INIHANDOG ng Office of the Executive Treasurer (OTREAS) ang Rektikano 2021: Online Bazaar mula Agosto 16 hanggang 28. Isa itong taunang selebrasyon na tinatawag na University Vision-Mission Week. Layon ng naturang bazaar na makalikom ng pondo para sa financial assistance at mga proyektong may kaugnayan sa serbisyong pang-estudyante, partikular na ang mga scholarship program at grant sa ilalim ng OTREAS.
Bukod pa rito, hangarin din ng naturang proyekto na bigyang-suporta ang maliliit na negosyo at itaguyod ang pagkakaisa ng pamayanang Lasalyano.
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Thomas Ivan Anape, isa sa mga tagapamahala ng proyekto, inilahad niyang binigyang-daan ng University Vision-Mission Week ang pagpapalaganap sa misyon ng mga Lasalyano, sa kabila ng mga pagbabago bunsod ng pandemya. Aniya, nais ipahiwatig ng napiling tema ngayong taon na hindi dapat maging balakid ang pandemya upang magkaisa at magdiwang ang mga Lasalyano.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Anape ang naging proseso sa paglulunsad ng naturang bazaar. Ayon sa kaniya, nagsagawa ng website ang kanilang komite ng Website Development and Management upang maipagpatuloy pa rin ang taunang bazaar sa kabila ng pandemya. Matatagpuan sa website ang mga produkto ng katuwang na negosyo, pati ang kabuuang proseso ng pagbili. Itinampok naman nila sa Facebook page ng Rektikano 2021: Online Bazaar ang ilang kilalang content creator upang mas mahikayat ang mga Lasalyano na bumili at makilahok.
Sa kabilang banda, ipinarating din ni Anape na hindi naging madali ang proseso ng pagpili para sa magiging benepisyaryo ng proyekto. Saad niya, “Napakaraming mga miyembro (sa loob o labas) ng De La Salle University – Manila [na] may. . . iba’t ibang pangangailangan.” Bunsod nito, napagdesisyunan ng mga tagapamahala ng proyekto at OTREAS na hatiin at ilaan ang pangkalahatang kita ng bazaar sa University Student Government Scholars, Kada-Uno, at Student Assistant Funds upang malawakang makatulong.
Sa huli, ipinabatid ni Anape ang kahalagahan ng pakikilahok ng mga Lasalyano sa online bazaar. Aniya, “Sa aming palagay, isang napakahalagang karanasan ang pakikilahok ng mga Lasalyano sa Rektikano 2021: Online Bazaar sapagkat isa ito sa mga aktibidad na itinalaga upang ipagdiwang ang pagkakakilanlan bilang mga ganap na Lasalyano.”
Pagtatapos ni Anape, “Lalong mas mahalaga ang pakikilahok ng mga bagong pasok na Lasalyano [freshman] upang magkaroon sila ng karanasang ipagdiwang ang DLSU University Vision-Mission Week sa loob ng kanilang mga tahanan.”