ITINAMPOK ng LEY La Salle sa isinagawang kumperensiya na Business Law Conference 2021: The Future in Agriculture ang sitwasyon sa sektor ng agrikultura sa Pilipinas, Agosto 27. Tinalakay sa programa ang mga batas at polisiya na pumoprotekta sa pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda kasama ang pampribadong sektor.
Pormal na sinimulan ang programa sa isang mensahe mula kay Gene Mercado, pangulo ng nasabing organisasyon. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng sektor ng agrikultura sa bansa bilang isa sa pinakamalaking sektor na bumubuo sa ekonomiya ng Pilipinas.
“The limelight when it comes to commerce has been put in new [and] dazzling industries but let us not forget what our country is rich for—ang yaman ng Pilipinas at ang yaman na ito ay hiyang sa atin. As future business leaders and to the business leaders listening now, let us not forget about our agricultural sector instead, no pun intended, let us make it grow,” batid ni Mercado.
Batas pang-agrikultura
Inilahad ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, minority leader sa Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, ang kasalukuyang sitwasyon ng mga magsasaka sa bansa. Aniya, hindi nakakamit ng sektor ng agrikultura ang buong potensyal nito kompara sa mga karatig bansa na namuhunan.
Naniniwala siyang patuloy na naghihirap ang mga magsasakang Pilipino dahil sa kanilang mababang buwanang kita na Php7,385 lamang. Dagdag pa ni Pangilinan, “At an average of 53 years old, our farmers are still living below minimum wage, matanda na ang ating magsasaka ngunit kahit pa dekada na sila nagtatanim, hindi naging maganda ang estado nila at kalidad ng buhay.”
Binigyang-diin din ni Pangilinan ang responsibilidad at pagbabago na hawak ng kabataan. “Kayo ang bagong henerasyon ng mga kabataang Pilipino, kayo ang bagong henerasyon na mamumuno sa ating mga komunidad at sa ating bansa sa darating na mga panahon,” giit niya.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Pangilinan ang pagsasabatas ng Sagip Saka Act. Aniya, madalas na hinihingi sa mas mababang presyo ng middleman ang ani ng mga magsasaka. Dahil dito, isinabatas ang Republic Act No. 11321 o Sagip Saka Act noong Abril 2019 na naglalayong pahintulutan ang direktang pagbili ng mga ahensya at mga lokal na pamahalaan sa mga opisyal na organisasyon ng mga magsasaka at mangingisda. Bukod dito, ibinahagi niyang maaaring mag-alok ng samahan ang pribadong sektor upang mabigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka at mangingisda na maakses ang pribadong merkado, at maaari ding maibigay ng pribadong sektor ang mga kagamitan sa kanila.
Maliban sa Sagip Saka Act, tinalakay rin ni Pangilinan ang Republic Act No. 11524 o Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act na naglalayong bigyan ang mga magsasaka ng pondong magmumula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Ani Pangilinan, “Through this, 3.5 million coconut farmers will benefit from around 100 billion pesos worth of cash and assets na nakolekta na at lumago na sa napakaraming taon, more than 40 years since this levy was imposed on our farmers.”
Pagpapaalala ni Pangilinan, kinakailangan ng pamahalaan na bumuo ng mga batas at mamuhunan upang lumago ang agrikultural na sektor ng bansa dahil marami pang pagdadaanan ang Pilipinas upang tunay na maisulong ang pagpapalakas nito.
Inisyatiba ng pamahalaan at pribadong sektor
Nagsisilbing plataporma sa pagtataguyod ng sektor ng agrikultura ang Philippines Partnership for Sustainable Agriculture (PPSA) kaakibat ang multi-stakeholder partnership na inihain ng pribadong sektor ng bansa. Sa pagtatalakay ni Veejay Calutan, tagapangasiwa ng Communications and Engagement Department ng PPSA, layon nitong pagtibayin ang produktibidad at rentabilidad ng smallholder farmers. Kasalukuyang aabot sa halos 1.8 milyong magsasaka at mangingisda ang nakatanggap ng benepisyo mula sa mahigit limang daang pribadong kompanya at organisasyon.
Dagdag ni Calutan, naniniwala siyang malaki ang potensyal ng agrikultura upang mapuksa ang karalitaan sa bansa dahil nakaangkla ang mga mekanismo na sumusuporta rito. Ibinahagi ng tagapagsalita ang mga nasyonal na inisyatibang nakalaan para sa sektor ng agrikultura, katulad ng Philippine Development Plan, Vision 2040, at Philippine Action Plan for Family Planning. Mayroon ding mga programa ang Department of Agriculture (DA) at Department of Science and Technology (DOST) Science Education Institute na mas espesipiko sa pagtugon sa pamumuhunan at tulong-pinansyal ng kabataang nais tahakin ang industriya ng agrikultura.
Sa pagdulog ng Grow Asia-PPSA, mithiin ng inisiyatibang ito ang pagpapahalaga at pagkilala sa mas mainam na produksyon at pamamahala ng nasabing sektor. Isinusulong din ng PPSA ang pagpapanukala ng Responsible Agricultural Investment Advocacy Forum ng Magna Carta of Young Farmers sa Kongreso.
Puspusang hinimok ni Calutan ang mga manonood na kumatig laban sa hamong patuloy na nagmamatyag sa sektor ng agrikultura sa Pilipinas. Aniya, “As we approach the celebration of the National Heroes’ Day on Monday [Agosto 30], I hope, let’s be a hero to those who are silenced, those who cannot, and those who will not.”
Programang handog ng pamahalaan
Ibinahagi ni Secretary William Dar, kasalukuyang kalihim ng DA at pangulo ng InangLupa Movement, ang apat na sandigan ng OneDA reform agenda tungo sa konsolidasyon, modernisasyon, industriyalisasyon, at propesyonalisasyon ng sektor ng agrikultura. Kaugnay nito, ibinahagi ng kalihim ang epekto ng pandemya sa naturang sektor batay sa limitadong kapasidad nito sa produksyon at merkado. Bilang tugon, tinalakay ni Dar na hindi ito naging hadlang sa pagpapadaloy ng kalakaran sa sektor.
Ayon kay Dar, umabot sa 19.4 milyong metric tons ang record harvest noong 2020, katumbas ang halos 90% rice self-sufficiency ng sektor. Nagpatuloy ang mga proyektong imprastraktura na nakasentro sa konstruksyon at rehabilitasyon ng iba’t ibang pasilidad ng Small Scale Irrigation Projects at irrigation canals. Matataas ang mga porsyento at halagang nalikom ng poultry, crop, at fishery productions sa nasabing taon.
Sa pagpapatuloy ng talakayan, inilahad ni Dar ang mga proyekto at programang inilaan ng gobyerno sa kooperasyon ng mahigit 200 lokal na pamahalaan, civil society groups, at pribadong sektor. Nakatugon sa pagpapalawig ng urban agriculture ang mga programa, tulad ng KADIWA ni Ani at Kita, na kasalukuyang mayroong walong bilyong halaga ng total sales mula sa 30 pook nito sa NCR at 44,127 benepisyaryo. Kaakibat ng mga programang binanggit ang Php26.04 milyong nilaan ng DA sa Kapital Access for Young Agripreneurs para sa tulong-pinansyal at pamumuhunan ng kabataan.
Bahagi rin ng credit program ng DA ang paglalathala ng halos Php12.3 bilyon mula sa Development Bank of the Philippines at Land Bank of The Philippines para sa BuyANIhan Program, Agri-Negosyo Swine R3, Expanded Rice Credit Assistance Under Rice Competitiveness Enhancement Fund, Agricultural Competitiveness Enhancement Fund, Sugarcane Industry Development Act, at Expanded Survival and Recovery Assistance Program for Rice Farmers.
Sa industriya ng agrikultura, dugo’t pawis ang inaalay ng mga magsasaka at mangingisda sa bawat butil ng palay at isdang hinuhuli at bumubuhay sa masang Pilipino. Mahalagang alamin ang kalagayan ng sektor upang lalo pa silang mabigyan ng suporta. Sa paglilingkod ng sektor ng agrikultura, nararapat na aktibo at epektibo ang pagtugon ng kinauukulan sa kanilang pangangailangan.