Nakaaadik na tono, talentadong mga artista, isama mo pa ang nakaaaliw na musika at music videos – ito ang mga dahilan bakit nakapupukaw ng maraming tagahanga ang musika ng Timog Korea o K-pop. Saksi rito ang mga concert na punong-puno ng mga tagahangang naghihintay upang masilayan nang harap-harapan ang kanilang mga idolo. Isa itong maliwanag na espasyong binuo ng parehong idolo’t tagahanga.
Subalit sa kabila ng mainit na suporta ng mga K-pop fan sa kanilang mga idolo, mainit din ang tingin ng ibang tao sa mga tulad nila, partikular na sa mga K-pop fanboy. Binabato sila ng mga panghuhusga at inaatake ang kanilang seksuwalidad dahil lamang sa kanilang pagtangkilik sa musikang makabago.
Himig ng panatiko
Napupuno ng musika ang bawat sulok ng malalaking istadyum tuwing mayroong konsiyerto ang mga K-pop artist. Kapalit ng kanilang masigasig na pagsayaw at pagkanta ang palahaw ng libo-libong taga-suporta. Upang mas makilala ang mga taong bumubuo sa dagat ng ilaw, nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Gab Perez, 20 taong gulang at isang Grade 12 student sa Royal Melbourne Institute of Technology.
Ayon kay Perez, nagsimula ang kaniyang pagkahumaling sa K-pop noong taong 2009. Pagbabalik-tanaw niya, “It all started when my cousin downloaded K-pop songs sa PSP ko like Fire by 2NE1, Stand By Me by Shinee, and Nobody by Wonder Girls.” Tila nagsilbing susi ang mga kantang ito upang mas makilala pa niya ang bagong mundong kaniya ngayong tinatahak. Subalit kung musika ang napakikinggan ng mga tagahanga ng K-Pop, tila ingay naman ang naririnig ng mga may ayaw rito. “I always receive comments saying na ’bakit kayo nakikinig ng K-pop eh hindi nyo naman naiintindihan yung sinasabi nila?’,” giit niya.
Sa pagiging simpleng tagahanga ng K-Pop, may mga kilay na tumataas at mga labing nag-iingay laban sa mga panatiko, ngunit mas lumalala ito laban sa mga panatikong katulad ni Perez, mga panatikong cisgender na lalaki. Mayroong maling akala na hinuhubog ng mga kanta ang seksuwalidad ng isang tao, kaya pinagdududahan ang pagkalalaki ng mga nasa hanay ng nasabing uri ng tagahanga. Inamin ni Perez na mayroong mga pagkakataong kinuwestiyon ang kaniyang seksuwalidad dahil sa pagkahilig niya sa K-Pop. Gayunpaman, hindi natinag ang mga katulad niya at pinipili pa rin nilang sumayaw sa sarili nilang indayog. “I don’t really care whenever they question my sexuality dahil lang sa pakikinig sa K-pop. Inaccept ko na rin na kahit ano man ang gawin ko, may masasabi at masasabi ang mga tao. So might as well just do my thing and hayaan ko nalang sila,” paninindigan niya.
Pagsayaw sa saliw ng kasarian
Malimit na naipapasok sa usaping K-pop ang diskusyon ukol sa kasarian dahil tumataliwas ito sa kinasanayan. Sa panayam ng APP kay Jerome Cleofas, isang sosyolohista’t propesor sa Pamantasang De La Salle (DLSU), ipinunto niyang nadadawit ang kasarian sa negatibong pagtingin ng ibang Pilipino sa K-pop at sa mga lalaking K-pop fan dahil nagpapakita ito ng mga katangiang mas nakikita sa kababaihan. “May kaunting negative feedback. . . kasi nga yung mga katangiang nakikita natin sa musika, at tsaka sa paraan kung paano i-present ng mga K-pop artist yung mga sarili nila ay usually inaatang natin sa pagkababae,” ani Cleofas.
Ipinunto rin niya ang gampanin ng patriyarka sa paglaganap ng negatibong pagtingin ng lipunang Pilipino sa K-pop at mga panatiko nito. Aniya, manipestasyon ng patriyarka ang isyu ng “BTS Biot” na kumalat sa social media kamakailan lamang. Dagdag pa rito, inihayag din ni Cleofas na nasa makinarya na ng lipunan ang patriyarka kaya’t patuloy na nakapapasok ang ganitong mga diskurso pagdating sa iba’t ibang usapin.
Sa kabila ng mga ito, ipinunto naman ni Cleofas na nakatutulong ang K-pop upang unti-unting tumaas ang paggalang sa non-dominant masculinity. Aniya, “Isa ito sa mga pinagpapasalamat ko sa K-pop, na nagkaroon ng increased na paggalang sa non-dominant, non-aggressive forms of masculinity . . . Itong mga demeanor namin na hindi maangas, na medyo pa-cute, yung fashionable . . . ito ay lumalaban sa naratibo na ito [macho-pyudal] yung mas acceptable na pagkalalaki.”
Musikang nagbibigay-boses sa katahimikan
Bago at malalim ang pinanggagalingan ng K-pop. Marahil para sa mga tagahanga, may dalawang tali lamang ang nagbubuklod sa pagitan nila at ng kanilang mga idolo. Ngunit sa katotohanan, makapangyarihan at politikal ang taling ito sapagkat nagbibigay-boses ang mga artista ng K-pop sa mga tahimik na anyo ng pananalita, pagbihis, o paggalaw ng mga lalaking bumabasag sa dominanteng konsepto ng makismo.
Kasabay ng mga ideolohiyang naglalayong magbigay-boses sa mga tahimik na anyo ng pakikibaka, narito ang K-pop upang mag-alay ng mga kakaibang anyo ng pagtatanghal at musika. Sa pamamagitan ng ganitong makabagong musika at sining, nawa’y magkaroon din ng pagbabago sa pamamagitan ng bukas na pagtanggap sa mga tumatangkilik nito — nang walang panghuhusga, lalo na sa kanilang seksuwalidad.