PINANGUNAHAN ng mga estudyante mula sa magkaribal na pamantasan pagdating sa pampalakasan, Pamantasang De La Salle Manila (DLSU) at Pamantasang Ateneo de Manila (ADMU), ang paglulunsad sa kaunaunahang 1Sambayan Youth University Chapters sa pamamagitan ng isang talakayan, Agosto 25.
Katuwang ang mga kinatawan ng maka-demokratikong 1Sambayan, nagkaisa ang mga estudyante na himukin ang kapwa nila kabataan na makilahok sa darating na halalan upang maitaguyod ang umiiral na demokrasya ng bansa.
Binigyang-diin ni Br. Armin Luistro, dating kalihim ng Department of Education at convenor ng 1Sambayan, sa kaniyang pambungad na mensahe ang kahalagahan ng pagkakaisa hindi lamang sa larangan ng pampalakasan. Aniya, “Mas mahalaga na ibigay ang ating sarili sa bayan.” Hinimok niyang huwag ihalal ang pinunong magpapahirap lamang sa kalagayan ng bansa at ng mga mamamayang Pilipino. Dagdag pa rito, ipinaliwanag niyang mahalaga ang ginagampanan ng kabataan upang maipanalo ang taumbayan sa darating na halalan.
Ipinahayag naman ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo ang kaniyang mensahe ng pakikiisa. Pagpapaalala niya, “Nasa bayanihan ang susi ng anomang tugon.” Bukod kay Robredo at Luistro, nakiisa rin si Senador Risa Hontiveros na binigyang-diin ang palpak na pagtugon ng pamahalaan sa pandemya.
Ipinaalala naman ni Human Rights Lawyer at kasalukuyang dekano ng College of Law ng DLSU Atty. Chel Diokno na kinakailangang taglayin ng susunod na lider ng bansa ang pagiging seryoso, sinsero, may hugot para sa bayan, at may totoong pagmamahal sa taumbayan.
Bukod dito, kabilang din sa mga naging tagapagsalita sina Atty. Rae Reposar, 1Sambayan Youth Convenor; Dinagat Islands Governor Kaka Bag-ao; dating Associate Justice at isa sa mga convenor Antonio Carpio; at dating Senador Bam Aquino. Naniniwala silang ngayon ang tamang panahon na magkaisa ang lahat sa kabila ng pagkakaiba-iba.
Sa pagpapatuloy ng talakayan, binigyang-diin ni Aquino na hawak ng kabataan ang Halalan 2022 dahil sila ang pinakamaaapektuhan sa kalalabasan nito. Bunsod nito, puspusan ang kaniyang paghimok sa sektor ng kabataan na magparehistro at bumoto.
Sumang-ayon naman dito si Fr. Albert Alejo, SJ, isang Jesuit priest, at ipinaliwanag na hindi lamang dapat naipakikita ng kabataan ang kanilang pagiging aktibo sa TikTok at Facebook. Naniniwala siyang hindi lamang dapat pinayayabong ang pansariling kakayahan sapagkat kinakailangan din nilang makilahok sa mga pagkilos ng mga institusyon.
“Hindi ka lang basta anak na nasa loob ng pamilya pero mamamayan ka rin, at sa edad niyo [kabataan] bilang botante, kailangan nang makilahok. . . Importanteng hindi ka lang avatar, hindi ka bot, totoong tao ka, ibig sabihin, kailangan nakaapak ka sa lupa,” giit ni Alejo.
Pagpapatuloy naman ni Reposar, naniniwala siyang nalilinang ang kritikal na pag-iisip ng mamamayan sa pamamagitan ng paghihimok na gamitin ang kanilang boses upang iparinig at ibahagi ang kanilang mga opinyon. Pagpapaliwanag niya, layunin nilang maging ligtas na lugar ang Pilipinas para sa kabataang nagnanais magbahagi ng kanilang saloobin.
Katulad ni Reposar, naniniwala rin si Hontiveros na kinakailangan ng solidong pagkakaisa mula sa mamamayan dahil mahalagang malaman ang estratehiyang naaayon sa masang Pilipino—isang paraan upang matigil ang pamumuno ng mga lider na nagsusulong lamang ng kanilang pansariling interes. Pagdidiin ni Hontiveros, tama at sapat na suporta mula sa susunod na administrasyon ang kinakailangan ng sambayanang Pilipino upang umiral ang tunay na demokrasya sa bansa.
“We must only look to what binds us now, the desire for the government that does not kill, a government that does not silence its critics, a government that chooses Filipinos over China, a government that listens to health experts, instead of military officials in a pandemic, a government that still believes in a democratic principles in the rule of law, in upholding our human rights and dignity,” pagtindig ni Hontiveros.
Kinalampag naman ni Diokno ang kabataan at iniwan ang mga katagang—“Do we want a leader who lords it over us or a leader who serves the people? Do we want a leader who dictates or a leader who listens and consults the people? That is going to be your choice.”
Bilang pagtatapos, siniguro naman ni Luistro na hindi lamang natatapos ang mga programang ito sa DLSU at ADMU, at inaasahan niyang mabilis ang paglawak ng 1Sambayan Youth University Chapters sa iba’t ibang institusyon sa bansa.