INAPRUBAHAN sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang panukalang nakatuon sa pagtatag ng Council of Program Representatives (COPR), Agosto 20. Inusisa rin sa nasabing sesyon ang mga resolusyon ukol sa pagrepaso ng Students’ Charter at paglaan ng tulong-pinansyal para sa persons with disabilities (PWD).
Ipinagpaliban naman pansamantala ang pagtalakay sa mga resolusyon ukol sa panawagan para sa mga Lasalyano na kaugnay ng pagdami ng kaso ng COVID-19 at pagbalik ng enhanced community quarantine, pati na rin ang panukalang nakatuon sa kapakanan ng mga opisyal ng University Student Government (USG).
Pagtatag ng COPR
Itinaguyod nina Sophia Beltrano, BLAZE2021, at Bryan Reyes, BLAZE2023, ang pagbuo ng COPR upang magkaroon ng representasyon kada programa ang mga estudyante sa bawat batch sa kolehiyo. “The Council of Program Representatives shall streamline communication between the Program Representatives of each batch in a college,” ani Beltrano.
Iminungkahi rin sa panukala ang estruktura ng COPR subalit nilinaw ni Beltrano na mga college president pa rin ang magdedesisyon sa paraan ng pagpapatupad nito.
Nakasaad din sa panukala ang pagkakaroon ng program representative sa bawat programa. Maaari ding hindi magtalaga ng mga kinatawan sakaling hindi ito kailanganin ng Batch Government Executive Board subalit kakailanganin ang pag-apruba ng kanilang college president. “We want to maintain, in a micro-level, the representation but of course we want to make sure that that decision is coursed through the college president,” aniya.
Iminungkahi naman ni Aeneas Hernandez, EXCEL2022, na mainam na ipaalam na lamang ng Batch Government Executive Board (BG-EB) ang desisyon nila sa college president sa halip na kunin ang pagsang-ayon nila upang respetuhin ang kapangyarihan ng mga batch government. Sumang-ayon ang mga tagapagtaguyod ng nasabing resolusyon at inalis sa panukala ang rekisitong aprubahan pa ng college president ang desisyon ng BG-EB sa pagkakaroon ng mga program representative.
Inaprubahan ang nasabing panukala sa botong 23 for, 0 against, at 1 abstain.
Rebisyon sa Student’s Charter
Samantala, ipinanukala naman ni Hernandez at Katkat Ignacio, EXCEL2021, katuwang sina USG President Maegan Ragudo at Jasmine Paras, direktor ng Office of the President for Student’s Rights and Welfare (STRAW), ang pag-enmiyenda ng University Students’ Charter. “[It] shall be amended to respond and reflect the evolving needs of the students,” ani Hernandez.
Tinutukan ng nasabing resolusyon ang rebisyon sa Students’ Charter para gawin itong mas inklusibo at maihanay sa bagong USG Constitution. Isinama rin dito ang pagtataguyod ng karapatan ng mga Lasalyano laban sa pang-aabuso at diskriminasyon batay sa kasarian. Binanggit din ni Paras ang pagkakaroon ng sapat na akses sa safe spaces at serbisyo para sa mental health ng mga estudyante.
Binigyang-tuon din ni Paras ang mga rebisyon ukol sa karagdagang representasyon ng mga estudyante sa Pamantasan, partikular na sa Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition Fees at sa Council on Inclusion, Diversity, and Well-being. Isinama rin dito ang Disaster Risk Reduction and Management Ad Hoc committee matapos imungkahi ni Lara Jomalesa, FAST2019.
Inilahad naman ni Ignacio ang pagbabago sa proseso ng paghahain ng reklamo, na sasaklawin ng bagong Student Complaints and Grievances Manual. Paglalahad niya, “This manual is a more simplified version so that students and USG officers can be easily guided on how they could help one another in the process of grievances.”
Samantala, ibinahagi ni Ragudo na sumang-ayon na sa mga nabanggit na rebisyon ang Student Handbook Revisions Committee kasama ang Dean of Student Affairs, Student Discipline Formation Office, at mga kinatawan ng administrasyon at pakultad. Inilahad din niyang isinaalang-alang din dito ang komento ng mga estudyanteng lider sa pamamagitan ng isang focus group discussion sa Convention of Leaders (COLE).
Iginiit din ni Ragudo ang kahalagahan ng pag-enmiyenda ng Students’ Charter upang tugunan ang pangangailangan ng mga Lasalyano. “We envisioned. . . to revise our Students’ Charter to include the recent situations and the recent recommendations that we have imposed in the conduct of student life,” wika niya.
Tungkulin ng LA
Sa kabilang dako, inusisa ng ilang miyembro ng LA ang proseso sa likod ng pagbuo ng mga rebisyon sa Students’ Charter. Kinuwestyon nina Bryan Reyes, BLAZE2023, at Francis Loja, EXCEL2023, ang hindi pagsama sa mga batch president (BP) sa ginawang konsultasyon ng mga tagapagtaguyod ng resolusyon sa ginanap na COLE noong nakaraang termino.
Ipinabatid naman ni Ragudo na inaasahan nilang maging daan ang sesyon upang maihayag ng mga kinatawan ng Legislative Assembly ang kanilang pananaw sa nasabing panukala. Binanggit din niyang ang mga bumubuo mismo sa LA ang kumakatawan sa kani-kanilang batch.
Sumang-ayon naman si Vera Espino, 75th ENG, kina Reyes at Loja at inilahad niyang nakasaad sa konstitusyon na kinakailangang maging bahagi ng COLE ang mga BP. “I think we cannot in good faith pass this resolution seeing as though [its process] goes against the Constitution and we were unable to consult with our batches and we cannot fully represent something that we do not consult with and that we do not understand,” aniya.
Itinaas naman ni Marts Madrelejos, FAST2018, ang kakayahan ng mga kinatawan ng LA na bigyang-representasyon ang kani-kanilang batch. “[That] is our job. . . we are enough to represent the concerns and the interests of the batch,” giit niya.
Iminungkahi naman ni Chief Legislator Giorgina Escoto na isaalang-alang sa pagrerepaso ng nasabing panukala ang mga komento ng mga kinatawan ng LA dahil mahalaga ang Students’ Charter. Bunsod nito, sumang-ayon sina Ignacio at Hernandez na ipagpaliban ang pagboto sa resolusyon at ipagpatuloy na lamang ito sa isang espesyal na sesyon ng LA.
Tulong-pinansyal para sa mga PWD
Samantala, itinaguyod naman nina Espino, Astrid Rico, 74th ENG, at Macario Vjuan, FOCUS2019, ang panukalang maglaan ng pondo para sa pagbibigay-tulong sa mga estudyanteng may kapansanan. Katuwang nila rito ang Office of the Executive Treasurer (OTREAS), kabilang sina USG Executive Treasurer Noel Gatchalian, OTREAS Chief Operating Officer Louise Angeles, at OTREAS Chief-of-Staff Earlrich Ibon.
Inilahad ni Gatchalian na magkakaroon ng konsultasyon sa estruktura ng paglaan ng pondo sa pangangailangan ng mga PWD na estudyante bawat taon, kasama ang Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment (SLIFE) at mga yunit ng USG. Paglalahad niya, mainam na maging angkop at napapanahon ang pondo ng nasabing programa sa pangangailangan ng mga Lasalyano.
Binigyang-diin din ni Gatchalian ang pagkakaroon ng 20% bawas sa tuition fee ng mga PWD. Gayunpaman, nilinaw rin niyang kinakailangang makipag-ugnayan pa sa administrasyon ng Pamantasan para sa karagdagang tulong-pinansyal, sa tulong ng Office of the Vice President for Internal Affairs.
Iminungkahi naman ni Madrelejos ang pakikipag-ugnayan sa komite ng Rules and Policies (RnP) dahil kinakailangan ang paglalaan ng pondo para sa nasabing programa. Sumang-ayon naman dito si Rico at isinama ang komite ng RnP, katuwang ang komite ng STRAW sa pagtaguyod ng panukala.
Inilahad naman ni Gatchalian na mainam na isangguni muli sa USG EXECOM ang nasabing panukala sapagkat nagkaroon ng mga rebisyon ukol dito. Bunsod nito, napagdesisyunang ipagpaliban din muna ang resolusyon at talakayin ito sa susunod na espesyal na sesyon ng LA.