INAPRUBAHAN sa ikalimang espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang ilang pagbabago sa Student’s Charter, Agosto 24. Tinalakay rin sa sesyon ang pagkakaroon ng oras ng opisina para sa University Student Government (USG), na naglalayong magtakda ng hangganan sa oras ng trabaho ng mga opisyal ng USG.
Samantala, ipinagpaliban naman ang panukala ukol sa pagtataguyod ng tulong-pinansyal para sa Persons with Disabilities (PWD) bilang pagtalima sa napagkasunduan sa pagpupulong ng mga tagapagtaguyod, kasama ang USG Executive Committee (EXECOM).
Pagbabago sa Student’s Charter
Pinangunahan ni Aeneas Hernandez, EXCEL2022 at isa sa mga tagapagtaguyod ng panukala ukol sa pag-enmiyenda ng Student’s Charter, ang unang bahagi ng sesyon. Bungad niya, ilan sa mga inilakip na pagbabago ang pagkakaroon ng gender neutral na mga panghalip at paglalagay ng mga tala ng napag-usapan sa mga pagpupulong kasama ang Student Handbook Revisions Committee at Convention of Leaders.
Idinagdag din ang pabalat na pahina at talaan ng nilalaman bilang palatandaan sa mga isinagawang pagbabago. “It has been presented to the EXECOM and we are waiting for them to affix their signatures,” saad niya ukol sa paglakip ng mga lagda ng mga opisyal ng EXECOM at mga college president.
Binigyang-linaw din ni Hernandez na pinal na ang mga inilakip na pagbabago at hindi na lamang ito suhestiyon, matapos humingi ni Giorgina Escoto, Chief Legislator, ng klaripikasyon ukol sa susunod na hakbang ng naturang panukala. Aniya, “What will be approved here will be what will be included in the student handbook.”
Samantala, itinaas naman ni Lara Jomalesa, FAST2019, ang katanungan ukol sa posibilidad ng muling pagbubukas ng Student’s Charter para sa pag-enmiyenda ng mga susunod na maninilbihang kinatawan ng LA. “We follow the timeline of the amendment for the student handbook revisions. So since student handbook revisions are being made this year, they will be made three years from now again, so revisions on the students charter will be open again,” tugon ni Hernandez.
Ipinasa ang panukala sa botong 24 for, 0 against, 0 abstain.
Pagtatag ng oras ng opisina ng USG
Isinulong naman sa ikalawang bahagi ng sesyon ang pagtataguyod ng oras ng opisina para sa mga opisyal ng USG. Pagbabahagi ni Escoto, nakasentro ang naturang panukala sa pangangalaga sa kapakanan ng mga opisyal at pagpapanatili ng balanse sa pagitan ng trabaho at personal na buhay. Kasama niya sa pagtaguyod nito sina Bryan Reyes, BLAZE2023, Sophia Beltrano, BLAZE2021, Kali Anonuevo, CATCH2T24, at Vera Espino, 75th ENG.
Pagbabahagi ni Reyes, ipapaloob ang panukala sa Rules of Internal Governance sakaling matagumpay na maisakatuparan ito. Aniya, marapat din na magtakda ng kani-kaniyang office hours ang bawat yunit ng USG at sakaling hindi ito masunod, susundin na lamang ang nakatakdang office hours na ika-7:30 ng umaga hanggang ika-10 ng gabi mula Lunes hanggang Biyernes, at ika-8 ng umaga hanggang ika-3 ng hapon tuwing araw ng Sabado.
Binigyang-diin din ni Reyes na maaari lamang talikdan ang alituntunin sa mga panahon na kinakailangan nang agarang pagpapakalat ng impormasyon at sarbey mula sa USG at administrasyon, panahon ng kalamidad, at napipintong mga panganib na nangangailangan ng agarang pagtugon. Kaugnay nito, sasailalim sa pagsiyasat ng Judiciary Department ng USG ang mga lalabag na yunit ng USG.
Itinaas naman ni Celina Vidal, FOCUS2018, ang katanungan ukol sa saklaw ng panukala at ang kalakip na sistema para sa mga opisyal na kasalukuyang naninirahan sa ibang bansa. Tugon ni Escoto, “Follow the PST but with respect to the welfare of the officer. This bill is focused on generalizing the office hours of the entire USG.” Kaugnay nito, iminungkahi ni Hernandez na magdagdag ng seksyon para sa mga eksepsiyon.
Samantala, humingi naman ng klaripikasyon si Hernandez ukol sa mga aktibidad na maituturing na paglabag, pati ang kaakibat nitong kaparusahan. Ani Reyes, maituturing na paglabag ang paulit-ulit na pagtatakda ng pagpupulong sa labas ng napagkasunduang office hours, na may kaakibat na reklamo mula sa isang opisyal. “We are not in official capacity to say specific sanctions since that would be subject to the investigation of the Judiciary,” paliwanag pa niya.
Binigyang-pansin naman ni Marts Madrelejos, FAST2018, ang kawalan ng karampatang parusa at proseso ng imbestigasyon sa panukala kahit nakapaloob sa panukala na sasailalim sa USG-JD ang lahat ng mga paglabag. Subalit, binigyang-diin ni Reyes na hindi na kinakailangang isaad ang mga tiyak na kaparusahan sapagkat nakalakip na ito sa Rules of Court ng USG-JD.
Tugon ni Madrelejos, nararapat na magsagawa ng pangunahing pag-enmiyenda sapagkat nananatiling malabo ang mga susunod na pangyayari matapos magkaroon ng mga paglabag. Gayundin, iminungkahi ni Vidal na ilakip na lamang ito sa Code of Conduct ng mga opisyal.
Bunsod nito, ipinagpaliban muna ang pagpasa ng resolusyon dahil kinailangang sumangguni ng mga tagapagtaguyod sa USG-JD ukol sa kanilang mga susunod na aksyon. Dagdag pa rito, inaasahang bibigyang-linaw rin nila ang katanungan ng ilang LA ukol sa probisyon sa proseso ng imbestigasyon at kaakibat na kaparusahan, para sa pagpapabuti ng panukala.
Pagsiyasat sa tatlong komite ng LA
Kinumusta naman ni Escoto ang mga nanunungkulang chairperson ng tatlong komite ng LA ukol sa kalagayan ng kani-kanilang proyekto.
Ipinahayag ni Beltrano, chairperson ng komite ng Rules and Policies, na patuloy pa rin ang pagsasaayos ng Admin Code, Code of Conduct, at Guidelines on Appointment, katulad noong mga nakaraang linggo. Pagbabahagi naman ni Anonuevo, chairperson ng komite ng National Affairs, magdaraos na sila ng mga panayam para sa Poll Power 2022 at kasalukuyang pinaghahandaan ang naturang inisiyatiba.
Ipinabatid naman ni Didi Rico, chairperson ng komite ng Student Rights and Welfare (STRAW), na patuloy ang kanilang pagkonsulta at pagsulat ng mga kinakailangang polisiya para sa SOGIE initiative. Dagdag pa rito, pinaghahandaan din nila ang welfare initiative, katuwang ng Office of the President, at ang data privacy policy. Napagpasyahan din nilang mag-enmiyenda na lamang ng umiiral na panukala para sa PWD financial assistance fund na ipaliliwanag nila ngayong linggo.
Inihayag din ni Escoto na ilalathala na ang LA journal at LA vault ngayong linggo, matapos nitong maantala dahil sa ilang problema sa caption at submission.
Sa pagtatapos ng sesyon, inilahad ni Escoto na maghahain siya ng Leave of Absence (LOA), pati na rin ang iba pang kinatawan ng LA. Pansamantala naman siyang papalitan ni Beltrano bilang officer-in-charge chief legislator. Papalitan naman ni Ignacio si Rico bilang officer-in-charge ng STRAW, bunsod din ng paghahain ni Rico ng LOA.
Maghahain din ng LOA sina Francis Loja, EXCEL2023; Ashley Francisco, FAST2020; Reyes; Hernandez; Bryan Camarillo, CATCH2T23; at Jomalesa. Kaugnay nito, si Espino muna ang pansamantalang gaganap bilang majority floor leader, kapalit ni Jomalesa.