BINIGYANG-HALAGA ang pagbibigay-pugay sa mga natatanging miyembro ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa paglulunsad ng Gawad Lasalyano 2021, Agosto 27. Layunin ng taunang parangal na magbigay-inspirasyon sa mga Lasalyano na ipagpatuloy ang kanilang serbisyo sa iba’t ibang larangan para sa misyong Lasalyano, sa Pamantasan, at sa bayan.
Ibinahagi ni Christine Joy Ballada, Dean of Student Affairs, sa kaniyang pambungad na pananalita na malikhaing pamumuno at mabuting pamamahala ang tema ng Gawad Lasalyano ngayong taon. Aniya, “Nais natin bigyan ng karangalan ang ating mga mag-aaral, mga guro, at iba pang Lasallian partners na patuloy na nagpakita ng kanilang tapat na serbisyo at pagkamalikhain kahit sa gitna ng pandemya.”
Lasalyano para sa kinabukasan
Tinalakay naman ni Elvin Uy, Executive Director ng Philippine Business for Social Progress, ang kaniyang karanasan at natutunang aral noong estudyante pa siya sa DLSU at ang papel nito sa kaniyang buhay ngayon. Ayon kay Uy, sa kolehiyo nahubog nang lubos ang kaniyang pagkatao, at dito rin niya natutunan ang halaga ng tamang pagtatanong.
Kaugnay nito, inilahad ni Uy ang tatlong punto na nagsilbing-daan upang patuloy na mahubog ang kaniyang paniniwala at konsensya. Una, inalam niya ang mga dahilan sa likod ng paggawa niya sa mga bagay-bagay. Kaugnay nito, kinuwento niya ang mga naranasang kahirapan ng kaniyang pamilya. Bunsod nito, nagpagtanto ni Uy na kailangan magpursigi at magtiyaga upang mapabuti ang kaniyang buhay.
Pangalawa, ipinunto ni Uy na sumali siya sa iba’t ibang organisasyon sa DLSU na nakatulong sa paghubog ng kaniyang kamalayan bilang isang Lasalyano at isang Pilipino, upang mahigitan ang kaniyang sarili. Dagdag pa niya, tumibay ang kaniyang paninindigan, paniniwala, at pananampalataya bunsod ng nasabing desisyon.
Pangatlo, inihayag ni Uy na kailangan ding tanungin sa sarili ang klase ng bansa na ating hinahangad. Para sa kaniya, kinakailangan ng bansa ng makabagong pamumuno at maayos na pamamahala, lalo na sa panahong ito. Sambit niya, “Higit sa lahat, kailangan natin ang mga pinuno na totoong magbubuklod sa atin bilang mga Pilipino upang labanan ang kahirapan, kawalan ng pagkakataon, at iba’t iba pang mga problema na pumipigil sa pag-unlad ng ating mga kapwa at pamayanan.”
Pagpapakilala ng mga Gawad
Pinangasiwaan naman ni Izel Guatno ng komite ng screening ang pagpapaliwanag sa 14 na parangal na nakapaloob sa Gawad Lasalyano. Ayon sa kanya, ilan sa mga larangang binibigyang-gantimpala sa Gawad Lasalyano ang pamumuno, isports, sining, pamamahayag, at gawaing pangmilitar.
Kabilang sa mga naturang gawad sa seremonya ang mga sumusunod: Gawad Francisco V. Ortigas, Jr; Gawad Ramon V. del Rosario, Sr.; Gawad Br. Acisclus Michael, FSC; Gawad Fr. Gratian Murray, FSC; Gawad Ariston J. Estrada, Sr.; Gawad Leandro V. Locsin; Gawad Br. John Lynam, FSC; Gawad Lim Eng Beng; Gawad Br. Imar William, FSC; Gawad Col. Jesus Villamor; Gawad Br. Blimond Pierre, FSC; Gawad Bishop Felix Paz Perez, D.D.; Gawad Br. Cecilio Hojilla, FSC; at Gawad Br. Andrew Gonzales, FSC.
Ibinahagi ni Guatno na maaari nang magpasa ng nominasyon simula Agosto 27 hanggang Oktubre 5 sa kanilang website sa https://my.dlsu.edu.ph/students/awards/gawad_lasalyano/ o https://www.dlsu.edu.ph/offices/osa/gawad-lasalyano/.
Sa pagtatapos ng programa, inanyayahan ni Fritzie de Vera, Vice President for Lasallian Mission, ang mga estudyante at ang kanilang mga katuwang sa misyon na makibahagi sa Gawad Lasalyano 2021. Pahayag niya, “Ang Gawad Lasalyano, may pandemya man o wala, ay isang pagpapahayag ng pasasalamat, pasasalamat sa mga nagbigay ng oras o panahon at ang buong sarili hindi para sa sariling kapakanan, pero para sa ikabubuti ng iba.”