Hitik sa magagandang alaala at pulidong pagkatuto ang bumabalot sa puso’t isip ng mga Lasalyano bago ito lamunin ng pandemya at idura ang kisapmatang epekto nito sa pagliyab ng natatanging Animo. Tanda pa ang boses ng mga propesor na kinukulob ng isang kwadradong espasyo, maging ang interaksyon na namagitan sa bawat estudyanteng handang tumuklas ng bagong kaalaman sa kani-kanilang kurso. Mga ngiti, tawa, kainan, at kuwentuhan ang ilan sa mga pang araw-araw na gawi na nagpatibay sa relasyon ng bawat estudyante sa Pamantasan. Isa itong agos ng buhay na pansamantalang pinutol ng masamang ihip ng pagkakataong kasalukuyang sumusubok sa buhay ng mga estudyante.
Ibang-iba — ganiyan kung ilalarawan ang buhay ng mga Lasalyano simula nang umusbong ang pandemya. Kung personal na interaksyon at kasiyahan ang kanilang natatamasa noon, tanging internet at social media na lamang ang nagsisilbing koneksyon ng bawat isa ngayon. Subalit lingid sa kaalaman ng nakararami ang kuwento ng mga estudyanteng hindi nakasabay sa daloy ng pagbabago. Nariyan ang katotohanang nararapat na agarang maaksyunan at mabigyan ng karampatang tugon ang kani-kanilang karanasan. Edukasyon ang pinag-uusapan, kaya’t walang pag-aalinlangang dapat mapag-usapan. Walang maiiwan, ito ang kanilang kuwento, dapat nating tutukan.
Pansamantalang pagpapahinga
Ngingitian ang mga taong makasasalubong, kahit pa isang beses lamang sila nakasama sa silid-aralan. Dahan-dahang maglalakad sa LS Hall, ihahanda ang sarili para sa isa na namang nakapapagod ngunit makabuluhang araw sa Pamantasan. Pagpasok sa silid-aralan, makikipagkuwentuhang saglit habang hinihintay ang pagsisimula ng klase. Pagpatak ng alas dose ng tanghali, tutungo sa Agno at bibili ng Rosemary Chicken—magmimistulang musika ang tawa ng mga kaibigan, at hindi bibigyang-pansin ang matinding init ng araw.
Iilan lamang ang mga nabanggit sa mga kinasasabikang mabalikan nina Justine Silverio at Jayann Madrazo, mga mag-aaral ng Pamantasang De La Salle (DLSU), sa kanilang buhay-estudyante bago ipatupad ang online classes. Nang tanungin si Silverio ukol sa pagkakaiba ng face-to-face classes sa online, ipinaliwanag niya sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na “[sa bahay] walang space and time to set the mind na, okay, ready na to go to school—pasok na tayo.” Para naman kay Madrazo, mas nakapopokus ang mga estudyante kapag face-to-face ang klase—walang utos si Nanay, walang nakabibinging ingay dulot ng ipinapatayong katabing bahay, at walang hugasing nakatambak sa lababo na magpaparamdam sa’yo na tila kasalanan silang ipagpaliban.
Sa kabila ng pagkasabik sa buhay sa Pamantasan, kinailangang magsumite ng Leave of Absence (LOA) nina Silverio at Madrazo. Ayon kay Silverio, dulot ng kaniyang Dysthymia, o persistent depressive disorder, ang desisyon niyang pansamantalang itigil ang kaniyang pag-aaral. Paliwanag niya, kahit kaya niya pang lumaban, alam niyang mas mailalabas niya ang kaniyang potensyal sa panahong wala na siyang masyadong responsibilidad. Halos ganito rin ang naging sitwasyon ni Madrazo bago siya nagdesisyong mag-LOA. Pagbabahagi niya, “I was in Manila, I lived in a condo, I was alone. Nag-overload ako ng units, but I realized na very very draining siya… detrimental siya for my mental health.” Aniya, nang magsimula ang quarantine, naging dagok ang pagkakalayo niya sa kaniyang pamilyang nasa Iloilo; kinailangan niyang pagsabayin ang kaniyang pag-aaral at ang pag-aasikaso sa sarili. Hindi maitatangging sa pagpapatupad ng birtuwal na klase, nadagdagan pa ang intindihin ng mga estudyante.
Bagamat nagdesisyong mag-LOA, hindi itinatanggi nina Silverio at Madrazo na minsan, naiisip pa rin nilang nahuhuli na sila. Kahit ibinahagi nilang nakatulong ang LOA upang mas mapayabong nila ang mga bagay na hindi nila nabibigyang-halaga noong nag-aaral pa sila—gaya ng yoga para kay Madrazo at spiritual reflection naman para kay Silverio—mahalagang malaman na hindi dapat dumating sa puntong kailangang mamili ng mga estudyante sa pagitan ng kanilang kalusugan at kanilang pag-aaral. Hindi man karera ang buhay, sa gitna ng ‘bagong normal’, nararapat ang progresibong planong bibigyang-priyoridad ang bawat estudyante upang mailayo sa pag-aalinlangang, “Hala, huli na ako.”
Panawagan tungo sa #LigtasBalikEskwela
Iba’t ibang suliranin ang hinaharap ng mga mag-aaral sa pagpapatupad ng online classes. May ilang nahihirapan sa pagbago ng kanilang paraan ng pag-aaral na iba kompara noong pisikal pa ang mga klase. Lumitaw rin ang isyu ng mga napag-iiwanang estudyante bunsod ng kakulangan sa maayos na device at koneksyon sa internet na kailangan sa bagong moda ng edukasyon. May iilan ding kinulang sa pinansyal na suporta upang ipagpatuloy ang kanilang enrollment. Ilan lang ito sa mga dahilan ng pansamantalang paghinto sa pag-aaral ng mga estudyanteng nag-LOA. Sa kabila ng mga ito, tila hindi pa rin nabibigyan ng sapat na atensyon ng ating gobyerno ang hinaing ng mga estudyanteng apektado.
Bunsod nito, sumibol ang panawagang #LigtasBalikEskwela upang kalampagin ang mga kinauukulan para sa kanilang agarang pagkilos, tungo sa pagsugpo sa COVID-19 sa bansa at pagbabalik ng pisikal na klase. Sa panayam ng APP kay Eryka Sumulong, kasapi ng Kabataan Partylist-Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, idiniin niya na, “[Kailangang] ipatupad ang mass testing, masugid na contact tracing, mabilis na roll out ng libre at ligtas na bakuna, at pagpopondo sa mga paaralan upang makapagtayo ng mga pasilidad kontra COVID-19.”
Layunin ng mga panawagang ito na matugunan ang suliranin sa edukasyon sa bansa, ngayong may mga estudyanteng naisasantabi ang kanilang karapatan sa gitna ng online classes. Gaya nga ng sabi ni Sumulong, “Ang edukasyon ay karapatan, at hindi natatamasa ng lahat ang karapatan na ito dahil sa online classes. Ngunit sa face to face, mas malaki ang tyansa na lahat tayo ay makapag-aral.”
Hindi rin dapat matapos ang panawagang #LigtasBalikEskwela hangga’t may mga mag-aaral pa ring napag-iiwanan. Pagdidiin ni Sumulong, “Magandang mas paingayin pa ang kampanyang LBE [dahil] hindi maitatanggi na ang public opinion ay isa sa mga primaryang instrumento na nagpaparating ng hinaing sa pamahalaan.”
Inaasam na pagbabalik
Tunay ngang edukasyon ang nagsisilbing susi upang maabot natin ang sariling kaunlaran at maisulong ang magandang kinabukasan ng lipunan. Subalit minsan, kinakailangang tumigil muna para mas makayanang abutin ang mga pangarap, at dapat tandaang hindi ito katumbas ng pagkatalo.
Sa kabila nito, dapat isaisip na pansamantalang solusyon lamang ang LOA at hindi pabor o epektibong pamamaraan para sa marami. Sa likod ng naratibo nilang mga nag-LOA, may mas malalim na dahilan na nararapat ungkatin at himayin. Maraming mag-aaral ang napilitang tahakin ang landas na ito—walang ibang pagpipilian kundi ang pansamantalang pagtigil dulot ng hindi epektibong pagtugon at pamamalakad ng pamahalaan sa gitna ng pandemya. Malaki ang responsibilidad ng gobyerno at mga paaralan upang masolusyunan ang suliraning ito. Gaya nga ng paniniwala nina Silverio at Madrazo, dapat na magkaroon ng tiyak na plano ang gobyerno upang maibalik ang orihinal na moda ng edukasyon.
Hindi tayo makakawala sa tanikalang ito hangga’t nagpapatuloy ang ganitong pamamalakad ng pamahalaan. Kinakailangan ang epektibo at progresibong aksyon laban sa pandemya tungo sa pagharap sa mas magagandang umaga. Kaya dalhin lamang ang masasayang istorya’t karanasan noong bago pa magkaroon ng pandemya—panghawakan ito upang pagtibayin ang tulay na magkokonekta sa nawasak ng rumagasang agos. Isabay ang patuloy na pagpiglas at pagsulong para sa epektibo at ligtas na balik-eskwela na nararapat para sa lahat.