Sa mundong nasanay ang sarili sa lamig at tanging mga kamay lamang ang naging kasangga, maituturing bang isang kasalanan ang makasariling pagtaya sa isang kinabukasang walang kasiguraduhan? Isa bang pagkakamali ang lunurin ang sarili sa mga ilusyong makasarili at pagpapantasyang dahan-dahang binabagtas ang bawat sulok ng laman?
Sa sulat at direksyon ni Roman Perez Jr., itinanghal sa pelikulang “Taya” ang dahan-dahang pagtuklas sa mundong handang ialay ang pera’t katawan sa paghahangad na mairaos ang uhaw sa pananabik. Tinahak ang kagustuhang palayain ang sarili kapalit ng isang gabing handang ipagbuhol ang sariling mga binti’t labi sa isang hindi pamilyar na katawan.
Unti-unting pipitasin ang pabalat, aaralin ang bawat liko at bawat lubak sa pahina ng katawan, gagawing hele ang mga ungol na nagpapatulog tuwing gabi, sapagkat sa ganitong paraan lamang maaangkin ang kaniyang katawan. Ngunit patuloy pa ring kikimkimin ang malilikot na maligno; pilit pa ring ikukubli ang lalim at talim ng pinakatatagong pagnanasa.
Laro ng pagkakataon
Sa bawat sandaling dilat ang iyong mga mata, sandamakmak na pagsubok at kahirapan ang walang tawad na babagabag sa iyong isipan. Tanging mga panaginip na lamang ang nagsisilbing kanlungan ng isang pagod na kaluluwang puno ng sugat mula sa pakikipagsapalaran sa mundong mapusok. Subalit hanggang saan ba ang pagtitiis? Hindi ba’t may karapatan din tayong maging masaya kahit panandalian lamang?
Binuksan ang pelikula sa pagpapakilala sa bidang si Sixto Corpuz, sa pagganap ni Sean De Guzman, na tatlong taon nang kinahaharap ang kaniyang pinakamalaking pagsubok — ang makapagtapos ng kaniyang pag-aaral, palibhasa’t alam niyang malaki ang nakataya rito. Mahalaga para sa kanilang pamilya ang pagtatapos niya sa pag-aaral dahil anila, ito ang mag-aahon sa kanila mula sa kahirapan.
Maaaring naging malaking balakid sa kaniyang pagtatapos ang kawalan niya ng kombiksiyon sa buhay — tanging tawag ng laman lamang ang nagpapabilis ng pintig ng kaniyang puso, at nagpapainit sa kaniyang kaluluwa. Tila ba ipinahintulot naman ng tadhana at saktong dumating ang dating kaibigan ni Sixto na si Lepot, sa pagganap ni Pio Balbuena. Madaling makitang namumuhay na ito nang marangya, malayo sa pagkakakilala sa kaniya ni Sixto.
Nagmistulang pakikipagkamay sa demonyo ang dapat na pakikipagkumustahan lamang sa isang kaibigan. Mula sa mamahaling kamera, relo, at iba pang karangyaang kailanma’y hindi pa natatamasa, hinalina ng mundo ng Online Ending Movement ang desperadong si Sixto. Isang ilegal na tayaan ang Online Ending Movement na ‘di lamang pera ang maaaring mapanalunan kundi pati na rin patikim sa mga mahahalimuyak na bulaklak.
Pera at babae — ang dadalawang laman ng isip at puso ng bida, kaya naman tuluyang inabot ni Sixto ang maruruming kamay ng demonyo at nagpakaaliw sa pagsusugal. Lingid sa kaniyang kaalaman ang panganib na dala nito sa kaniyang buhay — ang pagnakaw sa kaniyang dignidad, prinsipyo, at pagkakataong muling masilayan ang panibagong araw para lamang sa panandaliang sarap at kasiyahan.
Paghuhubad sa reyalidad
Sa gitna ng malalamig na gabi, binubuhay ng mga haplos ang init ng katawan. Pinagbabaga ng mga halik at masidhing mga titig ang pagnanasang matupad ang mga pantasya. Sa ilang panahong inilalaan upang sundin ang tawag ng kalamnan, panandaliang nakatatakas ang mga karakter sa mga problemang hinaharap—sa loob ng ilang sandali, walang higit na mahalaga kaysa sa sarap na nadarama. Subalit, darating din ang panahong magwawakas ang eksena, at kinakailangan na muling harapin ng mga karakter ang mundong masalimuot at minsang marahas.
Naging mapangahas man ang pelikulang Taya sa pagiging seksuwal nito, hindi nito nakaligtaang pagtuunan ng pansin ang mga isyung panlipunang kinahaharap ng bansa. Sa katunayan, napakaraming isyung ninais ipakita ng pelikulang Taya. Mula sa isyu ng droga, human trafficking, sugal, at problema sa pag-aaral, sinikap ng pelikula na imulat ang mga manonood sa mga hindi kaayaayang bahagi ng reyalidad. Ngunit, nagsilbing hamon din para sa mga manonood ang aspektong ito, sapagkat sa dami ng mga isyung gustong talakayin ng pelikula, may mga bahaging hindi na nabigyan ng pokus at nag-iwan lamang ng katanungan sa isip ng mga sumusubaybay.
Gayunpaman, may mga isyu, kagaya ng problema sa sindikato, na tumpak na nairepresenta ng pelikula. Ipinakita ng Taya ang kakayahan ng sindikatong namamahala sa Online Ending Movement na patumbahin ang sinomang bumangga rito—walang may atraso ang nakaliligtas sa bagsik ng higanti nito. Subukan mang labanan ang sindikato, makikita na walang palag ang isang ordinaryong tao sa kapangyarihang bitbit nito, lalo pa’t marahas at mapang-abuso rin ang kapulisang makatutuwang sana ng mga biktima.
Magandang punto rin ang naging pagwawakas ng pelikula, na bumalik sa pagiging isang pantasya. Makikitang sa oras ng mga pasakit at paghihirap, naging takas ni Sixto ang kaniyang imahinasyon. Rinig ang mga ungol habang kaniyang ginugunita ang inaasam na ligaya at sarap mula sa mga babaeng pinapantansya. Sa kaniyang mundong tila naging impyerno, hindi rin masisisi si Sixto sa paghahangad niya ng panandaliang langit na hatid ng pagpapaunlak sa tawag ng kalamnan.
Sa pagitan ng rurok at lalim
Sa pagnanais na mapunan ang mga puwang sa espasyo ng mga daliri at binti, dugo’t pawis ang dadanak matakbuhan lamang ang marahas at mapanghusgang realidad. Binigyan-diin ng pelikulang Taya ang tema ng pagkakulong at paglaya mula sa sarili at sa sistemang kanilang kinauukulan; handang makipagsapalaran sa isang kinabukasang walang kasiguraduhan at isinasalalay lamang ang lahat sa bugso ng damdamin at kapusukan.
Ipinakita ring hindi lamang kadiliman ang natatanaw sa ating pagpikit sapagkat maaari din nating pansamantalang maranasan ang maging malaya sa pamamagitan ng pagtaya. Hindi lamang puso ang ipinupusta sa mundong isang sugal ang bawat hakbang; kabilang din dito ang pagsasaalang-alang ng bigat ng iyong nakaraan at ang patutunguhan ng iyong kinabukasan. Gayunpaman, ang kapalarang nakaukit sa ating mga palad pa rin ang huling hahatol sa ating pagtaya at sa pagpikit na lamang mahahanap ang inaasam na pahinga.
Sa kabila ng mga hamong ipinarating, sisisirin pa rin ang kaibuturan upang matuklasan ang hangganan ng ating kahandaang ialay ang ating sarili upang marating ang pinapantasyang kinabukasan. Ngunit kung marating man ito, maituturing pa rin ba itong isang kasalanan?