Hindi malilimutan ang matitinding hiyawan at asaran tuwing magkatunggali ang Ateneo-La Salle sa loob ng court. Palakasan ng kani-kanilang cheer para sa mga koponan na sasabak sa mainit na labanan habang iwinawagayway ang mga banderang berde at asul. Hataw na hataw rin sa bawat kalampag ng bote o drums maipakita lamang ang suporta para sa sinisintang paaralan. Magkadaupang palad man sa isports, magsasanib-pwersa ang minsang nagkakainitang mga pamantasan.
“You know the country really is in big trouble when Ateneans and Lasallians have no choice but to be on the same team,” wika ni Sen. Risa Hontiveros sa kaniyang paunang bati sa paglulunsad ng 1SAMBAYAN sa Pamantasang Ateneo de Manila (ADMU) at Pamantasang De La Salle (DLSU) noong Agosto 25. Pinamagatang ‘Dude, Pare, Change!’ ang 1SAMBAYAN Ateneo-La Salle Joint Launch na magbubuklod sa dalawang institusyon para sa papalapit na halalan. Layunin nitong paliyabin ang nagbabagang school spirit ng parehong pamantasan upang hikayatin ang mga estudyante na makilahok sa gampanin ng kabataan sa Mayo 9, 2022.
Kasamang tagapagsalita ni Hontiveros sina Bisa Presidente Leni Robredo, Atty. Chel Diokno, at Fr. Albert Alejo. Masigasig namang sumali sa mainit na talakayan sina dating senador Bam Aquino, Youth Convener Rae Reposar, Gobernador Kaka Bag-ao, dating kawani ng Kagawaran ng Edukasyon Bro. Armin Luistro, at dating Hukom ng Korte Suprema Antonio Carpio. Tinalakay ng mga tagapagsalita ang kahalagahan ng pagpapatibay ng demokrasya at gampanin ng kabataan sa nagbabadyang ‘online fight’ dulot ng mga kampanya para sa Halalan 2022.
Kabataan sa pagpapatibay ng demokrasya
Malaki ang gampanin ng kabataan sa pagprotekta ng mga demokratikong institusyon sa bansa. Ipinahayag ni Diokno na ‘40-million strong’ ang youth voters sa susunod na taon kaya’t mahalaga ang boses ng kabataan sa susunod na eleksyon. Subalit kalakip ng mabigat na responsibilidad ang ilan sa balakid na matatamo, gaya ng generational gap o ang pangmamaliit ng mga nakatatanda sa mas nakababata. Ayon kay Reposar, ‘dismissive’ at hindi naipamamalas ang kritikal na pag-iisip kapag pinaiiral ang ganitong kultura. Kaya naman upang matigil ang ganitong kagawian, iminungkahi niya sa lahat na makinig at gumabay sa mga opinyon at hinaing ng mga mas nakababata. Iginiit din ni Reposar na samakatuwid, “sometimes kids or people younger than us have wisdom to offer.”
“I think the youth now are very educated,” ani Carpio. Tinukoy niya ang sosyal midya at internet bilang pinakadahilan sa kamalayan ng kabataan sa isyung panlipunan. Ipinaalala rin niyang papaalis na ang kanilang henerasyon sa eksena kaya’t hinahamon niya ang mga kabataang gamitin ang kanilang karunungan “to rise up for the challenge.”
Madilim na yugto ang panahong ito para sa Pilipinas, at kabataan ang sumasalo ng iba’t ibang problemang dala ng pandemya. Inilahad ni Aquino na ang kabataan, partikular na ang mga katatapos pa lamang sa kolehiyo, ang pinakaapektadong mawawalan ng trabaho sa bansa, dulot na rin ng bagsak na ekonomiya. Gayunpaman, pinaalalahanan naman niya ang kabataan na maaari nilang gamitin ang madilim na yugtong ito upang maging mas matalino sa pamimili ng mga kandidatong magdadala sa atin sa maliwanag na hinaharap. Giit pa ni Aquino, nararapat na makumbinsi ang mga kabataan na magparehistro sa darating na eleksyon, sapagkat ang malaking bilang nila ang maglalatag ng kinabukasan ng bansa, lalo na sa panahong may banta sa ating mga demokratikong institusyon. Pagdidiin niya, “The youth will determine this election.”
Sinang-ayunan ito ni Bag-ao at sinabing malaki rin ang gampanin ng mga organisasyon sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga kabataan sa pagpapahayag ng kanilang saloobin. Dagdag pa niya, “kung organisado kasi tayo, mahirap tayong labanan,” kaya mahalagang maiparamdam ang “strength in numbers” upang magkaroon ng malayang espasyo ang lahat para sa pagbibigay-komento o pagtuligsa sa mga isyung kinahaharap ng bansa sa kasalukuyan.
Pakikibaka sa sosyal midya
Inilarawan ni Aquino ang papalapit na halalan bilang isang ‘online fight’ sa kadahilanang halos magiging online na rin ang mga kampanya ng mga kandidato dulot ng pandemya. Kinakitaan niya ng kritikal na gampanin ang mga kabataan sa darating na halalan dahil ayon sa kaniyang pananaw, pinakamagaling ang mga ito sa paggamit ng sosyal midya. Aniya, “Yung ‘Tumindig’, it’s like that, but online.”
Matatandaang maraming nakiisa at nagbigay-suporta sa satirical art na “Tumindig” ni Kevin Eric Raymundo, o mas kilala bilang Tarantadong Kalbo, sa sosyal midya. Ginawa itong halimbawa ni Aquino sa magiging papel ng cyberspace sa pagsasapubliko ng mga hinaing patungkol sa mga negatibong polisiya at hakbangin ng kasalukuyang administrasyon. Dagdag pa niya, dapat mapanatili ang paggamit ng graphics at visual arts upang mas mapalawig pa ang pakikibaka.
“The youth now comprise a larger sector of our society so we are deciding this May 2022 the future of our youth . . . The youth must rise to the challenge,” hamon ni Carpio. Ngunit, talamak sa panahon ngayon ang trolling at red-tagging na naglalayong takutin ang mga nagbibigay ng kritisismo laban sa kasalukuyang administrasyon, at gawing paralisado ang mga usaping politikal. Dito ipinakita ni Aquino ang importansya ng mga institusyon gaya ng paaralan at samahan ng mga alumni dahil “doon matutulungan ang mga estudyante na nalalagay talaga sa panganib.” Sa kabila ng banta sa kaligtasan, ipinaalala niyang malaki ang sugal sa pakikibaka, ngunit normal lamang ito dahil walang laban kung walang tumataya.
Pinaalala rin ni Aquino na magiging mas magulo ang sitwasyon, lalo’t online, kaya’t hinihimok niya ang mga kabataan na tumindig, makilahok, at maging aktibo sa mga susunod na buwan. Hinihikayat niya ang kabataan na manguna sa paglalahad ng tamang impormasyon, at makialam sa mga isyung lalantad sa nalalapit na eleksyon. Sinang-ayunan ito ni Carpio at sinabing “the price of freedom is eternal vigilance.”
Sa susunod pang mga laban
Nagsisilbing hudyat ng pagbabago ang planong paglulunsad ng 1SAMBAYAN sa iba’t ibang unibersidad upang maidulog ang mga hinaing ng mga sektor na posibleng magdikta ng resulta ng halalan. Patunay ang kolaborasyon ng Ateneo at La Salle na lipas na ang pagkakakilala sa kani-kanilang pamantasan bilang elitista at bulag sa mga problemang kinahaharap ng bansa; naging isa rin itong mapangahas na panawagan na hindi pasisiil ang kabataan sa mapamantala at mapang-abusong naghaharing-uri.
Patikim pa lamang ang mga inisyatibang ito sa tunay na kakayahan ng mga estudyante tungo sa pag-alpas. Kasaysayan na rin ang naglalahad na hindi nagkikibit-balikat ang kabataan sa mga nabubulok ngunit napapanahong isyung panlipunan. Hindi lamang karapatan ang pagtamasa ng ating demokrasya, bagkus isa itong malaking pananagutan na kailangang gampanan at ingatan.
Bukod sa pagtasa ng dunong, nasusukat ang kahusayan ng isang pamantasan sa pagsasapraktika ng mga teorya at pilosopiya kasabay ng paglubog nito sa masa. Subalit, magiging epektibo lamang ito kapag nagpatuloy sa labas ng mga silid-aralan ang ganitong inisyatiba patungo sa iba pang mga sektor na hindi malimit mapakinggan. At sa unti-unting pakikiisa sa maralita, makikita na hindi hiwalay ang problema ng akademya sa suliraning pambansa. Panahon na para tumindig at magkaisa dahil walang demokrasya, karapatan, at kalayaan, na hindi ipinaglaban.