ISINATINIG ng Office of the Vice President for Internal Affairs ng University Student Government ang karapatan at tungkulin ng pamayanang Lasalyano na pangunahan ang pagtulong sa kapwa Lasalyano, sa isinagawang Rektikano 2021: Tinig ng Bayanihang Lasalyano, Agosto 16 hanggang 20. Layon nitong matulungan ang mga benepisyaryo ng Lasallian Compassionate Action and RElief (CARE) project.
Ipinagdiwang din ng Rektikano 2021 ang naganap na International Youth Day noong Agosto 12 upang mahikayat ang kabataan na magkaisa sa paglilingkod sa kapwa.
Pagbalik ng serbisyo
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel sa mga punong-abala ng programa na sina Dexciree Vergara, Lyka Samson, at Christine Orbeta, idinetalye nila ang mga isinagawang aktibidad para sa Rektikano 2021 at ang naging proseso sa pagpili nito.
Bahagi ng proyekto ang REKTIKANO: SIS-BOOM-RUN, kaunaunahang virtual fun run na pinangunahan ng mga estudyanteng Lasalyano, upang ipagdiwang ang mabuting kalusugan. Isinagawa rin ang Animo Finds: A Benefit Auction, unang online na auction ng mga Lasalyano, upang makalikom ng donasyon para sa Lasallian CARE project. Ibinenta ng mga kilalang Lasalyano, tulad nina Majoy Baron, Dawn Macandili, Enchong Dee, at Richard Yap, ang kanilang mga gamit sa mga kalahok sa aktibidad na ito.
Kabilang din sa mga aktibidad ng proyekto ang Lifeline, isang worship concert na naglayong bigyan ng espasyo ang mga Lasalyano na ipahayag ang kanilang mga paniniwala sa pamamagitan ng mga awitin ng papuri.
Bahagi rin ng proyekto ang Alam Mo Bo ‘To: A Voter’s Ed series, proyekto para sa Voter’s Education na may dalawang yugto. Unang yugto nito ang kampanyang pampublisidad na nagtampok sa mga karanasan ng mga estudyanteng Lasalyano na nagparehistro ngayong pandemya, estadistika at impormasyong nakalap mula sa Voter’s Registration Survey ng DLSU. Ikalawang yugto naman nito ang birtuwal na art exhibit na may kasamang kompetisyon.
Samantala, tinalakay sa Kita Kita: A Comprehensive Mental Health Awareness Campaign ang mental health, emotional and physical wellness, at kasanayan sa mga usapin tungkol sa pagkatao. Naging paksa naman ang kape sa Make Chika and Brew with the Bruh, habang sumentro naman ang Rektikano Talks, isang serye ng mga podcast, sa iba’t ibang paksa at isyung pang-adbokasiya na nangyayari sa kasalukuyan.
Nagsagawa rin ng mga interaktibong aktibidad ang komite ng proyekto, tulad ng Rektikano: Online Bazaar, REKTIKANWHO?: A Virtual Escape Room, KOREKTIKANO: The Animo Trivia Night, at Archers Arena, isang e-sport tournament, upang makalikom pa ng mga donasyon para sa Lasallian CARE project.
Isinaalang-alang ng komite ang “Creativity, Attainability, Relevance, at Engagement (CARE)” sa pagpaplano ng mga nabanggit na aktibidad. Tiniyak din ng mga tagapamahala ng proyekto na makukuha ang interes ng mga estudyante bilang parte ng pagpapalalim sa kanilang adbokasiya.
Samantala, ibinahagi rin nilang mapupunta ang nakalap na donasyon mula sa mga aktibidad sa 178 empleyado ng Pamantasan. Napagdesisyunan nina Vergara, Samson, at Orbeta na gawin silang benepisyaryo ng proyekto upang mabigyan sila ng oportunidad na ipinagkait sa kanila ng pandemya. Anila, “With this year’s theme being Communion in Mission, we wanted to be able to give back to the community. Specifically those that have always been there for the Lasallians since day 1.”
Pagkakaisa sa adhikain
Ipinabatid ng mga tagapamahala ng proyekto na nananatiling hamon ang pagsasagawa ng programa sa online na plataporma tulad noong nakaraang taon.
Ibinahagi nina Vergara, Samson, at Orbeta na naging balakid ito dahil limitado lamang ang komunikasyon gamit ang group chat at pagpupulong sa Zoom. Dagdag pa rito, nasa 180 ang bilang ng miyembro ng komite na nangasiwa sa Rektikano 2021. Gayunpaman, naging susi ang pagtitiyaga at pagiging bukas sa pagbabago upang mapagtagumpayan nila ito.
Samantala, isinaalang-alang din ng mga tagapamahala ng proyekto ang tanong na “As we continue living in these unprecedented times, how can we exemplify being One Lasallian Community?” sa pagpaplano para sa Rektikano 2021.
Bagaman nais nilang mapakita sa Rektikano 2021 ang Communion in Mission na dala ng 110 taon na pag-iral ng edukasyong Lasalyano sa bansa, layon din nilang mahikayat ang kabataang Lasalyano sa pagbibigay ng boses sa kapwa Lasalyano na nangangailangan ng tulong. “We are reminded that in order to help others, we must be able to help our community first,” paliwanag nila.
“With this goal in mind, we grounded our projects on four main pillars, which are inclusivity, agents of change, engaged citizenry and collective effort,“ dagdag pa nila. Nakabuo ang komite ng proyektong maglilingkod sa mga nangangailangan sa Pamantasan gamit ang mga katangiang ito at naging matagumpay sila sa pagpapakita ng bayanihan bilang tema ng University Vision-Mission Week sa taong ito.
Nais ipaalala nina Vergara, Samson, at Orbeta sa mga Lasalyano ang kahalagahan ng pagsasabuhay sa pananampalataya, paglilingkod, at pagkakaisa sa adhikain. Anila, magagawa ito ng mga Lasalyano kung aalalahanin nila na paraan ng pamumuhay ang tatlong halagahin na higit pa sa mga salita.
“In these unprecedented times, we may be shaken by the turbulence of events, but one thing is certain — the unwavering passion to serve the least, lost, and last only grew stronger,” pagtatapos nila.