilang sa hanay ng kabataan—na binansagang pag-asa ng bayan—inaasahan ang aktibong pakikiisa at pagkakaisa ng mga Lasalyano tungo sa paghahalal ng mga lider na may kakayahan, pagmamahal sa bayan, at pananagutan sa sambayanan. Ngunit bago gumampan ang mga Lasalyano sa eleksyong huhulma sa hinaharap ng bansa, sasabak muna ang pamayanan sa pagluluklok ng mga estudyanteng lider na maghahatid ng serbisyong karapatdapat matamasa ng bawat Lasalyano.
Ayon sa tala ng DLSU Commission on Elections sa huling apat na taon, pinakamalaki ang bahagdan ng mga Lasalyano na bumoto sa Make Up Elections (ME) 2021 noong Enero, sa kabila ng pagiging kaunaunahang online na eleksyon nito. Malayo sa sinundang 53.96% noong GE 2019, umabot sa 60.02% ng kabuuang bilang ng mga Lasalyano ang naitalang nakiisa sa paghahalal ng mga opisyal ng University Student Government (USG) ngayong akademikong taon 2020-2021. Ngayong isasagawa ang GE 2021 para sa akademikong taon 2021-2022, isang hamon sa mga Lasalyano na higitan ang naturang tala, at patunayang hakbang-pasulong ang kanilang kritikal na paggamit ng boto tungo sa pagiging responsable at mapagmalasakit na mamamayan ng bansa sa Halalan 2022.
Batay rin sa pulso ng mga Lasalyano na inalam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) noong Enero at nitong Agosto, umakyat sa 72.90% ng 210 Lasalyano ang sumagot na boboto sila sa darating na eleksyon sa Pamantasan, malayo mula sa 43.30% na naitala bago naisakatuparan ang ME 2021. Nagkaroon din ng pagtaas sa aspektong pagpapahalaga sa karapatang bumoto, na umakyat sa 84.80% mula 76.20%. Pagpapatunay ang datos na ito na umiigting ang pakikiisa at paninindigan ng mga Lasalyano pagdating sa eleksyon sa kampus, at inaasahan ng APP na mapalalakas din ng mga Lasalyano ang puwersa nito pagdating sa Halalan 2022.
Nananawagan ang APP sa mga Lasalyano na gamitin ang karapatang bumoto sa paparating na GE 2021 at Halalan 2022, at piliin ang mga lider na may malasakit sa nasasakupan, may pananagutan sa pinaglilingkuran, at may paghahangad na sumulong palayo sa anomang porma ng katiwalian. Alinsunod sa Dakilang Layunin ng Pahayagan, naniniwala ang APP na “may konsensya at mapanuring pag-iisip ang mga Lasalyano, kinakailangan lamang na mailantad sa kanila ang katotohanan.”
Bilang publikasyong pangkampus, nananawagan din ang APP sa iba pang organisasyon na pagtibayin ang layunin nitong pataasin ang kamalayan ng mga Lasalyano, hindi lamang sa mga usaping pangkampus kundi sa mga usaping pambansa. Magkakabuklod nating buwagin ang ideyang walang madudulot na pagbabago ang isang boto, at masikhay na ipaunawa sa bawat Lasalyano ang kaakibat na bigat ng isang balota—ng mga pinagdikit-dikit na tintang sasapat para gumuhit ng maunlad na hinaharap.