Palaging naghahabulan ang dalawang kamay ng orasan. Kung tutuusin, ilang beses lamang sa isang araw magtugma ang pagtakbo nito sa kabila ng pagkakapareho ng kumpas. Sa usapin naman ng pagkakaugnay at pagbalanse ng trabaho at paglilibang, tila isang hamon ang magkaroon ng tamang pagtatakda ng mga gawain sa limitadong oras sa isang araw.
Bukod pa rito, hindi na rin bago sa kulturang Pilipino ang ilaan ang buong araw para sa trabaho. Makikita ang bakas ng pagpupursigi tuwing gumigising bago pa bumangon ang araw at magpapahinga lamang tuwing maliwanag na ang buwan. Mistulang sinasagad ang paglaan ng oras sa trabaho upang makasiguradong nakaayon ang mga ito sa pananaw ng kompanyang pinagtatrabahuan. Para sa atin, kaakibat na ng salitang ‘tagumpay’ ang pagod, at kinakailangan muna nating maghirap upang tuluyang makamit ang progreso.
Tinalakay sa BLAZE2022 Times: Culminating Event ang mga preparasyong isinagawa ng mga inimbitahang tagapagsalita ukol sa kanilang karera sa ilalim ng temang “Bridging the gap between work and play.” Nilinaw ang mga karaniwang maling pagpapakahulugan ng iilan tungkol sa relasyon ng trabaho at paglilibang lalo na sa usapin ng pansariling karera at pinagsusumikapang posisyon. Sa pagtatala ng oras sa pagitan ng trabaho at pahinga, matatamo ang tamang ritmo at balanse sa pagitan ng dalawang konseptong ito.
Pag-intindi sa kahalagahan ng paglilibang
Inilatag ng BLAZE2022 ang ilang workshops na parte ng ‘Central Play Avenue, Lower East Side,’ ang pangalawang hanay ng mga aktibidad para sa ikalawang linggo ng BLAZE2022 Times. Mayroong workshop hinggil sa propesyonal na radio at voice acting, marketing, at paggawa ng content sa Tiktok. Makatutulong ang mga workshop na ito upang maturuan ang mga Lasalyanong ituring na isa ring libangan ang kanilang mga trabaho sakaling gustuhin nilang maging voice actor, radio broadcaster, marketing manager, o content creator. Higit sa lahat, layunin ng mga nabanggit na workshop na palawigin ang pagkakaintindi ng mga Lasalyano sa tagumpay.
Matapos ang workshops, pinangunahan din ng BLAZE2022 sa culminating event na ‘Empire State of Work and Play’ ang isang seminar na naglayong iparating na hindi tanda ng tagumpay ang pagod, at maaari tayong magtrabaho nang walang sinasakripisyong oras para sa sariling kaligayahan. Isinulong nito ang kahalagahan ng paglilibang, lalo na sa pagtungtong natin sa karampatang gulang. Inimbitahan sa nasabing seminar sina Bea Chiong, ang kasalukuyang Digital Marketing Manager ng Oppo Philippines, at Zara Carbonell, isang DLSU – Manila alumna at ang delegado ng Pilipinas sa Youth Southeast Asia Leaders Initiative.
Sa pagsisimula ng seminar, binigyang-linaw muna ang kahulugan ng trabaho at paglilibang. Para kay Chiong, simple lamang ang aspekto ng trabaho sa kaniyang buhay: ito ang pagganap sa iyong mga tungkulin upang may maihain kang pagkain sa iyong mesa araw-araw. Halos ganito rin ang naging paglalarawan ni Carbonell sa trabaho: ang pagdalo sa mga pagpupulong at ang paggawa sa iyong mga responsibilidad, kahit pa pagod ka na’t nahihirapang gawin ang mga ito.
Subalit nagkaiba sila sa paglalarawan ng paglilibang. Ayon kay Chiong, “[play is when you] think, conceptualize, strategize, and make sure [that] the brand would stand out.” Para sa kaniya, ito ang paglalaro sa libo-libong ideyang tumatakbo sa iyong isipan upang makapagsulong ng mga proyektong maaari mong ikagalak at ipagmalaki. Sa kabilang banda, “doing things that you love” naman ang paglalarawan ni Carbonell sa paglilibang. Mahalaga sa kaniya ang pagsisigurado na mahal mo ang iyong trabaho sapagkat ang pagmamahal na ito ang tutulong sa iyo upang patuloy na gampanan ang iyong mga tungkulin sa kabila ng mga balakid na maaari mong harapin.
Nagkaiba man ng paglalarawan sa kaligayahan, pareho pa rin nilang idiniin ang kahalagahan ng work-play balance. Para sa kanila, nakatutulong ang balanseng ito upang hindi mo maramdaman ang pagod sa iyong trabaho. Sa pamamagitan din ng balanseng ito, maayos na makasasabay ang iyong trabaho sa takbo ng iyong buhay; hindi ka na maghahabol ng oras upang gawin ang mga bagay na nagbibigay-saya sa iyo, at maituturing mo ring pahinga ang iyong mismong trabaho.
Sa pagtatapos ng culminating event, ipinakilala ang konseptong maituturing bago sa kulturang Pilipino: ang pagkamit sa tagumpay nang hindi isinasakripisyo ang oras para sa sarili, at nang walang masyadong naging pagdurusa.
Sa pagitan ng pagsusumikap at pahinga
Mahahalagang mensahe ang baon ng kabuuang talakayan para sa mga handa nang simulan ang kanilang karera — na oras na upang kumalas sa nakasanayang mentalidad na hindi lamang sa pagsusumikap matatagpuan ang tagingting ng tagumpay, bagkus pati na rin sa munting paglaan ng oras sa pahinga.
Mahalaga ring matamo natin ang aliw at pagmamahal sa trabahong pinaglalaanan natin ng oras at lakas. Dagdag pa rito, panahon na upang maunawaang mahalaga ring maglaan ng oras para sandaling huminto upang ipagbunyi ang bawat tanda ng tagumpay. Kaakibat man nito ang urong-sulong na dedikasyon, patuloy pa ring magpupursigi patungo sa inaasam na kalalabasan.